Tulfo in action latest story: Isang inang OFW ang inakalang nagpakasal na sa ibang lalaki matapos iwan ang limang anak niya. Ngunit ng magkaharap-harap, nanay hindi totoong ikinasal sa iba. Pero sa kabila nito ayaw na siyang makasama ng mga anak niya.
Raffy Tulfo in Action latest story: Ina na iniwan umano ang mga anak at nagpakasal sa iba
Isang madamdaming tagpo na naman ang natunghayan sa Tulfo in action latest stories. Ito ay ang kwento ng isang inang iniwan ang limang anak niya para umano magpakasal sa iba.
Kasama ang kanilang ama na si Roberto Rivera ay lumapit ang mga bata sa programa ni Raffy Tulfo para humingi ng tulong at ireklamo ang kanilang ina. Ito ay dahil kahit nakauwi na daw ito sa Pilipinas noong pang Oktubre ay hindi man lang ito nagpakita sa kanila. At para bang tuluyang sila ay kinalimutan na. Dagdag pa dito ang balitang, ito daw ay nagpakasal na sa ibang lalaki habang ito ay nasa ibang bansa.
“Mama, sana noong unang uwi mo dinalaw mo kami. Birthday ko noong October 13 hindi mo man lang kami napuntahan. At si Ariel nag-birthday din hindi mo rin napuntahan.”
“Mama, sabi nyo sa amin ayaw niyong maging broken family tayo pero tapos nagpakasal kayo diyan. Sana po masaya kayo sa bago ninyong asawa”.
Ito ang mensahe ng mga bata sa kanilang ina na si Ma. Jesusa Torreflores, isang OFW.
Paliwanag ng ina
Nang mapanood ito ng ina ay ninais niya ring maipaabot sa mga anak ang paliwanag niya. At ng sila nga ay magkaharap-harap, sinabi ng inang si Jesusa na hindi totoong siya ay ikinasal na.
“Hindi ho ako kasal sa ibang bansa. Kinakalat po nila iyon pero hindi totoo. Paano ako magpapakasal sa ibang bansa e hindi pa kami nagkikita noong sinasabi nilang lalaki. Oo inaamin ko po fb, relasyon sa fb lang. Hindi ako married. Hindi ako kasal.”
Ito ang pahayag ni Jesusa.
Dagdag pa niya, hindi totoong kinalimutan at pinabayaan niya ang kaniyang mga anak. Dahil daw gusto man niya silang puntahan ay pinagbantaan siya ng ama ng mga bata na huwag na doong magpapakita.
“Kasi naman nak kaya hindi agad ako pumunta pagdating ko doon kasi pinagbantaan ako ng Papa mo. Sinabi niya sa akin na kapag umuwi ako, huwag na ko pupunta doon na hindi niya na ko kailangan na ibinasura ninyo na akong mag-aama.”
Ayon pa sa kaniya, ay buwan-buwan din siya nagpapadala ng sustento sa mga anak niya. Dahil kaya nga daw siya nagtrabaho ay para sa kanila.
“Kaya po ako nag-ibang bansa para sa kanila. May mga resibo ako na nagpapatunay na nagpapadala ako”, dagdag na pahayag pa ni Jesusa.
Sagot ng kaniyang mga anak
Kahit narinig na ang paliwanag ng kanilang ina ay hindi parin nagbago ang isip ng mga bata. Nais parin nilang i-blacklist ito at hindi na makaalis sa bansa.
Nang sabihin nga ng ina na gusto niyang kunin ang mga bata, ay ito ang naging sagot ng panganay niyang anak.
“Kukunin mo kami tapos bubugbugin mo lang.”
Kwento ng bata, minsan na daw siyang binato ng kutsilyo ng kaniyang ina. Ito daw ay matapos itong matalo sa sugal. Kahit daw yung perang pinapadala ng kanilang ama noong ito ay nagtratrabaho pa ay inuubos lang nito sa pagsusugal buong araw. At hindi man sila nito inaasikaso.
Ganito man ang nangyari sa kanilang pamilya ay may laging ipinapaalala si Tatay Roberto sa mga anak niya.
“Sabi ko naman po sa mga bata, kahit anong mangyari bali-baliktarin man ang mundo nanay ninyo parin iyan. Iyan nakatatak na sa inyo. Nasa sa inyo iyan kung kayo sasama hindi ko kaya pipigilan.”
Ito ang pahayag ni Tatay Roberto. Ngunit, tila buo na ang desisyon ng mga bata na mas gugustuhin pa nilang makasama ang tatay nila kaysa mapunta sa kanilang ina.
“Ayaw po naming makasama ang aming ina dahil kaya naman po kaming buhayin ng aming ama.”
Mensahe para sa mga magulang
Ang episode na ito ng Tulfo in action latest stories ay isa lamang sa mga sitwasyon sa pamilyang Pilipino na ang mga batang walang muwang ang apektado. Minsan bilang mag-asawa o bilang mga adult ay may mga pangangailangan tayong hindi natin nakukuha sa ating partner. Narito ang maghahanap tayo ng iba at makikipaghiwalay para makuha ang pangangailangang ito. Ngunit sana magkaganoon pa man, huwag nating hayaang maapektuhan ng sobra ang ating mga anak. Bagamat, oo, hindi natin mapipigilan ang gulong ng kapalaran. Pero sana matuto tayong magbigay ng oras sa ating mga anak, kahit na tayo ay malayo. Dahil sa mura nilang edad, tayong mga magulang nila ang kanilang lakas. At ang pagmamahal at pag-aaruga na ibinibigay natin ay ang kanilang buhay.
Source: Raffy Tulfo in Action
Basahin: Lalaki, hindi nagsusuporta at iniwanan ng utang ang babaeng nabuntis at naanakan niya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!