Isang viral maternity shoot ang kinatuwaan ng mga netizen dahil nagpapakita umano ito ng reality ng pregnancy kompara sa mga nakagawiang maternity photoshoot.
Viral maternity shoot: Kwento ng pagiging ina
Marami ang namangha at inulan ng papuri ang photographer na si Robert Flores. Ito ay matapos niyang i-post sa kaniyang photography Facebook page na Mga kuha ni Bert ang kakaibang maternity shoot na ginawa niya para sa kaniyang ate.
Larawan mula sa Facebook page | Mga kuha ni Bert
Kung nakasanayan natin ang makakita ng makukulay na maternity shoot kung saan ay pawang beauty shot ang pose ng buntis, iba ang kuha ni Robert. Black and white ang kulay ng mga larawan ngunit makikita rito ang makulay na pinagdaraanan ng isang buntis. Kabilang na ang hirap na kaakibat ng pagbubuntis.
Ayon kay Bert, kinausap umano siya ng kaniyang ate na kuhaan niya ito ng maternity shoot. Nag-send pa raw ng mga sample photos ang kaniyang kapatid pero sinabi niya rito na hindi siya magaling sa ganoong paraan ng pagkuha ng larawan.
“Sabi ko hindi ako magaling sa ganon. Hindi ko naman siya tinanggihan kasi sabi ko kukuhaan kita ng maternity shoot pero sa paraan kung saan ako komportable,” saad ni Bert sa kaniyang post.
Larawan mula sa Facebook page | Mga kuha ni Bert
Ipinaliwanag din ng photographer na kadalasang mag-isa lamang ang kaniyang ate sa mga larawan. Dahil daw nagtratrabaho sa barko ang fiancé nito. Pero hindi naman daw nagkulang sa pagbibigay suporta at pagmamahal sa kaniyang ate. Makikita nga rin sa isang larawan kung saan ay ka-video call ng ate ni Bert ang partner nito.
Larawan mula sa Facebook page | Mga kuha ni Bert
“Ate, dito ako pinakamagaling, ang mag-kwento gamit litrato. Sana magustuhan mo. Mahal kita habang-buhay,” pahayag ni Bert.
Napuno ng mga positibong komento ang comment section ng nasabing post. Saad ng isang netizen, “So far the most realistic maternity shoot na nakita ko sa social media. May kwento! Kudos!”
Saad naman ng isa pang netizen, “Unlike the usual “fun” maternity shoot, this one clearly shows the reality of pregnancy; alam mong mahirap pero ang ganda-ganda.”
Viral maternity shoot | Larawan mula sa Facebook page | Mga kuha ni Bert
Isang mommy naman ang nakarelate sa mga larawan, “This is also my reality when I was pregnant with my daughter. You and your sister have captivated pre-motherhood so perfectly.”
Taga Imus Cavite ang photographer na si Robert Flores at nangako ito na patuloy na magkukwento gamit ang mga larawan.
DIY maternity shoot ideas
Tulad ba ng ate ni Robert ay gusto mo rin na magsagawa ng maternity photoshoot pero wala kang ideya kung paano ito gagawin? Narito ang ilang tips para sa DIY maternity shoot na maaari mong gawin sa bahay.
Silhouette photography
Isa ito sa mga karaniwan pero magandang paraan ng pagkuha ng maternity pictures. Perfect ito kung nais mo ng medyo misteryosong shot.
Maganda rin ito kung hindi ka komportable sa harap ng camera. Dahil silhouette lang ng iyong bulto ang kukuhaaan ng larawan, hindi mo kailangang mangamba sa kung anong facial expression ba ang dapat mong gawin.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Rene Asmussen
Outdoor photography
Maganda rin ang karaniwang kinahahantungan ng outdoor photography. Sagana sa natural light sa labas ng bahay kaya naman nagbibigay ito ng mas detalyadong subject.
Pumili lamang ng bahagi ng bakuran kung saan ay maganda ang background para hindi na kailanganin pang magdagdag ng extra elements sa larawan.
Indoor
Syempre kung may outdoor, pwede ring subukan ang indoor. Kung walang maayos na espasyo sa labas ng bahay kung saan pwedeng mag-photoshoot, maaaring subukan ang indoor photoshoot.
Pumili lamang ng bahagi ng bahay na may significance sa inyong mag-asawa. O kaya naman ay gawin ito sa nursery room ng inyong baby.
Isama ang kapatid o ang pet
Kung hindi ka first time mom, maganda rin na isama ang iyong panganay na anak o mga kapatid ng iyong baby sa photoshoot. Puwede rin isali sa maternity shoot ang cute mong pet.
Simple at kaswal
Tulad ng maternity shoot na ginawa ni Bert sa kaniyang ate, pwede ring subukan ang simple at kaswal na photoshoot. Kung saan hindi mo na kakailanganin ang anomang props, walang dressing up, walang specific background.
Kukuhaan lamang ang natural na ginagawa ng isang buntis. Ikaw lang at ang iyong baby. Syempre, puwede ring isama si daddy.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Trung Nguyen
Tips para kay mommy
Mahalagang malaman kung kailan ba ang best time para sa isang maternity photoshoot. Karaniwang isinasagawa ito sa ika-7 buwan o ika-8 buwan ng pagbubuntis. Sa panahong ito, tiyak na namimintog na ang iyong belly. Tandaan na ikaw at si baby ang star ng photoshoot na ito. At sa panahon ng third trimester, nasa perfect shape na ang iyong baby bump.
Bukod sa pagpili ng best time for photoshoot, maganda rin na alamin kung ano ang mga kailangang props o ano ang iyong susuotin. Tandaan na mahalagang piliin kung saan ka komportable pati na rin si baby.
Maaaring sabay niyo itong planuhin ng iyong partner para sa mas magandang resulta ng maternity photoshoot.