Tigyawat sa ari ng babae, alamin dito ang mga posibleng dahilan ng pagkakaroon nito.
Mga dahilan ng pagkakaroon ng tigyawat sa ari ng babae
Mayroon ka bang tigyawat ngunit hindi sa mukha kung hindi sa iyong ari? Maaring ito ay palatandaan na ng isang sakit na kailangan ng makita ng iyong doktor.
Dahil ang pagkakaroon ng tigyawat sa ari ay may iba’t-ibang dahilan. At ang iba ay pawang seryoso na dapat na agad magamot at malunasan.
Narito ang mga dahilan ng pagkakaroon ng tigyawat sa ari at paraan kung paano ito malulunasan.
1. Folliculitis
Isa sa madalas na dahilan ng pagkakaroon ng tigyawat sa ari ng babae o vaginal pimples ay ang folliculitis. Ito ay ang impeksyon o inflammation sa hair follicles sa ari.
Ito ay maaring dulot ng ingrown hair o ang pagtubo ng pubic hair papasok sa balat imbis na palabas na nag-reresulta ng isang maliit at namumulang tila tigyawat na umbok sa ari.
Ayon ito kay Dr. Beri Ridgeway, chair ng Obstetrics/Gynecology & Women’s Health Institute sa Cleveland Clinic. Ngunit ito rin ay maaring mangati, mamaga at mapuno ng nana kung maiipeksyon. At hindi ito dapat putukin dahil kusa naman itong gagaling.
Samantala, ang ibang pang dahilan ng pagkakaroon ng folliculitis ay ang sumusunod:
- Pagse-shave.
- Pagsusuot ng masikip na damit o damit na kumukuskos sa balat
- Paglublob sa maduming hot tub o swimming pool
- Follicles na nabara o na-irritate ng pawis o mga personal na produkto na ginagamit sa katawan
- Na-impeksyon na sugat na maaring dahil sa shaving
2. Cyst
Ang tigyawat sa ari ng babae ay maaring isa ring cyst o pocket of tissue na puno ng fluid, hangin o iba pang substances.
Madalas, ang uri ng cyst na tumutubo sa ari ng babae ay tinatawag na bartholin cyst. Ito ay nabubuo kapag obstructed ang glands sa parehong side ng vaginal opening. May iba namang nakukuha ito dahil sa trauma sa vaginal walls matapos ang panganganak o isang surgery.
Puno ito ng fluid na maaring lumaki at maging masakit kapag infected.
Maaring mawala ito ng kusa sa pamamagitan ng pagligo o pagbabad sa maligamgam na tubig ng ilang araw. Ngunit maari ring i-drain ito o tanggalin sa tulong ng isang doktor.
3. HPV o human papilloma virus
Ang tigyawat sa ari ng babae ay maaring sintomas rin ng pagkakaroon ng sakit na HPV o human papilloma virus. Ito ay maaring maihawa madalas sa pamamagitan ng vaginal o anal sex. At pupuwede rin sa pamamagitan ng oral sex.
Maliban sa pagkakaroon ng tila tigyawat o genital warts, ang iba pang sintomas ng HPV ay ang sumusunod:
- Cluster o tumpok ng maliliit na skin-colored bumps
- Patches ng warts na magkakadikit na parang cauliflower
- Makati o mahapding pakiramdam sa ari
Maaring makatulong ang paglalagay ng cream, laser o surgery sa pagtanggal ng genital warts. Ngunit wala pang gamot upang tuluyan maialis ang HPV sa katawan ng isang tao.
4. Genital herpes
Maaring ang tigyawat sa ari ng babae ay sintomas din ng genital herpes. Ito ay isang uri ng impeksyon na dulot naman ng herpes simplex virus na maaring maihawa sa pamamagitan ng vaginal, oral o anal sex.
Sa una ay mild lang ang sintomas ng genital herpes na hindi mo aakalaing infected ka na pala. Ngunit, sa oras na mag-trigger ang isang outbreak ay mararanasan mo ang mga sumusunod na flu-like na sintomas:
- Lagnat
- Swollen glands
- Pananakit ng ari at binti
- Tingling o itching feeling sa ari
- Mga red bumps na nagiging masakit at mahapding pimples o paltos katagalan
- Maliliit na ulcers, sores o sugat sa ari
Tulad ng HPV ay wala ring gamot sa genital herpes. Ngunit ang mga sintomas na ipinapakita nito ay maaring maibsan ng mga antiviral medications.
Para hindi na makahawa o maikalat pa ang genital herpes, ay umiwas makipagtalik kung nakakaranas ng outbreak o sintomas nito.
5. Sintomas ng cancer
Nakakagulat mang malaman ngunit oo ang tigyawat sa ari ng babae ay maaring palatandaan na ng sakit na cancer. Ito ay maaring sintomas na pala ng vaginal o vulva cancer bagamat bibihira naman itong maranasan ng mga babae.
Maliban sa tigyawat sa ari, ang ilan pang sintomas ng precancerous o cancerous condition na maaring maranasan ng isang babae ay ang sumusunod:
- Flat o raised sores o bumps sa vulva o external genitalia ng isang babae
- Kulay ng balat na mas light o maitim sa balat sa paligid nito
- Makakapal na patches sa balat
- Itching, burning o masakit na pakiramdam sa ari
- Mga sugat na hindi gumagaling sa loob ng ilang linggo
- Unusual na bleeding o discharge
Nakakatakot mang pakinggan ngunit ang mga cancer naman na ito ay maaring malunasan kung agad na ma-didiagnose at mabibigyan ng treatment mula sa isang doktor.
6. Syphilis
Isa pang nakakatakot na sakit na maaring magdulot ng tigyawat sa ari ng babae ay ang syphilis.
Tulad ng genital herpes at HPV, ito ay nakukuha rin sa pakikipagtalik. Ngunit, kung ito ay agad na maagapan lalo na kung ito ay nasa early stage palang, ito ay malulunasan sa tulong ng isang shot ng penicillin. Kung mapabayaang lumala, ito ay maaring magdulot ng severe damage sa iyong puso, utak at iba pang organs sa katawan na maari ring mauwi sa kamatayan.
Ang sintomas ng syphilis ay naiiba-iba depende sa stage nito. Ngunit sa kabuuan, ang taong mayroon nito ay maaring makaranas ng sumusunod:
- Pagkakaaroon ng maliit na painless sore sa ari o bibig na parang tigyawat kung titingnan
- Rashes sa buong katawan na hindi makati
- Hair loss
- Pananakit ng muscles
- Lagnat
- Sore throat
- Kulani
Sa pagkakataong ang babaeng nagkaroon ng syphilis ay isang buntis, malaki ang posibilidad na maihawa niya ito sa kaniyang sanggol.
Kaya naman may paalala si Dr. Beri Ridgeway mula parin sa Cleveland Clinic sa mga babae. Sa oras na makapansin na kakaiba sa iyong ari tulad ng tigyawat ay magpunta na agad sa iyong doktor upang ito ay matingnan at malunasan. Huwag mag-self medicate. Iwasang mahiya, dahil ito ay maaring mauwi sa mas seryosong kondisyon na maaring mas makasama sa iyong kalusugan.
Sources: Good Housekeeping, Medical News Today, Healthline, Medical News Today
Photo: Freepik
Basahin: 10 tips upang maalagaan ang kalusugan ng iyong vagina