Sa Pilipinas, malaking bagay ang pagtanaw sa Undas, kung saan inaalala ang mga kamag-anak na sumakabilang-buhay na. Huling linggo pa lang ng Oktubre ay dinadayo na ng mga tao ang mga sementeryo upang maglinis ng mga nitso at libingan. Narito ang ilang tips para sa undas lessons for kids na maaari mong ibahagi sa iyong anak.
Undas
Nasa halos 800,000 katao ang pumupunta sa Manila North Cemetery pa lamang, ang isa sa pinaka-mataong sementeryo sa Kalakhang Maynila. Sa aking pagkabata, bitbit ako ng mga magulang ko at ng aking Lola papunta sa “Norte”, kung tawagin ng karamihan. Naranasan ko ang gulo, hirap, sikip, pati na ang sigla ng lugar kapag Undas o Pista ng mga Patay.
Ano nga ba ang mga mabubuting tradisyon na hindi malilimutan tungkol sa Undas?
Undas lessons for kids: Mga aral ng UNDAS na maaaring ibahagi sa mga bata
Pagdagsa sa sementeryo, kahit sa probinsiya pa ito
Sa Pilipinas ka lang makakakita ng pagdagsa sa mga estasyon ng bus at lokal na paliparan para bumiyahe papunta sa kani-kaniyang probinsiya, kung saan nakalibing ang mga mahal sa buhay. Anumang araw pumatak ang ika-1 ng Nobyembre, bumibiyahe na ang mga tao ilang araw bago ito sumapit. Ito na rin kasi ang nakagisnang panahon ng pagsasama-sama ng pamilya para magbakasyon.
Ang pag-aalay ng bulaklak
Isa ito sa paborito ko mula nung bata pa ako. Pagandahan ng ayos ng bulaklak, na mura man o mamahalin, ay pareho lang ang intensiyon—makapag-alay ng mabuting alaala sa mga mahal sa kapamilya.
Pagsindi ng mga kandila
Hanggang ngayon ay tangay ko pa ang pagtitirik ng kandila, kahit nasaan pa ako. Mula sa pagdating sa sementeryo hanggang sa pag-uwi, nakasindi ang mga kandila. Patuloy ang pagtitirik, magsisindi muli ng bago sa tuwing mauupos ang nauna. Minsan ay may pagandahan din ng kandila, o paramihan. Naalala ko din kung paano iniipon ang mga natunaw na na kandila ng mga bata, at ibinebenta sa mga nagtitinda din ng kandila.
Ang mga hindi nakakadalaw sa sementeryo ay nagtitirik ng kandila sa pinto o gate ng bahay. Kasama din dito ang pagdarasal para sa mga kaluluwang pumanaw na. Ang kandila daw ang nagsisilbing ilaw ng mga kaluluwa sa kanilang paglalakbay sa kabilang buhay.
Undas lessons for kids: Kuwento tungkol sa mga ninuno
Dahil wala pang cell phone o iPad at tablets noon, pampalipas oras ng mga nakatatanda ang pagkukwento sa mga bata tungkol sa mga namatay na ninuno. Bawat pangalan at petsa sa mga lapida, may katapat na kuwento: sino siya, ano ang kinamatay, ilang kwento na may kinalaman sa mga magulang o kapatid, at kung anu-ano pa.
Kaya kahit hindi ko na nakilala o inabot ang mga lolo ng lolo ng lolo ko, may alam ako tungkol sa kanila. Hindi ba’t magandang ibahagi din ito sa mga bagong henerasyon ng pamilya ninyo?
Kuwentong Horror
Isa sa mga naging kaugalian na ng mga Pilipino ay ang pagpapalitan ng kuwentong nakakatakot, totoo mang naranasan o nabasa lang sa kung saan. Ika-31 pa lamang, habang nagsasaya sa Kanluranin para sa Halloween, ang bersiyon ng mga Pinoy ng Halloween ay ang pagpapalabas ng mga kuwentong kababalaghan sa TV at panunood ng mga pelikulang nakakatakot tungkol sa mga manananggal, bampira, o mga sumpa.
Pagsalu-salo ng pagkaing Pinoy
Parang piyesta na rin sa dami ng pagkain na dala ng kani-kaniyang miyembro ng pamilya. Sanay na ang lahat na kumain ng walang la mesa at hawak lamang ang disposable na pinggan. Dito nagkakaalaman kung ano ang specialty ng bawat kamag-anak: may masarap magluto ng dinuguan, puto, o mag-bake ng cake, gumawa ng polboron o ng biko.
May mga tinatawag ding “atang”, o pagkaing alay sa mga patay, upang mapaalis ang mga masasamang kaluluwa. Madalas ay rice cake ito, o yung tinatawag na “sinukat”. Isang uri ng kakanin na may gata ng niyog at may katernong mangga o anumang prutas. Ang iba ay nag-aalay ng paboritong pagkain ng namatay na kaanak.
Sama-samang pagdarasal
Lalo na para sa mga relihiyosong pamilya, dasal ang highlight ng Undas. Higit sa pagkain, bulaklak o kandila, ang pagdarasal ng sama-sama ang dahilan ng pagdalaw sa sementeryo. Ito ang paraan ng paggunita sa naging buhay ng mga minamahal. Upang patuloy na maging mapayapa ang kanilang mga kaluluwa.
Ang paggunita sa mga namatay nang kamag-anak ay kasama ng mga reunion o pagkikita-kita muli ng mga magkakamag-anak mula umaga hanggang gabi. May salo-salo na parang piknik, at walang humpay na kwentuhan. Tradisyon na ito, ika nga. At isang tradisyon na magandang ibahagi sa mga kabataan. Ang pag-alala sa namatay na kaanak, ay naging selebrasyon na rin ng mga buhay pa, at ng mga bagong miyembro ng pamilya—ang mga bata.
Undas lessons for kids: Kahalagahan nito sa Pamilya
Ang paggunita ng Undas taun-taon ay taunan ding pag-alala sa kahalagahan ng pamilya.
Bukod sa pagiging relihiyoso ng karamihan sa mga pamilyang Pilipino, kilala rin tayo sa pagkakaroon ng mataas na pagpapahalaga sa ating pamilya.
Sa kabila ng abalang mundo, sa kabila ng pagiging abala natin sa araw-araw na pamumuhay, naglalaan tayo ng panahon tuwing UNDAS na alalahanin at ipanalangin ang ating mga mahal sa buhay na yumao na. Ipinagtitirik natin sila ng kandila at dinadalaw sa kanilang mga puntod. Kinakausap sila sa hangin at nililinis ang kanilang mga lapida. Ito ang paraan natin upang maipadama na mahal natin sila at sila’y mahalaga kahit na hindi na natin sila kasama.
Sa bawat paggunita natin sa UNDAS ay naipapamana natin sa ating mga anak ang mahahalagang bagay na ito. Na ang pagpapahalaga sa pamilya ay lagi’t laging nabubuhay sa araw man ng mga patay.
Updates by Jobelle Macayan