Kasalukuyang nagtutulungan ang Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine (BOQ). Ito ay para maiwasan ang pagpasok ng isang viral pneumonia galing China sa Pilipinas. Mahigpit ang pagbabantay ngayon sa mga seaports at airports para siguraduhing hindi makapasok sa bansa ang sakit. Alamin ang anunsyo ng DOH.
Viral pneumonia galing China
Doble ang pag-iingat na isinasagawa ngayon ng DOH matapos tamaan ng kakaibang pneumonia ang 59 na katao sa China. Inamin ni DOH Spokesperson and Undersecretary Eric Domingo na dahil sa kumakalat na sakit, mas tutok ang mga thermal scanners sa mga galing ng China. Kapag mapansin na sila ay nilalagnat, may sipon at ubo, sila ay sasailalim sa physical examination at quarantine.
Nagsimula ang pagkalat ng sakit sa pagitan ng ika-12 hanggang ika-29 ng Disyembre taong 2019. Ito ay naganap sa siyudad ng Wuhan sa China. Karamihan sa mga unang nagkasakit ay mga nagtatatrabaho sa isang seafood market sa loob ng siyudad.
Maging maingat
Ang siyudad ng Wuhan ay mayroong mahigit 11 milyong tao na naninirahan. Mula dito ay pinapayuhan ni DOH Secretary Francisco Duque na dapat maging maingat sa mga kilalang nagmula sa China. Makakabuti na magpanatili ng healthy lifestyle, maging malinis sa katawan, at alalahanin ang wastong kaugalian pagdating sa pag-ubo at pag-hatsing.
Pinayo naman ni Domingo na iwasan ang maraming tao, magsuot ng face mask, at maghugas ng kamay upang maiwasan ang tuluyang pagkalat ng o pagkahawa sa sakit.
Kakaibang kaso ng flu
Nasa 59 na ang naitalang kaso ng viral pneumonia galing China. Mula sa mga ito, 7 ang kritikal ang kalagayan. Ganunpaman, wala pang naitatalang namatay dahil sa naturang sakit. Ang mga nagkasakit ay kasalukuyan paring nasa ilalim ng quarantine.
Ayon sa mga ulat, ang mga may sakit ay mayroong lagnat habang ang ilan sa kanila ay nakakaranas ng hirap sa paghinga. Ayon sa kanilang chest radiographs, nakitang ang mga ito ay maraming mga sugat sa kanilang mga baga.
Idinagdag ni Domingo na dapat agad magpasuri ang mga makakaranas ng sintomas na mula China. Makakabuting magtungo sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa o kaya naman ay sa San Lazaro Hospital sa Manila. Ang mga naturang ospital na ito ay nags-specialize sa infectious diseases.
Hindi SARS
Sa pagkalat ng balita tungkol sa naturang sakit, may ilang naghinala na baka ito ay ang pagbabalik ng SARS virus. Ang SARS virus ay isang viral na sakit nuong 2003 na kumitil sa nasa 349 na katao mula sa China. Buwan ng Mayo nuong 2004 nang magdeklara ang China na sila ay SARS-free na.
Subalit, idiniin ng Wuhan na hindi SARS ang kumakalat ngayon. Sa totoo ay pinarusahan ng mga pulis ang 8 katao na kinilalang nagkalat ng maling balita.
Basahin: 7 rason kung bakit nagkakasakit ka pa rin kahit nasa bahay ka lang