Ayon sa isang bagong pag-aaral, ang triclosan, isang karaniwang anti-bacterial chemical na ginagamit sa cosmetics at toothpaste, ay posible raw magdulot ng osteoporosis.
Triclosan, posibleng magdulot ng osteoporosis
Ang kemikal na ito ay karaniwan nang inilalagay sa mga cosmetics at iba pang produkto upang pumatay ng mga mikrobyo at bacteria. Sa toothpaste naman, ang triclosan raw ay posibleng makabawas sa pagkakaroon ng gingivitis.
Ngunit base sa isang pag-aaral, posible raw itong may kinalaman sa pagkakaroon ng osteoporosis ng mga babae.
Isinagawa ang pag-aaral sa 1,848 na kababaihan mula 2005 hanggang 2010. Dito napansin ng mga researcher na mas mataas raw ang levels ng triclosan sa mga babaeng prone sa osteoporosis.
Sa tingin ng mga researcher, ito raw ay dahil sa koneksyon sa kemikal na ito at sa thryoid gland. Ito ay dahil dati nang napatunayan na naaapektuhan raw ng kemikal na ito ang thyroid. Kapag nagkaroon ng hormonal imbalance sa thryoid ay posible itong humantong sa osteoporosis pagtanda.
Dati nang ipinagbawal ang kemikal na ito
Noong 2016 ay ipinagbawal na ng FDA sa United States ang paggamit ng triclosan sa ilang mga produkto, kasama na ang hand sanitizers. Ito ay dahil may epekto raw ang araw-araw na paggamit nito sa kalusugan ng mga tao.
Ngunit hindi pa rin ito ipinagbawal sa toothpaste at ilang cosmetic products. Mahahanap rin ito sa mga sabon, pati na sa ilang kitchenware, damit, at laruan, kung saan ito ay ginagamit na anti-bacterial chemical.
Bagama’t hindi pa rin kumpirmado ang koneksyon nito sa osteoporosis, naroon pa rin ang ebidensya. Kaya mas mabuting umiwas muna sa mga produktong mayroong ganitong kemikal.
Source: CNN
Basahin: DOH, nagbabala tungkol sa nakalalasong mga school supplies