Mga mahalagang impormasyon tungkol sa Trust pills bilang oral contraceptive.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Mga dapat malaman tungkol sa Trust pills
Ang Trust pills ay isa sa pinakamurang uri ng birth control pills na ginagamit ng karamihang Pilipina. Dahil maliban sa abot-kayang presyo nito na P52.75 sa isang pakete buwan-buwan ay isa rin ito sa mga paraan para hindi mabuntis. Kailangan nga lang itong inumin sa tamang oras araw-araw para masiguro ang bisa nito.
Isa itong uri ng combined oral contraceptive na nagtataglay ng estrogen at progestin. Ang mga hormones na ito ay pinipigilan ang ovaries na mag-release ng eggs. At nagdudulot ng pagbabago sa cervical mucus at lining ng uterus para hindi makapag-meet ang sperm at egg cells kaya walang nagaganap na pagbubuntis.
Napaka-reliable ng Trust pills pagdating sa pagpipigil na mabuntis ang isang babae. Ngunit agad namang mawawala ang epekto nito sa oras na tigilan ang paggamit na maaring agad na magdulot ng pagbubuntis.
Benepisyo ng Trust pills
Maliban sa pagiging contraceptive, ang paggamit ng Trust pills ay nagbibigay rin ng iba pang benepisyo sa babaeng gumagamit nito. Ito ay ang sumusunod:
- Nagpapababa ng tiyansa ng pagkakaroon ng ovarian at endometrial cancers, ectopic pregnancy, ovarian cysts at benign breast disease
- Nagpapawala ng mga acne
- Nagpapabawas ng sakit na dulot ng dysmenorrhea
- Mas maikli, mahina at predictable na regla
- Controllable na monthly cycle at nababawasan ang hot flashes para sa mga babaeng malapit ng mag-menopause
- Binabawasan ang androgen production na dulot ng polycystic ovary syndrome
- Iniibsan ang heavy menstrual bleeding dulot ng uterine fibroids at binabawasan rin ang tiyansa ng pagkakaroon ng iron-deficiency anemia
Ang ibang babae ay sinasabing sila ay tumaba ng gumagamit ng Trust pills na para sa iba ay side effect at sa iba naman ay magandang epekto ng pills.
Pero maliban sa magandang benepisyo nito ay may kaakibat ding side effects ang paggamit ng Trust pills. Ito ay ang sumusunod:
Side effects ng Trust pills
- Breakthrough bleeding o spotting
- Breast tenderness o pananakit ng suso
- Pananakit ng ulo
- Nausea
- Mataas na blood pressure
- Bloating
- Kawalan ng gana sa sex
Ngunit ang mga side effects na ito ay nawawala habang patuloy na ginagamit ang pills.
Ang combination birth control pills din tulad ng Trust ay nagpapataas ng tiyansang magkaroon ng sumusunod na kondisyon:
- Blood clots sa legs
- Heart attack at stroke lalo na kung naninigarilyo
- Liver disorders
- Gallbladder disease
Agad namang dapat kumonsulta sa doktor sa oras na makaramdam ng sumusunod na sintomas simula ng uminom ng pills:
- Pananakit ng tiyan
- Bukol sa suso
- Pananakit ng dibib
- Depression
- Hirap magsalita
- Eye problems tulad ng blurred o double vision o loss of vision
- Fainting
- Jaundice o paninilaw ng balat
- Severe mood swings
- Matinding pananakit ng ulo
- Seizures
- Severe allergic skin rash
- Two missed periods o signs ng pregnancy
- Severe leg pain o swelling
Paano gamitin ang Trust pills
Bagamat abot-kaya at madaling bilhin, dahil available ito sa kahit saan mang botika, ang pag-inom ng Trust pills ay dapat may payo parin ng iyong doktor. Ito ay para magabayan ka sa tamang pag-inom nito at mga epekto na dapat bantayan tulad ng mga nabanggit na side effects. Para mas masiguro na hindi lang pagbubuntis ang maiiwasan, kung hindi masisiguro rin ang maayos na kalusugan mo.
Tamang paggamit
Ang isang pakete ng Trust pills ay mayroong 28 tablets. Sa mga first time users, iniinom pill #1 sa unang araw ng menstruation at ipapagpatuloy sa loob ng 21 days. At susundan naman ito ng 7 brown tablet na kailangan ring inumin araw-araw.
Madalas ang pagdurugo ay nararanasan matapos inumin ang pangatlo sa 7 brown tablet.
Mahalagang inumin ang 7 brown tablets na ito dahil ito ay may taglay na ferrous fumarate. Isa itong uri ng iron supplement na nag-iimprove ng hemoglobin content ng dugo kapag may monthly period.
Kapag naubos na ang isang pakete ng pills ay agad na magsimula sa bagong pakete may regla man o wala. Ito ay para makasigurong hindi mabubuntis.
Paano kapag nakaligtaang uminom ng pills sa oras?
Tulad ng ibang birth control pills, mas humihina ang iyong proteksyon sa pagbubuntis kapag hindi naiinom ang pills sa tamang oras araw-araw.
Sa oras na makalimot sa pag-inom ay agad na inumin ang missed pill na hangga’t maari ay sa loob ng 12 oras mula sa regular na oras na iniinom ito.
Nangangahulugan ito ng pag-inom ng dalawang pills sa isang araw. Ngunit dapat bumalik sa regular na pag-inom pagkatapos nito.
Laging isaisip na ang pagiging effective ng pills ay nasa tamang paraan ng paggamit nito. At higit sa lahat, bago gumamit nito ay mabuting magpasuri o magpakonsulta muna sa iyong doktor para ikaw ay magabayan at maresetahan ng uri ng pills na hiyang sayo.
Source: Mayo Clinic, Watsons, Medical News Today, MIMS
Photo: Healthline
Basahin: Puwede pa rin bang mabuntis kahit umiinom ng pills?