Tigdas sa matanda maiiwasan din ba ng pagpapabakuna?
Dahil sa tigdas outbreak sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas, isa sa pangunahing tanong ng nakakarami ay ang dapat din bang magpabakuna ang mga matatanda laban sa virus? Ang sagot ay, oo.
Ito ay dahil tulad ng mga bata ang mga matatanda ay maari ring magkaroon ng tigdas. Mas tinataya ngang mas malala o mapanganib ang kaso ng tigdas na maaring tumama sa mga matatanda na may edad na 20 taong gulang pataas.
Bakit mas mapanganib ang tigdas sa matanda?
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention, ang tigdas ay isang seryosong sakit na maaring tumama sa kahit sino, mapa-bata man o matanda. Ngunit mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng kumplikasyon sa tigdas ang mga bata na may edad na limang taong gulang pababa at mga matatanda na may edad na 20 taong gulang pataas.
Ito ay dahil di umano sa hindi pa well-developed na immune system sa mga bata na limang taong gulang pababa at papahinang immune system sa mga matatandang 20 taong gulang pataas.
Ayon naman sa isang pag-aaral na nailathala sa The Journal of Infectious Diseases noong 2004, napag-alaman na mas mataas ang tiyansa na mas maging malala ang tigdas sa matatanda kumpara sa mga bata dahil sa pagbaba ng cell-mediated immunity na nagsisimula sa adulthood.
Mas mataas din ang tiyansa ng mga matatanda na magkaroon ng kumplikasyon sa tigdas gaya ng encephalitis, hepatitis, hypocalcemia o pancreatitis.
Kaya naman ang pagpapabakuna ay isang malaking tulong upang mas madagdagan ang resistensya at immunity ng katawan mula sa sakit.
Tigdas sa matanda: Kailangan din ba ng bakuna laban dito?
Ayon kay Dr. Irfan Hafiz, MD, isang infectious disease specialist, ang measles vaccine ay makakatulong sa kahit anong edad na makaiwas sa sakit.
Ayon naman sa guidelines ng CDC, ang isang tao ay dapat magkaroon ng two doses ng MMR o Measles, Mumps, and Rubella vaccine.
Ang unang dose ay ibinibigay sa mga sanggol na may edad isang taon hanggang isang taon at tatlong buwan.
Samantalang, ang pangalawang dose ay ibinibigay sa mga batang may edad na apat hanggang anim na taong gulang. Ang mga matatanda naman na hindi pa nabakunahan ay dapat ding makakuha ng kahit isang dose ng MMR vaccine.
At kung sakali mang nakakuha na ng dalawang dose nito noong sila ay bata pa ay maari pa ring kumuha ng isang dose pa ng MMR vaccine ang isang adult para makasiguradong protektado mula sa sakit, ayon sa CDC.
Ang pagpababakuna ba laban sa tigdas ay isang kasiguraduhan na hindi na mahahawaan ng virus?
Ang vaccine ay hindi isang garantiya na hindi na magkakaroon ng tigdas ang isang taong nabakunahan na. Bagamat nakakatulong ito na mapapaba ang tiyansa ng isang tao na mahawa mula sa sakit.
Ayon sa CDC, ang mga kaso ng nabigyan ng MMR vaccine na nagkaroon ng tigdas matapos mabakunahan ay sadyang mababa. Ito daw ay nangyayari lang sa tatlo sa isang daang tao.
Ayon naman kay Dr. Hafiz, ang tigdas na dadapo sa isang taong nabigyan ng vaccine ay mas mahina kumpara sa mga walang immunity laban dito. At maari pa rin silang makahawa lalo na sa mga taong hindi nabigyan ng vaccine para dito.
Bakit nga ba nagkaroon ng measles outbreak ngayon?
Isa sa tinuturong dahilan ng pagkakaroon ng measles outbreak ngayon ay ang pagtanggi ng mga magulang na mabakunahan ang kanilang mga anak laban sa sakit. Ito ay dahil sa mga maling impormasyon na kumakalat tungkol sa masamang epekto ng vaccine sa kalusugan ng isang tao.
Ngunit ang mga ito ay walang katotohanan, lalo pa’t ang kaso ng measles o tigdas ay bumaba at halos nawala mula ng ang vaccine laban dito ay nadiskubre noong 1960s.
Ito ay mapapatunayan mula sa naitalang 4 million na taong nagkakaroon ng tigdas sa US bago madiskubre ang vaccine para dito. Ito rin ang mga panahon na kung saan ang tigdas ang itinuturing na isa sa leading killer ng mga bata sa buong mundo.
At dahil sa malawakang pagbabakuna sa buong mundo noong taong 2000 ng measles vaccine ay bumaba ang bilang ng naitalang kaso ng tigdas at ang outbreaks ay halos hindi na nangyayari maliban nalang sa ngayon.
Ayon sa mga public health officials ang pagbabalik daw ng measles outbreak ay dahil sa mga magulang na hindi pinabakunahan ang kanilang mga anak laban dito. Ito daw ang unang pagkakataon na may mga naitalang measles outbreaks sa iba’t-ibang bahagi ng mundo magmula ng maintroduce ang vaccine laban dito. Ayon parin iyan kay Dr. Hafiz.
Dito nga lang sa Pilipinas ay may naitala ng 20,000 ng kaso ng tigdas magmula noong isang taon na hindi na ikinagulat ng WHO.
Ito daw ay dahil sa pagbaba ng kumpiyansa ng mga Pilipino sa vaccination program ng gobyerno, ayon kay Dr. Gundo Weiler, kinatawan ng WHO sa Pilipinas.
Isang hakbang nga para ma-iaddress ang problema sa pagbabakuna ay sinimulan ng DOH na mag-ikot sa mga komunidad at magbahay-bahay upang mabigyan ng bakuna kontra tigdas ang mga bata. Ito ay ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III.
Dagdag pa ni Duque ay patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga LGUs para mas mapaigting pa ang immunization laban sa tigdas sa buong bansa.
Ang tigdas ay isang vaccine preventable disease. Kaya naman bago pa mahuli ang lahat ay dapat ng magpabakuna laban dito mapa-bata man o matanda para maging ligtas sa panganib at peligrong dulot nito sa isang tao.
Sources: Academic, Health, CDC, Philstar, The Asian Parent Philippines
Basahin: Tigdas o Measles: Isang gabay tungkol sa sakit na ito