Balak magpunta sa sementeryo ngayong Undas kasama ang iyong anak? Narito ang mga dapat mong isaisip at tips sa undas na dapat tandaan.
Tips sa Undas
Tradisyon na para sa ating mga Pilipino ang pagdalaw sa sementeryo tuwing Undas. At hindi na nakakabigla kung dadagsa na naman dito ang mga tao. Kaya paalaala ni DOH Secretary Francisco Duque III sa panahon ngayon na uso ang sakit, mas mabuting huwag nalang isama ang mga baby, bata, buntis at matatanda sa pagpunta ninyo ng sementeryo. Ito ay para masigurong hindi sila makakakuha ng mga nakakahawang sakit. At para hindi narin sila mahirapan at mainitan sa siksikan at dagsa ng mga tao.
Para naman maiwasan ang insidente ng food poisoning na uso rin tuwing Undas, dapat ding siguraduhin na nalutong maayos ang inyong baong pagkain. Ito ay para maiwasang ito ay pamahayan ng mikrobyo at madaling mapanis dahil sa init ng panahon.
Kung sakali namang walang mapag-iwanan sa iyong anak at wala kang choice kung hindi isama siya sa sementeryo, narito ang ilang tips sa Undas na makakatulong para masigurado ang kaniyang kaligtasan sa paglabas ninyo.
Tips na dapat tandaan kung magdadala ng bata sa sementeryo
1. Pagsuotin sila ng tama at makukulay na damit.
Dahil ang mga bata ay likas na makukulit, mas mabuting pagsuotin sila ng damit na maproprotektahan ang kanilang katawan mula sa mga dumi lalo na sa kagat na lamok. Ngunit kailangan ito ay presko parin sa kanilang pakiramdam.
Makabubuti rin kung pagsusuotin sila ng matitingkad na kulay ng damit o accessories, para sa oras na mawala sila sa iyong paningin ay mas madali silang hanapin. Makakatulong rin ang pagkuha sa kanila ng litrato bago kayo umalis ng bahay para may eksaktong kopya ka ng suot at itsura niya sa kung sakaling sa hindi inaasahan ay mawala siya sa gitna ng bumabahang tao sa sementeryo.
Isang paraan para madaling makita ang iyong anak sa gitna ng maraming tao ay pagtatali sa kaniyang kamay ng lobo. Ito ay ang magsisilbing palatandaan at pagkakakilanlan sa oras na siya ay matabunan ng dumaraming tao.
2. Magdala ng disinfecting wipes, alcohol at insect repellent lotion.
Hindi maiiwasan na madikitan o makahawak ng dumi ang iyong anak sa sementeryo. Para masiguradong maalis ang mga germs na dala ng mga duming ito ay mabuting magdala ng disinfecting wipes at alcohol dahil hindi siguradong may malinis na tubig kang makukuha sa sementeryo. Samantalang, ang insect repellant lotion naman ay magiging proteksyon niya laban sa mga lamok.
3. Kausapin ang iyong anak bago pa man kayo umalis sa inyong bahay.
Laging ipaalala sa iyong anak na huwag siyang lalayo mula sa inyo sa lahat ng oras. Turuan din sila na sa oras na sila ay mawala ay lumapit lang sila sa mga mapagkakatiwalaang tao tulad ng mga pulis o barangay tanod na nakaposte at nagbabantay sa lugar. At paalalahan sila na huwag basta makikipagusap o sasama sa mga taong hindi nila kilala.
4. Ipa-memorize sa iyong anak ang kaniyang buong pangalan, address ninyo at ang cellphone number mo.
Mas mabuti ng maging handa sa lahat ng oras lalo na sa pagkakataong mawala ang iyong anak. Makakabuting kabisado ng iyong anak ang kaniyang pangalan, address na tinitirahan at iyong cellphone number para sa oras na siya ay mawala ay alam kung saan ka kokontakin o kung saan siya maaring maihatid ng taong makakita sa kaniya.
5. Pagdalhin o pagsuotin ng ID ang iyong anak.
Para mas siguradong may pagkakakilanlan ang iyong anak mas mabuting pagsuotin din siya ng ID. Maari itong isuot sa kaniyang leeg, ilagay sa kaniyang bulsa o kaya naman sa loob ng kaniyang bag.
6. Huwag aalisin sa iyong paningin ang iyong anak.
Higit sa lahat para makasiguradong ligtas ang iyong anak sa lahat ng oras ay huwag siyang aalisin sa iyong paningin. Makakatulong ang pagbibigay sa kaniya ng isang laruan o activity na maari niyang pagkaabalahan habang kayo ay nasa sementeryo. Ito ay para manatili lang siya sa isang lugar na mas madali mong matitingnan o mababantayan.
Gamit ang mga tips sa Undas na ito siguradong ligtas ang iyong anak sa pagbisita ninyo sa sementeryo.
Iba pang tips sa darating na UNDAS
Bago umalis ng bahay
- Siguraduhing naka-lock ang mga pinto at bintana ng inyong bahay bago umalis.
- Bunutin ang saksak ng mga appliances upang maiwasan ang sunog.
- Tiyakin din na walang bukas na kandila sa loob ng bahay.
- Siguraduhing nakasara ang gas stove at mga gripo.
- Magdala ng sapat na tubig at pagkain. Pati na rin ng proteksyon sa ulan at init tulad ng payong at sombrero.
- Kung magdadala ng sasakyan, tiyaking roadworthy o walang problema ang sasakyan. Sundin ang tinatawag na BLOWBAG rule o ang B for battery; L for Light; O for oil; W for water; B for brakes; A for air; and G for Gas. I-check ang lahat ng nabanggit bago bumyahe.
- Kapag malapit naman sa sementeryo ang inyong bahay, huwag nang magdala ng sasakyan upang makaiwas din sa pagbigat ng trapiko.
- Kung magko-commute, huwag magsuot ng mga alahas at huwag magdala ng malaking amount ng pera. Mag-ingat sa mga snatcher at mandurukot.
Habang nasa sementeryo
- Bantayan ang mga dalang gamit at tiyaking hindi magdudulot ng sunog ang mga dalang kandila.
- Paalalahanan ang mga bata na huwag gumala lalo na sa mga masisikip na lugar upang maiwasan ang kanilang pagkawala. Tiyakin din na may dala sila na ano mang identification. Kung may ID card ay pagsuotin ang mga ito.
- Panatilihing malinis ang paligid. Magdala ng sariling plastic o basurahan.
- Alamin kung nasaan ang first aid stations at PNP assistance booths para sa oras ng emergency ay alam mo kung saan sasangguni.
Updates by Jobelle Macayan
Basahin: UNDAS: Mga tradisyon na maaaring ibahagi sa mga bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!