Normal lang naman para sa mga babae ang magkaroon ng kaunting takot sa pagbubuntis. Siyempre, isa itong bagong karanasan, at gusto ng mga ina na ito ay maging maayos at walang problema. Ngunit alam niyo ba na mayroong tinatawag na tokophobia, o matinding takot na mabuntis at manganak?
Maraming ina ang nakakaranas nito, at madalas naapektuhan nito ang kanilang pang-araw-araw na buhay, pati na ang relasyon sa kanilang mga asawa.
Tokophobia o matinding takot na mabuntis
Ang tokophobia ay isang psychological condition kung saan nagkakaroon ng matinding takot sa pagbubuntis, o kaya sa panganganak. Minsan, hindi lang sa mismong pagbubuntis nagmumula ang takot. Posibleng natatakot sila na magkasakit ang kanilang baby, sa sakit ng panganganak, o kaya mga komplikasyon na nakukuha sa pagbubuntis.
Hindi madaling malaman kapag mayroon kang ganitong uri ng phobia dahil normal lang magkaroon ng takot sa pagbubuntis, lalong lalo na sa mga first-time moms. Kaya’t madalas, inaakala lang na normal na takot ang phobia ng mga ina.
Ang pagkakaroon ng phobia na mabuntis o manganak ay hindi dapat binabalewala. Ito ay dahil nakakaapekto ang tokophobia sa bawat aspeto ng buhay ng mga inang may ganitong kondisyon.
Paano ang buhay ng may tokophobia?
May mga pagkakataon kung saan ang pagkakaroon ng ganitong phobia ay nakakasira ng relasyon ng mga mag-asawa. Ito ay dahil nagiging sanhi ito ng hindi pagkakaunawaan tungkol sa pagkakaroon ng anak.
Sa mga inang nagbubuntis naman at mayroong phobia, madalas itong nagiging sanhi ng stress sa kanilang pagbubuntis. Sa bawat araw ng kanilang pagbubuntis, nag-aalala sila kung magiging maayos ba ang kanilang sanggol. At kapag malapit na ang araw ng kanilang panganganak, lalo pa itong tumitindi.
Bukod dito, nagiging sanhi din ito ng prenatal at postnatal depression. At kapag napabayaan ang ganitong uri ng depresyon, posibleng magkaroon ng galit o sama ng loob ang mga ina sa kanilang anak.
Kaya mahalagang pagtuunan ng pansin ang mental health ng mga ina. Dahil malaki ang nagiging epekto nito sa kanilang kalusugan pati na sa kalusugan ng kanilang mga ipinagbubuntis.
May magagawa ba tungkol sa ganitong phobia?
Mahalagang malaman muna kung ano ang sanhi ng phobia sa pagiging buntis. Heto ang mga karaniwang dahilan:
- Natatakot sila sa sakit ng panganganak
- Kinakabahan silang baka hindi nila kayang mag-alaga ng bata, o kaya masaktan nila ang kanilang anak
- Nagkaroon ng trauma sa dating pagbubuntis, o kaya nalaglag ang kanilang dinadalang sanggol
Para sa mga babaeng mayroong tokophobia, mahalagang mapag-usapan at magawan ito ng paraan upang hindi magkaproblema habang sila ay nagbubuntis.
Puwedeng magpakonsulta sa isang therapist upang magkaroon ng birth plan. Nakakatulong ito para mabawasan ang anxiety at takot sa panganganak. Mabuti ring humingi ng tulong mula sa mga malalapit na kaibigan at kamag-anak upang makapagbigay sila ng suporta at makapagpalubag ng loob ng mga may tokophobia.
Mahalaga rin na pag-usapan itong mabuti ng mga mag-asawa. Ito ay upang makaiwas sa mga hindi pagkakaunawan at away tungkol dito. Dahil kung ayaw talaga ng isang ina na magbuntis o magkaanak ulit, hindi naman talaga siya dapat pilitin kung puwede namang hindi.
Ang pinakaimportanteng tandaan ay huwag balewalain ang tokophobia. Dapat bigyan ng suporta at unawain ang mga inang mayroong ganitong kondisyon, at hindi dapat iparamdam sa kanila na may mali sa kanila o kaya ay hindi tama ang nararamdaman nila.
Source: Health
Basahin: Mga pamahiin tungkol sa pagbubuntis at mga paliwanag nito