Kahit sinong magulang siguro ang matutuwa kapag nakikita nilang tumatawa ang kanilang sanggol. Kung tutuusin, isa ito sa mga pinaka-inaabangan na milestone ng mga magulang. Ngunit para sa isang sanggol, ang pagtawa pala niya ay hindi dahil sa tuwa, kundi epekto ng tumor sa utak.
Tumor sa utak, naging sanhi ng tuloy tulo na pagtawa
Nagsimula ang pagtawa ni Jack noong sanggol pa lamang siya. | Source: Daily Mail
Inakala ng mga magulang ng sanggol na si Jack Young na lubhang masayahin lang ang kanilang anak. Ito ay dahil palagi raw itong tumatawa, kaya’t di nila inisip na mayroong problema.
Noong simula raw ay parang bumubungisngis lang ang kanilang anak. Ngunit napansin nila na habang lumalaki ang bata, napapadalas ang kaniyang pagtawa. Sa sobrang dalas nito, nahihirapan na raw makatulog ang pamilya. Inaabot pa raw minsan ng 17 oras na tuloy tuloy na pagtawa ang bata.
Sa isang 6-week check up ng bata, nagtaka raw ang tumingin kay Jack na parang kakaiba ang tawa nito. Ayon sa ina ni Jack, nahiya daw siya sa sarili niya dahil hindi niya agad napansin na may kakaiba pala sa pagtawa ng kaniyang sanggol.
Dinala niya si Jack sa doktor na hindi alam kung ano ang problema ng bata. Dahil dito, nirekomenda niya si Jack na tingnan ng espesyalista, ngunit pati ang ENT na tumingin ay hindi rin alam kung ano ang problema.
Dahil dito, sinabi nila sa pamilya na patingnan sa isang neurologist ang sanggol. 6 na buwang gulang na si Jack nang siya ay dalhin sa neurologist.
Akala ng mga tao na masayahin lang si Jack
Habang naghihintay sila sa ospital ay napansin daw ng mga nurse ang pagtawa ni Jack. Sinabi pa sa kanila ng nurse na masayahing sanggol daw si Jack, ngunit nagulat ang nurse ng sabihin nila na yun daw ang problema ng kanilang anak.
Matapos sumailalim sa MRI scan ang sanggol, nakitang may tumor si Jack sa ilalim ng kaniyang utak. Sa kabutihang palad, benign ang tumor at hindi ito cancerous. Ang pagtawa pala ni Jack ay dahil nagkakaroon siya ng ‘gelastic’ epileptic seizures, o tinatawag din na laughing seizure.
Awang-awa ang magulang ni Jack sa sinapit ng anak, ngunit kahit papano ay gumaan ang kanilang loob nang malaman nila ang sanhi ng kaniyang pagtawa.
Kinailangan siyang operahan upang tanggalin ang tumor
Kinailangan niyang sumailalim sa operasyon upang matanggal ang tumor. | Source: Daily Mail
Ayon sa doktor, kinakailangan na sumailalim si Jack sa isang operasyon upang matanggal ang tumor. Pero hindi pa puwedeng gawin dahil masyado pang bata si Jack.
Kaya’t habang hinihintay nila na maging handa ang katawan ng bata sa operasyon, lalong lumala ang kondisyon ng bata.
Maayos daw ang kaniyang development, at walang naging masamang epekto ang tumor sa kaniyang pagsasalit at pag-unawa. Yun nga lang, tuloy tuloy daw ang pagtawa ng bata.
2 taon matapos magsimula ang mga seizures ni Jack ay sumailalim na rin siya sa operasyon upang tanggalin ang tumor. Sa kabutihang palad ay walang naging aberya, at natanggal ng mga doktor ang tumor sa utak ng bata.
Nanibago raw ang kaniyang pamilya dahil hindi na raw tuloy tuloy si Jack. Pero masaya sila dahil alam nilang mabuti na ang kaniyang kalagayan.
Minsan daw ay nag-aalala sila kapag naririnig na tumatawa ang bata, at baka raw bumalik ang mga seizure. Ngunit sadya pala talagang masayahin si Jack, at wala nang dapat ipag-alala ang kaniyang mga magulang.
Source: Daily Mail
Basahin: Mom gives birth to a cancerous tumor she thought was her baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!