Isa na namang mahalagang sandali sa buhay ng baby nina Viy Cortez at Cong TV ang pinasilip ng mag-asawang vloggers. Ipinakita nga sa latest vlog ni Viy Cortez ang first vaccine day ng baby nila ni Cong TV.
Mababasa sa artikulong ito:
- Viy Cortez, Cong TV pinabakunahan si baby Kidlat
- Bakit mahalaga ang 6-in-1 vaccine?
Viy Cortez, Cong TV pinabakunahan si baby Kidlat
Masayang ibinahagi ni Viy Cortez sa kaniyang bagong upload na vlog ang unang beses na pagbabakuna sa baby nila ni Cong TV. Sa naturang vlog, makikita na excited na ipinasilip ni Viy Cortez ang outfit of the day o OOTD ng kaniyang anak. Gayundin naman ay flinex din nito ang kaniyang suot at nagpakuha pa ng picture kay Cong TV.
Ayon sa celebrity mommy, minsan na lang daw siya makalabas ng bahay simula nang ipanganak ni Kidlat kaya naman excited siya kahit sa ospital lang naman ang punta.
“Kapag nanay ka na sobrang excited ka na kahit ospital lang ‘yong pupuntahan mo, akala mo pupustura ka, aawra ka kasi ‘yon na nga lang ‘yong labas mo.”
Larawan mula sa Instagram account ni Viy Cortez
Nang makarating sa ospital ay inasikaso ng mga nurse ang bata. Tahimik at pangiti-ngiti lang ang baby nina Viy Cortez at Cong TV habang isinasagawa ang initial check-up dito. Agad naman ang pag-iyak nito nang maramdaman na ang pagtusok ng karayom mula sa syringe na ginamit sa pagbabakuna.
Inalo-alo ng kaniyang tatay na si Cong TV si baby Kidlat para mapatahan. Ang ibinakuna umano rito ay 6-in-1 vaccine na panlaban sa anim na iba’t ibang sakit.
Bukod sa first vaccine day ni Kidlat ay naikwento rin ni Viy Cortez na bumili sila ng bahay ni Cong TV bilang investment. Manghang ibinahagi rin nito na ang bahay na nabili nila ay ‘yong property rin na makikita sa background ng isang lumang vlog ni Cong TV na pinamagatang ‘Skate Pogi’.
Tuwang-tuwa at manghang-mangha si Viy Cortez dahil nagkataon lamang daw ito. Hindi rin naman daw akalain ni Cong TV noon na balang araw ay mabibili niya ang nasabing bahay.
“Yong mga bagay na hindi niyo inakala, pwede talaga maging posible,” aniya.
Larawan mula sa Instagram account ni Viy Cortez
Bakit mahalaga ang 6-in-1 vaccine?
Ang 6-in-1 vaccine na itinurok sa baby nila Viy Cortez at Cong TV ay panlaban sa anim na pangkaraniwang sakit na maaaring dumapo sa mga bata. Ito ay ang mga sumusunod:
- Diphtheria
- Hepatitis B
- Hib (Hemophilus influenza type B)
- Polio
- Tetanus
- Whooping cough (pertussis)
Mahalaga ang bakuna para maiwasan na maapektuhan ng mga nabanggit na sakit ang bata habang siya ay lumalaki.
Anu-ano ba ang mga dapat asahan matapos bakunahan ang anak ng 6-in-1 vaccine?
Halos lahat naman ng bakuna ay mayroong side effects sa katawan. Kuwento ni Viy Cortez, ang naranasan lang naman daw na side effects ng kaniyang baby ay ang pagkakaroon nito ng sinat. Bukod doon ay wala naman na raw iba.
Larawan mula sa Instagram account ni Viy Cortez
Pero ayon sa Immunize Org, maaaring makaranas ng pananakit, pamumula, pamamaga, at tenderness ang bata sa bahagi ng katawan kung saan ito tinurukan. Normal naman ito at hindi dapat na ikabahala.
Bukod pa rito, pwede rin siyang makaranas ng mga sumusunod:
- Kawalan ng ganang kumain
- Pakiramdam ng matinding pagod
- Pagsusuka
- Pagkairita
- Pananakit ng ulo
- Panlalamig
Samantala mas seryoso naman ang adverse effect kung nakararanas ng mga sumusunod na sintomas:
- Walang tigil na pag-iyak nang dalawang oras o higit pa
- Mataas na lagnat
- Seizures dahil sa mataas na lagnat
Bukod pa rito, may mga kaso rin kung saan ay nakararanas ng allergic reaction ang bata matapos bakunahan. Ilan sa mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- Pamamantal ng balat na maaaring kumalat sa mukha at lalamunan
- Hirap sa paghinga
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Pagkahilo
- Panghihina
Bagamat ‘di pangkaraniwan ang makaranas ng allergic reactions, mahalaga pa rin na obserbahan ang anak matapos mabakunahan. Kumonsulta agad sa inyong doktor kung makaranas ito ng mga sintomas ng severe adverse reactions o allergic reactions.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Artem Podrez
Benepisyo ng bakuna
Maaaring nagdudulot ng pangamba sa iyo ang pagpapabakuna sa iyong anak lalo na kung ikaw ay first-time parent. Pero tandaan na marami nang pag-aaral ang nagpapatunay na ligtas ang bakuna para sa mga bata. Proprotektahan nito ang iyong anak mula sa mga sakit na maaaring umatake rito habang siya ay tumatanda.
Inihahanda ng bakuna ang immune system sa pag-atake ng germs sa katawan ng iyong anak sa hinaharap. Mayroong weakened form ng mga karaniwang germ ang bakuna, sa pamamagitan ng pagturok nito sa katawan ng iyong anak, magkakaroon ng memory ng mga germ na ito ang kaniyang immune system.
Nang sa ganon, kapag na-encounter ng katawan nila ang specific na germs in the future ay magagawa itong labanan ng kanilang katawan at maiwasan ang malalang karamdaman.
Kung nakararamdam pa rin ng pagkabahala, maaaring kumonsulta sa doktor para maipaliwanag nang mas malawak ng iyong doktor ang kahalagahan ng bakuna sa iyong baby.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!