Isang ama sa China ang nagviral matapos niyang maghukay ng libingan para sa anak niyang may sakit na thalassemia. Bakit nga ba niya ito ginawa, at nagagamot pa ba ang sakit na ito?
Thalassemia: Ano nga ba ang sakit na ito?
Ang batang si Zhang Xin Lei ay 2 taong gulang pa lamang nang ma-diagnose ng sakit na thalassemia. Ito ay isang sakit sa dugo kung saan “nasisira” ang mga red blood cells ng isang tao. Dahil dito, nagkukulang ang dugo at nagkakaroon ng anemia ang mga may ganitong sakit.
Sa kaso ni Zhang Xin Lei, 2 buwang gulang pa lang siya nang malaman na mayroon siyang ganitong karamdaman. Ginawa naman ng mga magulang ni Zhang ang lahat ng kanilang makakaya upang magamot ang karamdaman ng anak, ngunit sadyang mahal ang treatment para dito.
Mahigit 140,000 Yuan o 1 milyong Piso na raw ang kanilang nagagastos para sa pagpapagamot ng anak. Nangutang na raw sila sa lahat ng puwede nilang pagkautangan, at dumulog sa lahat ng puwede nilang puntahan, ngunit sadyang mahirap makalikom ng pera.
Dahil sa kakulangan sa pera, mukhang hindi na nila maipagpapatuloy ang pagpapagamot sa anak.
Nang mabuntis ulit ang magulang ni Zhang ay umasa silang baka magamit ang cord blood o dugo sa pusod ng sanggol upang magamot si Zhang. Ngunit napakamahal daw pala ng ganitong treatment, at lalo nilang hindi ito kayang pagkagastusan.
Dinadala ng ama si Zhang sa libingan upang maging komportable dito ang bata
Kaya’t minabuti na lang ng ama ni Zhang na ihanda na ang bata sa posibleng mangyari. Naghukay na siya ng libingan para sa kanyang anak, para daw masanay na ang bata dito.
Araw-araw ay dinadala niya ang anak sa hukay, at naglalaro daw sila dito. Umaasa siya na kung mangyari man ang di inaasahan, ay magiging mapayapa ang kaniyang anak sa huling hantungan.
Matapos mag-viral ang kwento ni Zhang ay dumami ang mga tumulong sa bata. Dahil dito humingi na rin ng tulong ang pamilya sa pamamagitan ng isang crowdfunding website.
Umaasa ang pamilya na matutulungan sila, at mapapabuti ang kalagayan ng kanilang anak. Maaaring mapanood dito ang video ni Zhang.
Ano ang thalassemia?
Ang thalassemia ay isang sakit kung saan may mutations, o kakaiba ang nabubuong red blood cells sa katawan. Dahil dito, kinukulang ang dugo na dumadaloy sa katawan, at nagkakaroon ng anemia ang mga may ganitong karamdaman.
Madalas ay napapansin ito kapag nasa 1-2 buwang gulang na ang isang sanggol, dahil magkakaroon sila ng matinding anemia. Kinakailangan na salinan ng bagong dugo ang mga taong may ganitong karamdaman upang maging normal ang lebel ng kanilang dugo.
Sa kasalukuyan, iisa lang ang paraan upang magamot ang thalassemia. Ito ay sa pamamagitan ng isang bone marrow transplant kung saan ililipat ang donor na marrow sa buto ng taong may ganitong kondisyon. Ito ay upang maging normal ang blood cells na binubuo ng kanilang katawan.
Ngunit napakamahal ng ganitong klaseng operasyon, at minsan matagal bago makahanap ng donor. Kaya’t nahihirapan ang mga magulang ng batang may thalassemia na ipagamot ang kanilang mga anak.
Basahin: Bata namatay sa sakit na nanggaling sa dumi ng daga