Ikinuwento ng isang mommy ang kaniyang karanasan noong masundan agad ang kaniyang panganay na anak. Nilarawan niya bilang ‘unwanted pregnancy’ ang kaniya noong pagbubuntis. Ngunit nagbago rin ang pananaw niya rito.
Alamin ang kwento ng isang nanay na challenging ang pinagdaanan sa kaniyang second baby.
Unwanted pregnancy
Naranasan mo na ba ang unwanted pregnancy o ‘yong pagbubuntis na hindi mo talaga ginusto?
Iba ang unwanted pregnancy sa unexpected pregnancy. Dahil ang unexpected pregnancy ay ang pagbubuntis na hindi mo man in-expect pero tanggap at masaya ka sa resulta. Anong mga naisip mong gawin at paano mo nilabanan ang mga negative thoughts? Gaano katagal mo ito ininda?
Nang malaman kong buntis ako sa pangalawa kong anak, naluha ako hindi dahil sa tuwa kundi dahil sa lungkot. Habang nasa comfort room ako ng mall pagkatapos ko mag-pregnancy test ay literal na naiyak ako habang sinasabing, “Paano na ang anak ko? Ang liit liit pa niya. Kailangan pa niya ko”
Napakaraming negative thoughts ang pumasok sa isip ko, guilty at aminado ako doon.
Isa na diyan ay ang kagustuhan ko na sana mawala ang nasa sinapupunan ko, sana hindi na lang baby ang laman ng tiyan ko at sana false alarm lang ito.
Hindi ako naging masaya nung una dahil 1 year and 5 months pa lang ang panganay ko at kasalukuyan pa akong nag-aaral. Wala akong choice kung hindi tumigil ulit sa pag-aaral dahil may pagka-maselan ako magbuntis.
Agad ko naman itong ipinaalam sa asawa at pamilya ko at pati sila, hindi mawari ang reaksyon.
Kapag nalaman nila, may kasunod agad na, “Last mo na yan, tama na yan.” na para bang maling mali yung nangyari. Sabayan pa ng nakaka pressure na ,”Dapat babae na ‘yan para okay ka na”.
Diba? Nakakaloka dahil hindi ko naman kontrolado ang magiging gender ng baby. Inisip ko na lang na siguro sa hirap ng buhay kaya nila nasasabi yun sa akin.
Mahahati ang atensyon sa dalawang baby
Nasanay ako na kaming dalawa lang at sakanya lang ang buong atensyon ko. Buo naman ang loob ko na ituloy ang pagbubuntis ko pero sadyang hindi pa handa ang isip ko. Ang sa akin lang naman baka hindi ko kayanin magmahal ng sabay at baka hindi ko maibigay yung pagmamahal at alaga na deserve nila.
Nasanay ako na kaming dalawa lang at sakanya lang ang buong atensyon ko. Gayunpaman tinatagan ko pa din ang loob ko at naghanap talaga ako ng mga magandang dahilan para magpatuloy at mawala na ang kalungkutan na nararamdaman ko.
Nakatulong sa akin na hindi ko na ito pinost sa social media kaya mas nalimitahan pa ang negative comments na maaari kong marinig. Pati na rin ang pagbabasa ng mga shared experiences ng aking mga co-parents na meron ding anak na magkasunod o maliit ang agwat ng edad.
Sa nakikita ko ay masaya at kinaya naman nila kaya inisip ko na din na kakayanin ko to. Binuhos ko rin ang atensyon ko sa anak ko at kahit maliit pa siya ay ipinaliwanag ko na sakanya na kahit magkaroon siya ng kapatid ay mahal pa rin namin siya.
BASAHIN:
REAL STORIES: “Pinagalitan ako ng doktor dahil gumala ako sa mall kahit labor ko na pala!”
Mom Confession: “Naging pabaya akong nanay dahil inuna ko ang aking trabaho.”
#MomTips: “Becoming a mother requires you to sacrifice ‘me time'”
Realization sa pagkakaroon ng pangalawang anak
Mabuti na rin ito dahil magkakaroon na siya ng kapatid na makakalaro niya sa loob ng bahay kahit na hindi kami dumayo sa ibang lugar ay may kapatid/kalaro siyang maituturing. Mabuti na rin ito total maikli lang naman ang agwat nila. Kaya magkakasundo sila pag naglaon na pareho na silang lumalakad at nakakapagsalita, mabuti ito dahil wala namang masama sa pag-aanak muli.
6 months ang tiyan ko nung nagsimula na ako bumili ng mga gamit pang newborn. Napansin ko na lang din sa sarili ko na tanggap ko na at excited na rin ako makita siya.
Napagtanto ko na natatakot lang pala ako na baka mawalan ako ng oras at atensyon sa panganay ko at hindi ko maprovide ang pangangailangan nila ng sabay. Baka hindi ko na siya maalagaan gaya ng dati at baka makaramdam siya ng selos sa kapatid niya.
Pero hindi ganun ang nangyari.
9 months old na ang baby na inayawan ko noon at mahal na mahal ko siya noon mas lalo ngayon. At totoo nga, ang saya na makita ko sila habang naglalaro, nagtatawanan at nagkukulitan.
Nakakapagod oo, pero sulit na sulit sa mga ngiti at yakap nila. Salungat sa inisip ko nung una.
Naghahanda na rin ako sa mga pagkakataon na hindi sila magkakasundo at normal naman ito sa magkakapatid. Ito pa nga ang mas magpapatibay ng relasyon nila ‘di ba?
Ibinahagi ko ang naranasan kong ito dahil baka makaramdam din kayo ng lungkot sa una lalo kung wala talaga sa plano niyo ang magka-baby o magka-baby ulit. Normal lang na makaramdam ng lungkot o pagkadismaya. Pero huwag tayong magpalamon sa lungkot bagkus ay tandaan natin na napakagandang biyaya nito na sa atin lang ipinagkaloob.
Hindi ko inakala na kaya ko palang magmahal nang sabay. ‘Yon ay ang magmahal sa dalawa kong anak kahit na ang puso ko ay iisa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!