Nais natin maibigay ang lahat ng pangangailangan ng ating mga anak sa anumang magandang paraan. At ang naisip kong paraan bilang nanay ay tumulong sa trabaho para makaagapay sa aking mister sa mga gastusin sa bahay. At higit sa lahat ay maibigay ang kailangan ng dalawa kong anak.
Lumalaki na din sila at parehong nag-aaral na. Bukod sa pagtatrabaho ay isinasabay ko pa rin ang pagnenegosyo. Online seller ako ng mga beauty products, at kahit anong mabilis maibenta at talagang malaking tulong iyon. Naibigay namin mag asawa ang lahat ng kailangan ng mga anak namin.
Taong 2015 ako nagsimulang magtrabaho, nag-aaral ang panganay ko ng kinder at ang bunso ay 3 years old pa lamang noong panahon na ‘yon. Masakit sa akin na maiiwanan ko lamang sa aking biyenan ang mga anak ko. Hanggang sa napalipat na ako ng tarabaho sa probinsya namin dito sa Batangas, at ayokong iwan sa Maynila ang mga anak ko.
Nagdesisyon kaming lumipat na lamang sa probinsya at dito nagpatuloy ng pag-aaral ang dalawa kong anak. Grade one si Kuya at si Bunso ay Kinder. Lubhang malayo ang trabaho ko mula Lemery patungong Lipa City kaya hindi nagtagal ay tumigil na din ako sa trabaho at nag-focus sa negosyo.
Kahit papaano ay natutustusan pa din ang ibang gastusin at nakakapagbayad ng tuition fees ng mga anak ko.
Masayang-masaya ang dalawa kong anak dahil ako na ulit ang nag-aalaga sa kanilang dalawa, habang ang mister ko ay sa Maynila pa din nagtatrabaho. Malaking tulong na nasa poder ako ng mga magulang ko dahil libre na kami sa kuryente tubig at madalas sa pagkain, bilang tulong na din sa amin.
Nanay inuna ang kaniyang trabaho
Matapos ang sampung buwan at nasa Grade 2 na ang panganay ko. Napagdesisyunan naming mag-asawa na magtrabaho akong muli. Siya naman ang nagtrabaho sa probinsya.
Taong 2017 ay naging empleyado ako sa isang kompanya at maayos naman ang aming kinikita. Kaya nakakuha kami ng bahay sa tulong ng housing loan.
Dumaan ang pandemic at hindi agad natapos ang construction ng bahay. Nag-floating ako sa trabaho ng apat na buwan, kaya nagkaroon ako ng oras bilang isang nanay. Nagkaroon ako ng panahon sa dalawa kong anak at aking asawa, pati sa pamilya ko.
Naalagaan ko sila ng maayos at nagkaroon ng maraming bonding moments. September 2020 ay bumalik na din ako sa trabaho at October naman ay na-approved na ang aking housing loan.
Excited ang mga anak ko na makakalipat na kami ng bahay sa susunod na taon. January 18, 2021 ay lumipat na nga kami, malaking adjustment dahil nasanay ako na kasama ang mga magulang at kapatid ko at pati na din ng mga bata.
Ang dalawang anak ko lang ang naiiwan sa bahay. Kaya kapag break time ko ay umuuwi ako para saluhan sila sa pagkain. Kapag naman hindi ako makaalis sa breaktime ko ay sila na lamang kumakain. Marunong naman sila kumilos sa bahay dahil 11 years old na ang panganay ko at mag-9 taon naman ang bunso ko.
Gayunpaman ay dapat ako pa rin ang nag aalaga sa kanila, at hindi naiiwan na sila lamang sa bahay. Naging kampante kaming mag asawa na kaya nila ang sarili nila. Kasi pareho kaming may trabaho.
Ang plano ko ay magre-resign na ako once makalipat kami ng bahay.
Pero bandang March ay inilipat ako ng manager ko sa mas magandang store at malaki ang naging commission.
Hindi naman ako makatanggi sa trabaho at bilang isang nanay, iniisip ko din ang mga bayarin namin sa bahay. May hulugan pa kaming motor, kaya hindi pa din ako umalis sa trabaho ko.
July at August ay nagpapaalam na ako sa aking manager. Sinabi ko na magnenegosyo na lamang ako para mabantayan ko ang dalawa kong anak. Lalo na noong matuklasan ko na hindi na maganda ang mga natututunan ng panganay kong anak. Ito ay dahil hindi ko sila natutukan kaya nababad sa internet at cellphone.
Hindi ko sya pinagalitan dahil alam kong may pagkukulang ako sa kanya. Kinausap ko lang sya at sinabing, “Baby pa kita anak, anghel ka pa.” Sabay tulo ang aming luha.
Pagkawala ng kaniyang anak
Bandang September ay nagkasakit kami ng mister ko. Nagkaroon ng lagnat at ubo pero nawala din kaagad.
September 21, nilagnat ang panganay ko kung saan umabot sa 37.7 degree Celsius and temperatura niya na may kaunting ubo, at nawala din naman kaagad.
Noong day-off ko sa trabaho ay umuwi kami sa nanay ko para malibang ang dalawa kong anak at hindi puro cellphone lamang ang pinagkakaabalahan.
Lunes nang umaga, dumadaing ang panganay ko na masakit ang kanyang tiyan. Ako naman ay paunang lunas ang ginawa ko at nag- hot compress. Sabi niya, naiibsan naman ang sakit. Ayaw niya magpadala sa ospital, natatakot din ako dahil sa COVID-19.
Hindi rin ako makapagpaalam na sa trabaho dahil naubos ko na ang leave credits ko. Kinabukasan, ang mister ko ang nagbantay sa kanila. Naging okay naman ang pakiramdam ng anak ko kaya hindi na kami nagdesisyon dalhin siya sa ospital.
Noong Miyerkoles ay day-off ko kaya napaliguan ko siya. Dinala ko siya sa ospital dahil nagsuka siya ng maberde at sumasakit-sakit na naman ang tiyan niya.
Pagdating namin sa ospital, findings agad ng doktor ay Appendicitis. Kailangan mailipat siyang mailipat sa ibang ospital na may intensive care unit para sa pedia. Ngunit nawala na agad ang heartbeat niya at binawi na siya agad ng Panginoon sa Akin.
Mga realizations dahil sa naging pangyayari
Hindi ko alam ang naging reaksyon ko nung mga oras na iyon. Hindi ko siya malapitan dahil ayokong maniwala na wala na siya. Sobrang sakit at sobrang hirap ng naramdaman ko.
Walang katumbas na sakit, sinisisi ko ang sarili ko. Sana bilang nanay ay inalagaan, sinamahan at binantayan ko na lang sila kaysa unahin ang aking trabaho.
Naging makasarili ako. Trabaho ko ang inuna ko. Inuna ko ang pagkita ng pera kesa ang maalagaan ang mga anak ko.
Mula nang mawala ang anak ko, nagkaroon ako ng social anxiety. Ayoko makipag-usap kahit kanino maliban sa asawa, anak at pamilya ko. Parang ninanis kong sumama na lamang sa nawala kong anak.
Pinaglabanan ko iyon. Panalangin sa Diyos at buong pamilya ko ang naging lakas ko para harapin ang mga araw na wala na ang anak ko. Nilakasan ko ang loob ko at kumapit nang mahigpit sa Panginoon.
Walang gabi na hindi ako umiiyak. At nagsisisi ako na hindi ko siya nalagaan at nabantayan ng mabuti.
Andaming sana. Gustong gusto kong bumawi sa kaniya sa lahat ng pagkukulang ko. Pero hanggang doon na lamang ‘yon, magsisi man ako ay wala na siya.
Ipinaubaya ko na lamang ang lahat sa Diyos, dahil Siya ang nakakaalam.
BASAHIN:
Mom Confession: “Simula nang malaman ko na buntis ako sa pangatlo naming anak, halos araw-araw akong umiiyak”
REAL STORIES: “Mommy is worried na nasundan ka agad ng kapatid.”
Bata pumanaw sa Type 1 Diabetes; alamin ang sintomas ng sakit na ito
Bagong pag-asa
Makalipas ang apat na buwan ng kanyang pagkawala ay nalaman kong buntis ako. Hindi maipaliwanang na saya ang naramdaman ko, ‘di ko akalain na bibiyayaan akong muli ng Panginoon ng isa pang anghel.
Pinawi ng Panginoon ang aking kalungkutan maging ang kalungkutan ng pamilya ko. Ngayon ay kasalukuyang nasa 22 weeks and 6 days na ang aking baby sa aking sinapupunan. Mas lalo akong naging masaya nuong malaman na baby Boy ang aking dinadala.
Binigyan ako ng Panginoon ng pagkakataon na magkaroon muli ng anak na lalaki at maibigay ang pag-aalaga na hindi ko naibigay sa nawala kong anak.
Ang aming new bundle of joy ay isang ‘rainbow baby’ para sa akin. Siya ang bagong anghel mula sa Panginoon na nagbibigay muli sa amin ng bagong pag asa at palatandaan at kasiguruhan sa mga pangako Niya.
“I have set my rainbow in the clouds, and it will be the sign of the covenant between me and the earth. Whenever I bring clouds over the earth and the rainbow appears in the clouds, I will remember my covenant between me and you and all living creatures of every kind.”
“Never again will the waters become a flood to destroy all life. Whenever the rainbow appears in the clouds, I will see it and remember the everlasting covenant between God and all living creatures of every kind on the earth.” So God said to Noah, “This is the sign of the covenant I have established between me and all life on the earth.” Genesis 9:7-13
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!