Nanay, pinagbantaan at tinutukan ng kutsilyo ang mga sarling anak. Alamin ang buong kuwento at mga posibleng epekto ng trauma sa bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Nanay, pinagbantaan at tinutukan ng kutsilyo ang dalawang anak
- Mga posibleng epekto ng trauma sa bata
Isang maselang video ang natunghayan sa YouTube account ng programang Raffy Tulfo in Action noong Biyernes, July 2. Ipinapakita rito ang video ng isang ina na tinututukan ng kutsilyo at pinagbabantaan ang dalawang anak, na pawang mga minor de edad.
“Papatayin ko kayong lahat!”
Sa viral video na ito, nakikitang kinukunan ng video ng ina na kinilalang si Arlene Bautista Espino ang dalawang anak na habang may hawak na patalim, nagmumura at pinagbabantaan ang mga anak na sasaktan at papatayin ang mga ito dahil sa kaniyang galit sa kaniyang asawa.
Bagamat naka-blur ang mukha ng dalawang bata, mapapansin pa rin sa video na balisang-balisa, takot na takot at tila na-trauma nang husto ang mga bata habang umiiyak sa kanilang ina.
Ang video na ito ang dahilan kung bakit dumulog na sa programa ang asawa ni Arlene at ama ng mga bata na si Yhan Marvin Espino para humingi ng tulong na mahanap at masampahan ng kaso ang asawa.
Ayon kay Marvin, nakaugalian na ng kaniyang asawa ang pagbantaan siya at saktan ang sarili kapag nagtatalo silang dalawa o mayroon siyang gusto na hindi niya nakukuha.
“Usually po kasi kapag may mga pagtatalo kami tungkol sa mga budgeting, at may mga bagay na hindi siya nakukuha na gusto niyang ibigay ko sa kaniya, ganiyan po ang nagiging habit niya.” ani Marvin.
Aniya, noon ang ginagawa lang ng kaniyang asawa ay ang magpakita ng video kung saan sinasabi niyang sasaktan niya ang kaniyang sarili o magpapakamatay. Dagdag pa niya, madalas makita ng dalawang bata sa ganitong sitwasyon ang kanilang ina.
“Either magpapakamatay siya o i-aano niya ‘yong mga bata.” ani Marvin.
Pero ito raw ang unang pagkakataon na tinutukan ni Arlene ng kutsilyo ang kaniyang sariling mga anak, at siya pa mismo ang nagpadala ng video na ito sa kaniyang asawa.
Epekto ng trauma sa bata
Epekto ng trauma sa bata. | Larawan mula sa iStock
“Masama ‘yan…” maririnig sa maselang video na sinasabi ng maliit na bata sa kaniyang ina.
Dahil sa malinaw na nagkaroon ng trauma ang mga bata sa naturang video, kinapanayam ni Raffy Tulfo si Dr. Camille Garcia, isang clinical psychologist mula sa Clinic of the Holy Spirit, para malaman kung anong posibleng epekto ng pangyayaring ito sa mga bata at kung anong dapat gawin.
Ayon sa doktora, napakalaki ng posibleng maging epekto at trauma nito sa dalawang bata. Ang pananakot at pagbabanta ng kanilang ina ay maaaring magdulot ng post-traumatic stress disorder o PTSD at panghabang-buhay na anxiety.
Ayon sa National Child Traumatic Stress Network, napakaraming masamang epekto ang trauma sa isang bata. Maaaring magkaroon ng problema sa kanilang physical at mental development (lalo na sa maliliit na bata) at gayundin ay maapektuhan ang kanilang mga relasyon hanggang sa hinaharap.
BASAHIN:
STUDY: Mga batang laging sinisigawan o pinapalo, nagiging mas maliit ang utak
To safeguard your Child’s mental health during COVID-19, look after yourself
Mga senyales na ikaw ay toxic parent sa iyong anak
Nabanggit din ni Dr. Garcia na maaring magkaroon ng PTSD ang mga bata. Ayon sa Stanford Children’s Health, narito ang ilang sintomas na pwedeng mapansin sa mga batang may PTSD:
- Nahihirapang matulog
- Nagiging depressed at parang matamlay
- Parang laging nababalisa at ninenerbyos
- Nawawalan ng gana sa paglalaro o mga bagay na kinagigiliwan noon
- Nahihirapang magpahayag ng damdamin
- Nagiging agresibo at mapanakit
- Lumalayo sa mga lugar o pangyayari na nagdudulot ng masamang alaala
- Parang nawawala sa sarili at nakatulala
- Nagkakaroon ng problema sa kaniyang pag-aaral
- Nahihirapan mag-focus
- Parang bumabalik sa pagkabata (nagta-thumbsuck, o umiihi sa kama)
- Mga pisikal na sintomas gaya ng pananakit ng ulo at tiyan
Ayon kay Dr. Garcia, para malaman kung gaano katindi ang epekto ng pangyayaring ito sa mga bata, kailangang silang sumailalim sa debriefing at counseling sessions kasama ang isang child psychologist.
“Tingnan natin kung anong klaseng trauma ang naidulot nito sa kanila.” aniya.
Samantala, nakikipagtulungan naman si Marvin sa Raffy Tulfo in Action para mahanap at panagutin ang nanay ng bata sa kaniyang ginawa. Posible na dahil dito ay mawalan siya ng custody sa kaniyang mga anak.
Larawan mula sa Freepik
Source:
YouTube, NCTSN, Stanford Children’s Health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!