Inakala ng mga magulang ng batang si Fernando Hernandez na simpleng flu lamang ang sakit niya. Ngunit nang magsimula siyang magsuka, at tumaas ang kaniyang lagnat, nag-aalala na ang kaniyang mga magulang. Yun pala, naging biktima si Fernando ng hantavirus pulmonary syndrome; isang sakit na nanggagaling sa dumi ng daga.
Paano siya nagkaroon ng hantavirus pulmonary syndrome?
Noong January pa raw nagsimula ang sakit ni Fernando, na nakatira sa New Mexico, sa USA. Sa simula daw ay parang flu lang ang naging sintomas ng kaniyang sakit.
Ngunit pagtagal ay nakaramdam na siya ng pagsusuka, at matinding panghihina. Umabot din sa punto na nahirapan na siyang huminga, kaya’t dinala siya agad sa ospital. Dito, nalaman na mayroon na pala siyang hantavirus pulmonary syndrome.
Ito ay isang sakit na inaatake ang mga organs ng katawan, at nakukuha ito mula sa dumi ng mga daga.
Matagal-tagal din si Fernando sa ospital at kinailangan pa siyang ikabit sa Extracorporeal Membrane Oxygenation (ECMO) Machine na tumutulong para maipahinga ang kaniyang puso at baga.
Ngunit sa kasamaang palad, matapos ng 9 na buwan ng pakikipaglaban sa sakit, biglang nagkaroon ng isang brain hemorrhage si Fernando. Dahil dito, dineklara siyang brain dead, at inilagay sa life support.
Napilitang magdesisyon ang kaniyang mga magulang na tanggalin siya sa life support dahil wala na siyang pag-asang maka-rekober pa.
Mas nakakalungkot pa ay naghihintay na lamang ng donor sa heart and lung transplant si Fernando. Kung nakahanap sana ng donor ng mas maaga, ay posibleng nasagip ang buhay niya.
Paano makakaiwas sa ganitong sakit?
Naikwento ng tatay ni Fernando na mga 2 buwan bago siya nagkasakit, humingi siya ng tulong sa anak para linisin ang kanilang bakuran. Matapos niyang malaman na galing sa dumi ng daga ang sakit, naisip niya na baka doon nahawa ang kaniyang anak.
Bagama’t hindi na natin malalaman kung saan nga ba talaga nakuha ni fernando ang virus, mahalaga pa rin na gumawa ng mga hakbang ang mga magulang upang makaiwas sa sakit na ito.
Heto ang mga dapat tandaan:
- Panatilihing malinis ang kapaligiran. Iwasang mag-iwan ng kalat, basura, o tirang pagkain para hindi pamugaran ng mga daga.
- Huwag hayaang maglaro ang iyong anak sa mga maduduming lugar.
- Turuan ang iyong anak na maghugas ng kamay bago kumain, at kapag kakagaling lang nila sa labas.
- Mag spring cleaning ng iyong bahay upang malinis ang mga sulok-sulok at hindi maipon ang dumi.
- Kapag mayroong flu ang inyong anak na hindi gumagaling, huwag mag dalawang isip na dalhin agad sila sa doktor.
Source: Daily Mail
Basahin: “Please, wag niyong dalihin sa pampublikong lugar ang bata kung may sakit.”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!