Hindi dapat binabalewala ang pagkakaroon ng trangkaso o flu. Bukod sa pagkakaroon ng sakit ng ulo at katawan, ubo, at sipon, posible rin itong humantong sa mas malalang mga sakit, tulad ng pneumonia. Ngunit lalong mapanganib ang pagkakaroon ng trangkaso sa pagbubuntis, dahil mataas ang posibilidad na maapektuhan nito ang kalusugan ng sanggol.
Ating alamin kung ano ang nagiging epekto ng flu sa mga sanggol, at kung paano ito maiiwasan.
Trangkaso sa pagbubuntis, hindi dapat balewalain
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ni Kimberly Newsome, MPH, BSN, posible raw na maging premature o kaya mababa ang timbang ng mga sanggol na nagkaroon ng flu ang mga ina.
Sinabi ni Newsome na napansin nilang malaki ang epekto ng matinding trangkaso ng mga ina, sa kalusugan ng sanggol. Mas mahina raw ang naging pangangatawan at resistensya ng mga sanggol na ito.
Ibig sabihin, hindi lang ang mga ina ang naaapektuhan kapag sila ay nagkakaroon ng flu. Pati ang kalusugan ng kanilang sanggol sa sinapupunan ay naaapektuhan nito.
Ngunit ang ipinagtataka ng mga researcher ay hindi raw gaanong naapektuhan ang mga inang nagkaroon ng mild na flu. Mas kapansin-pansin raw ang diperensya ng mga sanggol sa mga inang nakaranas ng matinding trangkaso sa pagbubuntis.
Pero hindi pa rin nito ibig sabihin na dapat balewalain ng mga ina ang flu. Dahil kapag ito ay napabayaan, o kaya hindi naagapan, posible itong lumala at lalo pang makasama sa ina at sa sanggol.
Paano makakaiwas sa trangkaso?
Ang pinakamainam na paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng trangkaso ay ang pagpapabakuna laban sa flu.
Sa katunayan ay nirerekomenda nga ng mga doktor na magpabakuna sa flu ang mga ina upang makaiwas sa sakit. Bukod dito, nagkakaroon din ng immunity sa flu ang kanilang sanggol, kaya’t makakasigurado silang magkakaroon ng malakas na resistensya ang kanilang mga anak.
Bukod sa bakuna sa flu ay mahalaga rin ang umiwas sa mga taong maysakit upang hindi mahawa. Malaki rin ang naitutulong ng paghuhugas ng kamay, at pagsusuot ng face mask kapag nasa labas.
Source: MD Mag
Basahin: Tatlong uri ng trangkaso, laganap ngayon sa bansa, ayon sa DOH