Tingi ng sigarilyo iminumungkahi ng DOH na ipagbawal na ang pagbebenta. Ito daw ay upang mabawasan na ang bilang ng mga Pilipinong naninigarilyo.
Epekto sa kalusugan ng paninigarilyo
Isa ang paninigarilyo sa pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit ng mga Pilipino. Sa katunayan, ang ischemic heart disease o paninigas ng arteries na dulot ng paninigarilyo ang nangungunang cause of death ng mga Pinoy na may naitalang 74,000 cases noong 2016.
Maliban rito, ay may kaugnayan rin sa paninigarilyo ang top 5 non-communicable diseases na nararanasan ng mga Pinoy. Ang mga sakit na ito ay cancer, stroke, hypertension, diabetes mellitus, at iba pang uri ng sakit sa puso. Ito ay base sa impormasyong nakalap ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Base naman sa tala ng World Health Organization o WHO, halos 12% ng mga heart disease deaths sa buong mundo ay dahil sa paninigarilyo at pagkakalanghap ng second-hand smoke mula rito.
“I would like to reiterate that tobacco use and breathing secondhand smoke may indeed break your heart. You may have heard this a million times, smoking is dangerous to your health, but we still want to remind you every time we have a chance. Tobacco smoke thickens the blood, increases the risk of blood clots, narrows the arteries and restricts oxygen in the blood.”
Ito ang pahayag ni DOH Secretary Francisco T. Duque III tungkol sa paninigarilyo.
Dahil sa nakakatakot na epekto ng sigarilyo sa kalusugan ay kabi-kabilang kampanya na ang ginagawa ng gobyerno upang ma-discourage na ang mga Pinoy sa pagyoyosi.
Isa na nga rito ay ang pagtataas ng buwis sa sigarilyo noong 2012. Ngunit, ayon sa DOH tanging 4% lang ang ibinaba ng 28% smoking prevalence noong 2012 kumpara nitong 2018.
Pagbabawal ng pagtitinda ng tingi ng sigarilyo
Kaya naman dahil dito ay iminumungkahi narin ng DOH na ipagbawal na ang pagtitinda ng tingi ng sigarilyo. Dahil ito ang tinatangkilik ng ilang Pinoy na bilhin dahil puwede ang paisa-isa at mas magaan sa bulsa. Sa ganitong paraan ay mababawasan na ang mga bumibili ng sigarilyo lalo pa’t higit isang daang piso na ang pakete nito. Mas kokonti umano ang magkakaroon ng kakayahan bumili ng isang pakete at mayroong mapipilitang ito ay itigil na.
Pagtataas sa 21-anyos na legal age para makabili ng sigarilyo
Maliban sa pagbabawal ng pagtitinda ng tingi ng sigarilyo ay nais din ng DOH na itaas sa 21-years-old ang legal age para makabili nito. Ito ay para mabawasan ang mga kabataang maagang nalulong sa bisyo. Dahil ayon sa Global Youth Tobacco Survey na isinagawa noong 2015 ay pabata ng pabata ang mga cigarette smokers sa bansa. Base nga sa kanilang nakalap na data, 12% ng mga estudyanteng edad 13 to 15 years old ay naninigarilyo na. Ito ay sa kabila ng implementasyon sa Pilipinas ng Tobacco Regulation Act o ang pagbabawal sa pagtitinda ng sigarilyo sa mga minor at sa tabi ng mga eskwelahan.
“Sa mga ibang bansa ginawa na yan. Talagang bawal bumili ng tingi-tingi kundi dapat isang pakete kasi nga mas mahal ito at mas mahirap pa bilhin ng mga bata.”
Ito ang pahayag ni DOH Spokesperson Eric Domingo tungkol sa iminumungkahing batas.
Kaya naman para hindi na mahirapan sa pagbili ng sigarilyo, hinihikayat ng mga health experts ang mga Pinoy smokers na itigil na ito. Dahil wala itong maidudulot na maganda. Hindi lang sa kanilang kalusugan kung hindi pati narin sa mga nakakaamoy ng usok nila.
Source: GMA News, DOH News
Photo: Freepik
Basahin: Amoy ng sigarilyo sa kamay, masama para sa kalusugan ng bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!