Isang 9 na taong gulang na bata mula sa Turkey ay nagkaroon ng umuugang ngipin tulad ng ibang mga bata. Hindi ito ikinabahala ng bata at mga magulang nito.
Ngunit isang umaga, gumising ang bata na hirap huminga. Hindi agad napansin ng mga magulang na wala na ang nasabing ngipin na hindi pa natatanggal nung nakaraang gabi.
Hirap sa paghinga
Dahil nahihirapang huminga ang bata, siya ay isinugod ng mga magulang sa ospital. Hindi malinaw sa mga duktor ang mga sintomas na nararanasan ng bata.
Sa pisikal na eksaminasyon, nasuri ng duktor na hindi gumagana ang kaliwang baga ng bata. Ito ang nag-udyok upang kumuha ng X-ray scans.
Natutunan sa pamamagitan ng X-ray na ang umuugang ngipin ay naka-bara sa sa daluyan ng hangin. Dahil dito, kinailangan operahan ang bata.
Sa kabutihang palad, naging maayos ang operasyon at nasasabi na ng mga duktor na magaling na ang bata.
Foreign Body Aspiration (FBA)
Ang FBA ay ang pagkakaroon ng bagay na nakabara sa daluyan ng hangin. Ito ay delikado sa buhay dahil pinipigilan nito ang paghinga ng isang tao. Kadalasan itong mapanganib sa mga bata na wala pang 3 taong gulang dahil ito ang mga masmadalas na nakakalunok ng mga bagay.
Ayon sa Department of Pediatrics ng Necmettin Erbakan University, maaari parin itong mangyari sa mga bata na nag-aaral na. Kadalasan, ang mga nakaka-ranas ng FBA ay dahil sa pagkakalunok ng pagkain tulad ng mani.
Hindi na bago sa mga bata ang nakaka-lunok ng ngipin. Karaniwan ay kanila lang itong nalulunok at natutunaw sa sikmura nang walang dinudulot na prublema.
Ngunit, nagiging prublema ito kapag bumara sa daluyan ng hangin na maaaring maging sanhi ng hirap sa paghinga at pagkawala ng malay. Kapag nasugatan nito ang baga, maaari rin itong maging sanhi ng pneumonia.
Ayon sa National Safety Council sa US, halos 4,800 ang namatay dahil sa FBA nuong 2013. Katumbas nito ang isa mula sa 100,000 na bata na wala pang 4 na taong gulang. Sa UK, tinatantyang isa ang namamatay kada-buwan dahil sa FBA, ayon sa The Royal Society for the Prevention of Accidents.
Kapag nakakaranas ng FBA
May ilang mga maaaring gawin kapag may kasama na nahihirapang huminga at hinihinalang nakakaranas ng FBA:
Ipa-ubo
Hikayatin ang nahihirapan huminga na umubo. Sa pag-ubo, maaaring maitulak palabas ang kung ano man na bumabara sa kanilang daluyan ng hangin.
Paluin palabas
Ipa-sandal paharap ang nahihirapan huminga habang sinusuportahan nang isang kamay. Gamit ang sakong ng isa pang kamay, paluin ang pagitan ng mga balikat ng nahihirapan huminga. Paluin ito nang limang beses at silipin kung may laman ang bibig.
Pigain palabas
Maaaring matulungan ang nahihirapan huminga sa pamamagitan ng pagpiga dito. Pumunta sa likod ng nahihirapan huminga at yakapin ito na ang kamay mo ay nasa gitna ng pusod at ibaba ng dibdib. Habang nakasara ang isang kamay, hawakan ito ng kabila at hilahin pataas nang mabilis. Gawin ito nang limang beses bago silipin ang bibig ng nahihirapan huminga.
Kapag matapos ng mga ito ay hindi parin natanggal ang naka-bara, tumawag na ng ambulansya o isugod ito sa ospital. Ulit-ulitin ang tiglimang pag-palo at pag-piga hanggang dumating ang tulong.
Kapag may umuugang ngipin
Karamihan sa mga bata ay natatanggalan ng ngipin sa edad na 5 o 6 na taong gulang. Ngunit, maaari rin itong mangyari mula 4 hanggang 8 taong gulang. Karaniwang inaabot nang buwan bago kusang matanggal ang umuugang ngipin.
Ayon sa mga dentista, kusang nahuhulog ang mga umuugang ngipin. Kung sakaling malunok ito, kadalasan ay wala itong naidudulot na prublema.
Ayon kay Gerald Ferretti, isang propesor ng pediatric dentistry sa University of Kentucky sa Lexington, maaaring tanggalin ang umuugang ngipin. Maaaring ipagalaw ito nang ipagalaw sa bata upang matanggal.
Ayon kay George White, isang propesor ng pediatric dentistry at Tufts University sa Boston, huwag itong pilitin. Huwag itong itali at hilahin para matanggal dahil ibig sabihin ay hindi pa tunaw ang ugat nito kung hindi pa mahila. Maaari itong maputol at maging sanhi ng impeksiyon kapag pinilit. Kapag naman wala nang ugat ang ngipin, maaaring gumamit ng tissue at iikot ang ngipin para tanggalin ito.
Sources: DailyMail, Parents
Basahin: 10 home remedies para sa sakit ng ngipin
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!