Hindi biro ang magkasakit. Mapa-matanda man o bata, wala naman atang kahit sinong gustong magkaroon ng sakit. Ayon pa sa DOH, mayroon daw ngayong 3 uri ng flu o trangkaso na kumakalat sa bansa. Kaya’t hinihikayat nilang mag-ingat ang mga mamamayan at sundin ang flu etiquette upang makaiwas sa sakit.
Mayroon daw 3 strain ng flu, ayon sa DOH
Ayon kay Dir. Ferchito Avelino ng DOH, mayroon raw 3 strain ng flu ang kumakalat ngayon sa bansa. Ito ang Influenza A(H3N2), Influenza B at Influenza A(H1N1). Ang influenza A at B ay kadalasan nang kumakalat sa ating bansa tuwing ‘flu season’ at nagiging sanhi ng mga matinding sintomas. Kasama na rito ang pananakit ng katawan, ubo, sipon, at mataas na lagnat.
Ayon kay Avelino, “Mayroon kasi tayong sinasabi na ano, ay parang may flu ako pero nakakapasok ka pa, nakakapagtrabaho ka pa. Itong flu na associated with Influenza A and B, hindi ka na makakapasok.”
Dahil dito, pinag-iingat ng DOH ang mga mamamayan pagdating sa sakit na flu.
Ang pagkakaroon ng flu ay lubhang mapanganib para sa mga sanggol, kaya’t mahalagang siguraduhin ng mga magulang na nakapagpabakuna ang kanilang mga anak. Ito ay dahil bagama’t hindi nakamamatay ang mismong flu, ang mga komplikasyon nito tulad ng pneumonia ay lubhang mapanganib.
Hindi rin dapat binabalewala ng mga nakatatanda ang flu, dahil kung ito ay mapabayaan, posible rin itong humantong sa mga mas malubhang komplikasyon.
Ano ba ang flu etiquette?
Ang flu etiquette ay mga gawain na makakatulong upang hindi kumalat ang sakit na flu. Mahalaga ito upang makaiwas sa sakit ang mga tao, at para na rin hindi makahawa ang mga taong maysakit.
Heto ang ilan sa mga dapat tandaan ng mga magulang.
- Ugaliing maghugas ng kamay, dahil posibleng kumalat sa kamay ang flu virus at makahawa sa ibang mga tao.
- Magsuot ng face mask o kaya ay magtakip ng panyo kapag umuubo o bumabahing.
- Iwasang makihalubilo sa ibang mga tao kapag mayroon kang flu. Kung magagawang mag-absent muna sa trabaho ay mas mabuti.
- Umiwas din ang paglapit sa mga bata o mga sanggol upang hindi sila mahawa ng flu.
- Turuan din ang iyong mga anak na maging maingat sa pagbahing at pag-ubo upang hindi sila makahawa kung sila naman ang may sakit.
Source: ABS-CBN
Basahin: Trangkaso o sipon lang: Alamin ang pagkakaiba ng dalawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!