Dahil sa tigdas outbreak, patuloy na dumadami ang bilang ng mga pasyente ng sakit na ito sa San Lazaro Hospital na may kasalukuyang record na 269 admitted cases—248 dito ay mga bata at 21 naman ay mga matatanda. Karamihan nga daw sa mga ito ay walang bakuna laban sa tigdas, ayon kay Dr. Ferdinand de Guzman, spokesperson ng San Lazaro Hospital.
Dagdag pa nga ni Dr. De Guzman, nito nga lang daw Lunes ay pito ang namatay sa San Lazaro dahil sa tigdas.
Samantala, noong nakaraang linggo ay naitala ang siyam na batang namamatay dahil dito sa loob ng 24 oras sa ospital. Ilan sa mga ito ay nasawi dahil sa kumplikasyong dulot ng tigdas gaya ng pneumonia, encephalitis at diarrhea.
Ayon parin kay Dr. De Guzman, sadya daw nakakabahala o alarming ang patuloy na pagdami ng kaso ng tigdas na dahilan upang mag-triplesharing na ang mga batang pasyente nila sa hospital bed sa San Lazaro.
Napag-alaman din nila base sa history ng mga pasyente, karamihan daw sa mga admitted cases ay walang immunization o bakuna laban sa tigdas na itinuturing na dahilan ng tigdas outbreak.
Tinatayang mas tataas pa daw ang bilang ng kaso ng tigdas ngayong papasok na tag-init. Kaya pinapaalalahanan ni Dr. De Guzman ang mga tao na mas mag-ingat laban sa sakit na ito.
Image screenshot from ABS-CBN News video
Dahilan ng tigdas outbreak
Samantala, ayon World Health Organization o WHO pinapayuhan ang bawat Pilipino na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas dahil sa nakakaalarmang pagdami ng kaso nito na 367 percent na mas mataas kumpara noong 2017.
Mula nga daw sa reported measles case noong 2017 na 3,706, naitala daw ang 17,298 na kaso nito mula January to November nitong 2018. Isa nga sa dahilan ng tigdas outbreak ay ang kawalan ng immunization ng mga pasyente laban sa sakit.
Nilinaw naman ng Department of Health o DOH na hindi totoong may kakulangan sa supply ng measles vaccine at mas dinagdagan pa nga daw nila ito. Ayon iyan kay DOH Undersecretary Erik Domingo.
Ayon naman kay Lulu Bravo ng Philippine Foundation for Vaccination, ang pagbaba daw sa trust o tiwala sa vaccines ang naging dahilan ng pagtaas ng kaso ng tigdas sa Pilipinas na minsan na nilang na-kontrol dahil sa maagap na pagbabakuna sa mga tao.
Isang magandang halimbawa dito ay noong 2014 na kung saan walang naitalang namatay dahil sa tigdas. Ito ay diumano sa malawakang effort ng iba’t-ibang bansa na magbigay ng immunization laban sa sakit na ito at iba pa tulad ng smallpox.
Ayon parin Lulu Bravo, nakakabahala daw ang pagbaba ng confidence ng mga Pinoy sa vaccines dahil sa political factors na dahilan para maging scientifically illiterate ang mga Pilipino.
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni Anna Lisa Ong-Lim ng Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines na kung saan sinabi niya na 69 percent sa mga batang may tigdas ay walang immunization dahil sa pag-ayaw ng kanilang mga magulang.
Ang kontrobersyal na anti-dengue vaccine daw ang pinag-ugatan ng pagbaba ng tiwala sa mga government mass immunization program na kung saan sa ibang lugar ay tinatawag pa daw na “killers” ang mga health workers.
Nakaapekto naman nga daw talaga ang Dengvaxia issue sa confidence ng mga Pilipino sa mga vaccines, ayon kay Achyut Shrestha isang official ng WHO. Makikita daw ito sa mababang immunization coverage ng Pilipinas sa buong Western Pacific region. Tanging 7 percent nga lang daw ng mga eligible na bata ang nakatanggap ng vaccines sa southern Philippines nitong nakaraang taon.
Mula naman sa isang opinion poll na ginawa ng London School of Hygiene and Tropical Medicine lumabas na 32 percent na lang mula sa 1,500 na Pilipino ang may tiwala sa mga vaccines na mababa kumpara sa 93 percent na nagtitiwala noong 2015.
Kaya naman mas pinag-iingat ang lahat mula sa nakamamatay na airborne disease na ito lalo na ang mga walang bakuna laban dito.
Sintomas ng tigdas
Ilan sa sintomas ng tigdas o measles na dapat bantayan ay ang sumusunod:
- Fever o lagnat
- Dry cough
- Runny nose
- Sore throat
- Inflamed eyes (conjunctivitis)
- Skin rash
Kapag nakaramdam o nakakita ng mga nasabing sintomas lalo na sa mga bata ay dalhin agad ito sa doktor para mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon at malunasan.
Sources: ABS-CBN News, ABS-CBN News, ABS-CBN News, Mayo Clinic
Basahin: 10 maling impormasyon tungkol sa bakuna sa measles
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!