Tween pregnancy o pagbubuntis ng mga batang edad 9 hanggang 12-anyos patuloy na tumataas ang bilang ayon sa Commission on Population and Development o POPCOM.
Tween pregnancy sa Pilipinas
Ayon kay POPCOM Executive Director Juan Perez III, ay tumaas ng 50% ang bilang ng mga nabubuntis na may gulang sampu hanggang 14-anyos mula noong 2011. Ito daw ay umabot ng hanggang 2,000 cases na kung saan 30 to 50% nito ay mga batang nasa sampung taong gulang palang ng mabuntis.
Dagdag pa ni Perez, sa kanilang analysis ay itinatayang may isang sampung taong gulang kada linggo ang nanganganak sa kabila ng napakabata pang edad. At madalas ang mga ito ay produkto ng sekswal na pang-aabuso o incest.
Dahil sa nakakabahalang pagtaas ng bilang ng tween pregnancy ay idineklara ito ni Socioeconomic Secretary Ernesto Pernia bilang “national social emergency.”
Bilang tugon sa kinakaharap na problema sa tween pregnancy, nakipag-ugnayan na ang POPCOM sa DepEd at DOH sa mga hakbang na gagawin.
Isinusulong ng mga ahensya na nabanggit na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kabataan tungkol sa sex education at family planning. Ganoon din ang makatanggap ng karapat-dapat na health services para ma-address ang patuloy na pagtaas ng bilang ng tween pregnancy.
Ipinapanawagan rin ni Perez na dapat tanggalin na ang isang probisyon sa Responsible Parenthood Reproductive Health Law na kung saan nagbabawal sa mga minors na makatanggap ng family planning services na walang consent mula sa magulang. Dahil sa kasulukuyan, napaka-importanteng maiwasan ang pagbubuntis ng napakabata pang mga Pilipina. Dahil hindi lang daw nila ito pansamantalang dadalhin. Makakaapekto ito ng malaki sa kanilang kinabukasan lalo na sa kanilang magiging anak.
Ngunit may isang hakbang na magagawa ang mga magulang para rin mabawasan ang bilang ng tween pregnancy sa bansa. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa anak ang tungkol sa sex.
Paano ba makikipag-usap sa iyong anak tungkol sa sex?
Ayon sa pag-aaral, ang mga bata at teens na may regular na conversation sa kanilang magulang tungkol sa sex at relationship ay mas mababa ang tiyansang magkaroon ng sexual health issues. At wala rin daw tamang edad kung kailan dapat iintroduce ang ideya ng sex sa mga bata. Masisimulan daw ito sa oras na nakakapagsalita na ang iyong anak. At ang unang dapat ituro sa kaniya ay ang bahagi ng kaniyang katawan.
Mula dito ay unti-unti mo ng maipapaliwanag ang tungkol sa sex sa paraang angkop sa kaniyang edad.
Tulad nalang sa mga batang may edad 5 taong gulang na nagtanong tungkol sa kung saan nanggaling ang baby. Maari mong sabihin na ito ay mula sa tiyan ni Mommy. Kung sampung taong gulang naman ang nagtanong ay puwede mo na itong dagdagan ng detalye tulad ng, “Ang baby ay galing sa tiyan ni Mommy na produkto ng pagmamahalan nila ni Daddy”.
Kung nasa elementary na ang iyong anak ay maari mo na siyang bigyan ng anatomy o puberty book at i-encourage siyang basahin ito. Saka ipaalam sa kaniya na handa kang sumagot sa kaniyang mga tanong kung sakaling may hindi siya naiintindihan dito.
Sa pagtungtong ng highschool ay maari mo ng tanungin ang iyong anak tungkol sa crush kung mayroon ba siya nito o wala pa. Saka subukin kung anong nalalaman niya tungkol sa sex at kung kailan siya handang gawin ito.
Samantala sa araw-araw ay may mga pagkakataon na maari mong i-take advantage para maipaliwanag sa kaniya ang tungkol sa sex tulad ng sumusunod:
- Kapag mayroong buntis na isa sa inyong pamilya, kaibigan o kapitbahay, gawing oportunidad ito para ipaliwanag sa kaniya ang tungkol sa pagbubuntis.
- Sa tuwing may napapanood kayo sa TV tungkol sa pagdadate, love o sex issues ay boluntaryong ipaliwanag kung paano at bakit nangyayari ang nakikita nila sa TV.
- Isang ad sa TV, dyaryo o internet tungkol sa condom, pads, o birth control
Sa mga ganitong insidente ay maari ikaw ang magsimula ng pag-uusap sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga open-ended questions tulad ng:
“Ano ang alam mo tungkol sa pagbubuntis?”
At mula rito ay maari ng magsimula ang inyong pag-uusap tungkol sa sex.
Samantala sa tuwing sasagot naman ng mga tanong ng iyong anak tungkol sa sex ay dapat isaisip ang mga tips na ito:
- Huwag agad mag-conclude kung biglang magtanong ang iyong anak tungkol sa sex. Sa halip ay tanungin siya sa kung anong alam niya tungkol dito.
- Siguraduhing short and simple ang iyong sagot para mas madali niya itong maintindihan. Ipaliwanag din sa kaniya ang mga salitang bago sa kaniyang pandinig.
- Kapag nasagot mo na ang una niyang tanong ay i-encourage siyang magtanong pa.
- Kumpirmahin din sa kaniya kung nasagot mo ba ang tanong niya o kung mayroon pa bang gumugulo sa isip niya.
- Sa oras naman na hindi mo alam ang sagot ay maari niyong hanapin ng magkasama ang sagot sa internet saka ipaliwanag ito sa kaniya.
Ang pakikipag-usap sa iyong anak tungkol sa sex ay maaring “awkward” sa pakiramdam. Pero ayos lang iyan, dahil unti-unti mo rin iyang makakasanayan. Ang sikreto lang ay dapat maging open ka palagi sa iyong anak. At ipaalam sa kaniya na maari siyang magtanong at lumapit sayo anumang oras o sa tuwing may gumugulo sa isip niya o hindi niya maintindihan lalo na kung ito ay tungkol sa sex.
Source: CNN Philippines, Planned Parenthood, Very Well Family
Photo: Freepik
Basahin: 2-anyos na bata, mukhang buntis dahil sa kaniyang sakit
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!