Laman ng mga peryodiko ngayon ang tumataas na presyo ng bilihin dahil sa inflation. Ang siling labuyo ay nasa P1,000 na bawat kilo na. Kaya naman kailangan talagang maghigpit ng sinturon para magkasya sa budget ng mga mommies. Narito ang mga tipid tips sa grocery na puwedeng gawin upang maka-menos sa mga gastusin sa bahay.
1. Siguraduhing tama ang listahan
Ilista ang mga pagkain at gamit na karaniwang binibili sa grocery. Ilagay ito sa isang lugar sa bahay na madaling makita. Bago umalis papuntang grocery, tignan ang listahan kung mayroon pa ang mga ito sa pantry at mga cabinet. Sa ganitong paraan, madaling malaman kung alin ang mga kulang.
Gumawa ng panibagong listahan ng mga kulang at mga paubos na. Puwede ring ihawalay ang mga bagay na hindi naman ganoon ka-importante para madaling malaman kung alin ang tatanggalin kapag sobra sa budget ang bill.
2. Magbayad gamit ang cash
Lubos na nakaka-engganyo nga naman na mag-shopping kapag credit card ang gamit dahil hindi mo agad nararamdaman ang gastos. Makikita mo na lang ito pagdating ng bill. Ngunit kapag cash, puwersado ka talagang mag-stick sa budget.
3. Puwedeng baguhin ang weekly menu
Kahit naka-plano na ang weekly menu, puwedeng baguhin ito lalo na kung ang mga ingredients para sa naiplanong pagkain ay nagmahal. Maige na gumawa ng back-up plan ng dishes na may mas kaunti ang ingredients o di kaya mas mura ang magagamit na ingredients. Ang karaniwan na hindi gaano nagbabago ng presyo ay ang manok.
4. Grocery date!
Imbis na gumawa ng ibang lakad para makasama ang mga bata, isama sila sa pag-gro-grocery. Puwede itong gawing learning game sa mga bata. Pahawakin sila ng calculator at ipa-compute ang mga pinamimili niyo. Puwede rin itong gawing challenge sa mas maliliit na bata, pahanapin sila mga items base sa hugis o kulay. At for sure, ang pagsakay lang sa grocery cart ay isa ng adventure para sa kanila. Siguraduhin lang pahiran ng alcohol ang kanilang uupuan at hahawakan na grocery cart.
5. Online shopping
May mga online stores at grocery na ngayon na puwedeng orderan ng mga pagkain. Mas mahal ito ng kaunti kaysa sa palengke o kapag pumunta ka sa mismong tindahan ngunit may benepisyo rin ito. Una, menos ito sa gastos sa pamasahe o di kaya’y gas at parking kapag may sasakyan. Mas makikita rin ang mga pinamimili at mako-compute agad kung pasok pa rin sa budget. Ang ibang sites ay may mga promo rin kapag nag-join ka kaya malaki rin ang diskwento. Bukod pa ito sa makaka-save ng oras mo.
6. Pumunta ng weekday
Mag-grocery kapag weekday dahil hindi gaanong matao kaya mas makakapamili ka ng mga bibilihi. Mas malaki ang chance na makita mo ang ibang brands na may promo o di kaya mas makahanap ng bagong produkto na makakatulong na maka-menos sa ibang bagay sa bahay.
7. Umiwas sa tingi
Hindi ibig sabihin na mura ay makakamura ka. Iwasan bumili ng tingi kapag parating ginagamit ang isang bagay. Mas mainam na bumili ng bulto o ng malaking pack. Kabilang na dito ang shampoo, conditioner, at sabong panlaba. Kapag tingi kasi, kasama sa presyong binibili mo ang packaging kaya mas madaming packaging na nagagamit para sa isang bagay, mas mahal ang ending! Bukod pa ito sa maraming natitira na produkto kapag gumagamit ng sachet.
Pati sa pambaon sa mga chikiting, mas makakamura sa juice na naka-litro o di kaya’y powdered juice kaysa maraming tetra pack. Puwede itong ilagay sa lalagyan ng inumin ng bata.
Sa mga naka-bote na bilihin, katulad ng mantika, maaaring bumili ng naka-bote sa simula at bumili ng refill sa mga susunod na grocery trips.
Iwasan din na punta nang punta sa grocery. Dapat ay isang beses lang sa isang linggo mamili. Tandaan na bawat punta sa tindahan ay may karagdagang gastos dahil sa pamasahe.
8. Wet market
Isipin kung alin ang puwedeng bilihin sa wet market at baka puwedeng dito bumili. Karaniwan na mas mura sa wet market ay ang mga gulay.
9. Compute, compute, compute!
Estimahin kung magkano na ang napapamili bago pumunta sa counter. Unahin na ilagay sa counter ang mga kailangang-kailangan na mga bagay katulad ng mga ulam at pagkain. Ihuli ang mga pang-luho na bilihin na maaari namang sa susunod na lang bilihin kapag hindi kasya sa budget.
10. Tumingin ng mga sale at promo
Kadalasan sa mga grocery, may display ng mga naka-promo na items o di kaya’y naka-bundle. Tandaan na dapat mag-compute muna kung talagang makaka-menos dito o karagdagang gastos lang ba ito sa isang bagay na hindi mo naman talaga kailangang bilihin.
Basahin din dito ang mga paraan para-makatipid sa diapers.
SOURCE: The Asian Parent Philippines