Narito ang mga tips sa pagpili ng yaya, para hindi mangyari ang ginawa ng isang maid na ito sa iyong pamilya.
Yayang hinaluan ng regla, ihi at laway ang pagkain ng amo niya
Isang Indonesian maid sa Singapore na pinangalanang Diana ang nahatulang makulong nitong Lunes, January 13, 2020.
Ang 30-anyos na yaya ay makukulong ng 6 na buwan at 7 linggo matapos umamin sa kasalanan na kaniyang nagawa.
Sa pamamagitan ng isang police report noong October 2019, ay inamin ng nasabing yaya ang kaniyang mga maling nagawa sa pinagtratrabahuang pamilya.
Ayon sa report, 2017 ng magsimulang magtrabaho ang yaya sa kaniyang amo. At Agosto ng nakaraang taon ng lagyan niya ng regla, ihi at laway niya ang kaning kinakain at tubig na iniinom ng pamilyang pinagsisilbihan niya.
Ito ay nagawa daw ng yaya sa paniniwalang sa ganitong paraan ay sasang-ayon sa lahat ng ginagawa niya ang kaniyang mga amo. At hindi na siya pagagalitan ng mga ito sa kaniyang mga maling ginagawa sa trabaho.
Dagdag pa sa ginawang ito ng yaya, ay nagnakaw din daw ito ng 13,000 SGD o kulang-kulang kahating milyong piso sa 67-anyos na nanay ng kaniyang amo.
Ayon sa imbestigasyon, ay mino-monitor daw ng yaya ang nanay ng kaniyang amo sa tuwing ipinapasok nito ang passcode ng kaniyang safety deposit box gamit ang iPad.
Dahil sa nakuha ng yaya ang passcode, naisagawa niya na ang pagnanakaw ng minsang maiwan siyang mag-isa sa kwarto ng matandang amo. At ang perang kaniyang nanakaw ay ipinadala umano ng yaya sa kaniyang pamilya sa Indonesia.
Yaya humingi ng tawad sa kaniyang nagawa
Ang yaya na si Diana humingi ng tawad sa kaniyang nagawa. Ayon sa kaniya, nagawa niya lang daw ang pagnanakaw dahil nakakaranas ng problema ang kaniyang pamilya sa Indonesia.
Apela ng yaya dahil sa kaniyang hatol ay hindi siya makakapagtrabaho sa loob ng dalawang buwan. Na kung saan malaking kakulangan sa kaniyang pamilya dahil siya ay isang breadwinner at may isang bata at matandang ina na sinusuportahan.
Para makaiwas mabiktima ng mga yayang tulad ni Diana, narito ang ilang tips sa pagpili ng yaya na dapat mong tandaan.
Tips sa pagpili ng yaya
- Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation . At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang yaya na mag-aalaga sa isang bata. Ang pagdaan din ng isang yaya sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.
- Kailangan nyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay. Ito ay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.
- Kung kukuha naman ng yaya ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na yaya. Gawin ito sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance. Ito ay upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.
- Mabuti ring kumuha ng yaya na angkop ang edad sa aalagaang bata. Kung ang aalagaan ay baby pa, mabuting kumuha ng matatanda ng yaya. Ito ay dahil may higit silang karanasan sa pag-aalaga ng isang baby. Kung ang aalagaan naman ay toddler na, maari ng kumuha ng mga yaya na edad bente anyos pataas. Ito ay dahil sila ay may lakas para matingnan at maalagaan ang mga batang napaka-active sa ganitong edad.
- Mabuti ring kumuha ng isang yaya na may anak na. Bagamat sinasabing maaring mahati ang oras nito sa iyong anak at sa mga anak niya, may kagandahan naman ito. Dahil higit na alam niya kung paano mag-alaga ng isang bata sa paraan na ginagawa ng isang magulang.
- Maganda rin na kumuha ng yaya na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya na kung saan madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong kasama sa iyong bahay.
Palatandaan na may masamang balak ang iyong yaya
At kung ikaw ay may yaya na, paano ba masasabing siya ay maaring may gawin o ginagawang masama sa iyong pamilya? Narito ang mga palatandaan.
1. Nagbibigay ng hindi malinaw na sagot sa iyong mga tanong.
Kung ang iyong yaya ay palaging umiiwas na matanong siya. O kaya naman ay nagiging defensive kapag mayroon kang tinatanong na mahalagang bagay, ito ay nakakabahalang palatandaan na. Ngunit mas maiging mag-imbestiga parin at magtanong ng tungkol sa kaniya.
2. Ayaw tumanggap o sumunod sa utos.
Bilang isang yaya, marapat lang na magsebirsyo at mag-lingkod ang iyong kasambahay sa iyong pamilya. Ngunit, kung parang mahirap siyang utusan o kaya naman ay sumunod sa iyong mga instructions, ito ay isang palatandaan na hindi siya makakabuti at makakatulong sa inyong pamilya.
3. Palaging nag-kokomento sa style of parenting mo.
Bagamat, nagsisilbi ang iyong yaya para sa inyong pamilya, hindi niya dapat pakialaman kung paano mo pinapatakbo ang inyong tahanan. Partikular na sa kung paano mo inaalagaan ang iyong anak. Oo nga’t may karapatan at laya siyang ibahagi ang kaniyang opinion. Ngunit hindi tungkol sa iyong pamilya na mananatiling personal na buhay mo at hindi niya trabahong pakialaman pa.
Source: The Straits Times, Channel NewsAsia, TNP, TheAsianparent SG
Nanay ng tinangay na baby ng kaniyang yaya: “Ayoko ng mag-yaya”
Isinalin mula sa wikang Ingles at may pahintulot mula sa theAsianparent SG.