Ni-reveal ni Trina Candaza na mas maayos na raw ang co-parenting setup nila ng aktor at dati niyang karelasyon na si Carlo Aquino pagdating sa anak nilang si Mithi.
Mga mababasa sa artikulong ito:
- Trina Candaza on co-parenting with Carlo Aquino: “Mas smooth na talaga ngayon compared nung dati.”
- Pagbabahagi kung paano niya tinuruan si Mithi na magsalita
Trina Candaza on co-parenting with Carlo Aquino: “Mas smooth na talaga ngayon compared nung dati.”
May mga marriage at pagsasama talagang hindi palaging happily ever after. Later on, matapos ang ilang buwan o taong pagsasama ay mare-realize na hindi na pala talaga compatible ang isa’t isa na maging magkarelasyon o tumira sa iisang tahanan. Ganito ang karanasan nila Trina Candaza at dating karelasyon nitong aktor na si Carlo Aquino.
Isa sa naging putok na isyu ngayong taon ang celebrity couple na ito dahil nga sa naunang usap-usapan na naghiwalay na sila. Ilang buwan matapos mapag-usapan ito ng netizens, ay kinumpirma nila ang hiwalayan. Marami tuloy ang na-curious sa magiging set-up nila bilang pareho na silang magulang sa anak nilang si Mithi.
Ngayon ay komportable at maluwag nang nabubukas ni Trina ang usapin patungkol sa kanila ni Carlo. Sa katunayan sa isang interview kay Trina sa Pampers Up and Down Playdate event, ay ibinahagi niya kung ano ang set-up nila sa pag-aalaga kay Mithi.
Kung ikukumpara niya raw dati, mas maayos na raw ang sistema nilang dalawa ngayon. Nabigyan na rin daw kasi sila both ng time upang mag-adjust sa nangyaring break-up nila.
“Sobrang mas okay siya kaysa before. Syempre 9 months na rin ‘yong separation namin kaya kahit papaano nakapag-adjust na rin kami and mas smooth na talaga ngayon compared nung dati.”
Hindi man daw nila magawang mag-set ng regular schedule kung saan mami-meet ni Carlo si Mithi, sinisigurado naman daw nilang nag-uusap pa rin ito sa video call araw-araw. Pinipilit din daw nilang makapagkita ang mag-ama every once in a month sa kabila ng hectic na schedule nito sa showbiz.
“Wala kaming regular schedule since si Carlo kasi wala namang regular schedule.”
Dahil nga sa maayos nilang komunikasyon, labis daw tuloy naging masaya ang kanilang anak nang mag-birthday ito. Kakaibang sigla raw ang ipinakita noon ni Mithi. Dahil tuwang-tuwa siya na nagsasasayaw at nakikipag-usap sa mga tao.
“Nagulat ako sa kanya kasi mostly ng nattendan ko na birthday ‘yung mga babies lagi kapag entrance umiiyak tapos parang sad ganyan,” pagkukuwento ni Trina.
“Nagulat kami ni Carlo, karga kasi siya ni Carlo. Nagpababa siya gusto niya kasing sumayaw.”
Magandang paraan din daw na nagkaayos sila ni Carlo Aquino. Ito’y dahil nakikita niya na masaya ang bata na nasilayan niya ang mga taong mahal niya sa kanyang mismong kaarawan,
“Alam kong happy talaga siya sa birthday niya. Kasi noong kinakantahan siya talagang masaya siya so ayun feeling ko na happy talaga siya kasi lahat kami nandoon. Lahat ng parang love niya nandun din.”
Pagbabahagi kung paano niya tinuruan si Mithi na magsalita
Laking tuwa raw ni Trina Candaza sa improvement ng kanyang anak na si Mithi. Pagkukwento niya ngayon daw kasi ay marunong nang makipag-usap ang kanyang anak sa kanya. Nakakabuo na nga raw ito ng paisa-isang sentence.
“Nagto-talk na talaga siya kasi talagang nakikipagconverse na siya.” Pagbabahagi niya,
“Syempre iba ‘yung connection niyo kapag nakikipag-usap na ‘yung baby niyo sa iyo ‘di ba? Nagsasalita na siya ng, ‘Mommy, I’m so happy.’
Noong una pa nga raw ay nahirapan siya kay Mithi. Dahil hindi talaga ito nakikipag-usap. Nagiging problema rin mostly ng parents lalo ngayong pandemic na hindi sila masyadong nakaka-interact with other children. Naisip niya raw na paraan ay sa tuwing may gusto itong kainin, bago niya ibigay ay sinasabihan niya muna itong magsalita.
“Actually, nafu-frustrate ako kasi parang may time na hindi siya masyadong nagto-talk pero alam kong kaya niya nang mag-talk.”
Madalas lang daw kasi nitong tinuturo ang mga bagay na nauunawaan naman nila. Sinanay lang daw talaga niya itong magsalita rin upang matuto nang maaga.