Isa sa pinaka-kinakatakutan ng mga magulang ang makidnap ang kanilang anak. Sino nga ba namang magulang ang gugustuhin na mawalay sa kanilang anak? At dahil isa ang Pilipinas sa mga bansa kung saan talamak ang trafficking sa bata, importanteng pangalagaan natin ang kaligtasan ng ating mga anak.
Heto ang isang ulat tungkol sa nangyaring kaso ng human trafficking, kung saan naaresto ang dalawang babae dahil sa pagbebenta at pagbili ng isang 3-buwang gulang na sanggol.
Kakasuhan sila ng paglabag sa batas laban sa trafficking sa bata
Dalawang babae ang inarest kamakailan lang dahil di umano sa trafficking sa bata. Ang nagbenta ng sanggol ay si April Rose Ramirez, at ang buyer naman ay si Catherine Lagustan. Nadakip silang dalawa sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport noong Set. 10.
Ayon sa NBI, lumipad daw mula Cagayan de Oro City si Ramirez upang ihatid ang sanggol kapalit ng P30,000. Ngunit tumanggi raw si Lagustan nang makitang may cleft palate ang sanggol.
Kakasuhan silang dalawa ng child trafficking, isang violation sa Republic Act No. 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Plano rin nilang kasuhan ang ina ng bata na si Shiela Marie Mandawe, ngunit hindi pa ito nadadakip.
Nahuli sila dahil sa pag-iyak ng sanggol
Nahuli daw silang dalawa dahil sa walang-tahan na pag-iyak ng sanggol. Dahil dito, lumapit ang isa pang babae, si Rose Antiquina na nagsabing papatahanin daw niya ang bata.
Nagpunta naman ang dalawang babae sa check-in counter ng isang airline para asikasuhin ang return flight ni Ramirez. Matapos nito, inabot na ang bayad kay Ramirez, at binalikan ang sanggol.
Lumapit sa airport police si Lagustan at Antiquina upang humingi ng tulong dahil natagalan daw bumalik si Ramirez. Yun pala, nasalisihan nila si Ramirez na humingi din ng tulong sa airport police upang hanapin ang dalawa na nawawala pagbalik niya.
Dito na naghinala ang airport police at kasalukuyang iniimbestigahan para sa kasong child trafficking.
Ang sanggol naman ay i-tinurnover sa DSWD.
Child trafficking: Malaking problema sa bansa
Isa sa pinakamalaking problema sa bansa ang child trafficking, at human trafficking. Isa rin ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng human trafficking sa buong mundo. Maraming dahilan kung bakit nangyayari ang human trafficking, at hindi ito simpleng problema.
Pero may magagawa tayo upang labanan at sugpuin ito. Heto ang ilang mga puwedeng gawin:
- Huwag matakot mag-report o magsumbong kung sa tingin mo ay mayroong nagaganap na human o child trafficking.
- Mag-volunteer sa mga grupo na nilalabanan ang child trafficking.
- Magpakalat ng kaalaman at impormasyon tungkol sa human trafficking.
- Tumulong sa mga paaralan at mga initiative na sumusuporta sa edukasyon. Isa sa pinakamalaking dahilan ng human trafficking ang kawalan ng edukasyon at ang kahirapan.
- Bantayang maigi ang iyong mga anak, at huwag silang hayaan na magpunta sa kung saan-saan na mag-isa lang.
Source: GMA News
Basahin: Batang na-kidnap, natagpuang namamalimos sa daan