Kadalasan kapag may simpleng ubo ang mga anak natin, ipinagsasawalang bahala lamang natin ito. Dahil sa takot na maka-miss sila ng klase at bagong lesson sa school, pinapapasok pa din natin sila. O di kaya’y kapag may lakad ang pamilya, ang una nating naiisip, “Kawawa naman si bunso kung maiiwan.” Kaya isinasama pa rin natin ito. Ngunit pakiusap ng isang nanay: “Panatilihin sa bahay ang mga batang may nakakahawang sakit.”
Nakakahawang sakit
Alam ni Courtney Hayes, isang nanay mula sa Arizona, na hindi maiiwasang ilabas ng mga magulang ang mga anak nila kahit may nakakahawang sakit ito tulad ng sipon, ubo o sore throat. May mga pagkakataon na walang ibang mag-aalaga sa bata sa bahay at kailangan isama ito sa mga errands tulad ng grocery shopping o di kaya’y sa pagpapa-check-up ng ibang mga anak.
Ngunit ipinunto niya na mayroong mga lugar na puwede namang iwasan katulad ng mga parks, museums, at restaurants—mga pampublikong lugar kung saan maipapasa ng bata ang nakakahawang sakit nila sa kapwa nila bata. Hindi kasi lahat ng bata ay may malakas na resistensya na kayang labanan ang mga germs at bacteria na naipapasa.
Ito kasi ang nangyari sa kaniyang baby, si Jude.
Baby Jude
Mayroon kasing sakit si Jude. Pinanganak ito ng may DiGeorge syndrome o ang 22q11.2 deletion syndrome, kung saan maliit na parte ng chromosome 22 ang kulang. Nagdudulot ang in-born na sakit na ito ng mahinang resistensya o immune system na hindi kayang labanan ang mga nakakahawang sakit. Mayroon din itong sakit sa puso.
Apat na araw matapos itong ipinanganak, inoperahan na agad siya sa puso para gamutin ang kaniyang truncus arteriosus, isang rare heart defect.
Masakitin si Jude at kadalasan nasa bahay lang ito dahil sa kaniyang kalagayan. Ngunit alam ni Courtney na hindi rin mabuti para sa kalusugan ng kaniyang baby na nakakulong lang sa bahay habangbuhay. Kaya naman paminsan-minsan, inilalabas niya ito kapag maganda ang lagay ni Jude.
Bago pa man magsimula ang flu season, minabuti ni Courtney at ng asawa niya na ipasyal si Jude sa Children’s Museum of Phoenix. Habang nando’n bantay-sarado sila sa 18-buwang gulang nilang baby. Parati nilang hinuhugasan ang kamay nito, sina-sanitize lahat ng bagay na kaniyang hahawakan, at inilalayo sa ibang bata.
Ngunit kahit anong pag-iingat nila, hindi pa rin naiwasan na may masamang nangyari.
May isang batag babae na nakasalubong si Jude. Nag-smile ang bata at aksidenteng naubuhan si Jude sa mukha. Matapos ang dalawang araw, nagsimula na ring ubuhin si Jude.
Dahil sa mahinang immune system nito, ang simpleng ubo ay hindi simple para sa kaniya.
“Nitong nakaraang pitong gabi, hawak-hawak ko ang baby ko habang sumisigaw, nabubulunan, inuubo, at nagsusuka siya ng plema magdamag. Habang nangyayari ito, hindi ko maiwasang isipin kung bakit hinayaan ng mga magulang nung batang babae na lumabas siya ng bahay kahit na hindi pa ito magaling sa kaniyang sakit.”
Nagsisisi si Courtney na ipinasyal niya si Jude, pero tanong nito: “Hindi niya ba deserve maging masaya? Hindi ba deserve ng lahat ng bata na maging masaya?”
Panawagan sa mga magulang
Alam ni Courtney na hindi trabaho ng ibang magulang na protektahan si Jude, trabaho niya ‘yon. Ngunit nananawagan din siya na para sa kapakanan ng lahat ng bata na huwag hayaan makisalamuha ang batang may nakakahawang sakit hangga’t hindi pa ito magaling.
“Puwede naman na maghintay ng ilang araw hanggang lubusan ng magaling ang bata bago ito palabasin—sa pamamagitan nito, maproprotektahan ang isang masakitin na bata na gusto lamang makabilang sa mundo.”
Aminado siyang kung hindi pa nagkaroon ng ganitong kundisyon si Jude ay hindi din niya maiisip kung paano nakaka-apekto ang kalusugan ng isang bata sa mga kapwa nila bata.
“Wala akong sinisisi… Gusto ko lamang na mag-spread ng awareness sa ibang mga magulang na may mga batang katulad ni Jude na nakikipaglaban araw-araw para lang mabuhay.”
Sana magsilbing leksyon ang istorya ni Jude.
Ayaw na ayaw natin na nagkakasakit ang mga anak natin. Ganito rin ang pakiramdam ng ibang mga mommies at daddies. Kaya naman hangga’t maaari, kapag may nakakahawang sakit ang anak, mabuti ng huwag na itong palabasin para hindi makahawa ng iba.
Source: Yahoo
Basahin:
Doctors say use honey for cough, not antibiotics
Dangerous flu symptoms: How to identify these in your kid
Super bacteria, hindi na napapatay ng alkohol at hand sanitizer!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!