Ano ang gamot sa sakit ng ulo? Isa sa pinakakaraniwang daing ng mga tao ang masakit na ulo. Maaari itong sanhi ng iba’t ibang mga factors at maaari ding maibsan ng iba’t ibang gamot o remedy.
Pero nariyan din ang mga pagkakataong wala tayong kaide-ideya ng sanhi ng nararanasang pananakit ng ulo. Kaya rin paminsan, hindi madali ang maghanap ng gamot para sa sakit ng ulo.
Upang maibsan ang nararanasang sakit ng ulo, mahalagang natutukoy ang sanhi ng pag-atake nito at uri ng sakit ng ulong umaatake sa pasyente.
Maaaring dulot ito ng kakulagan sa tulog o sobrang pagkapagod, ngunit laging may posibilidad na indikasyon lamang ito ng isang mas malalang sakit o kondisyon, dahilan upang hindi ito ipagsawalang-bahala lamang.
Mga sanhi ng sakit ng ulo
Madalas ka bang atakihin ng pananakit ng ulo, o sa piling-piling panahon lamang naman?
Ang paminsan-minsan lamang na pagkakaroon ng masakit na ulo ay hindi gaanong nakababahala, lalo na kung natitiyak mo naman sa sarili ang posibleng sanhi ng mga ito.
Kung gayon, kailangan lamang lunasan ang indikasyon, o iwasan ang mga natukoy na dahilan, at gawing mas kapaki-pakinabang ang mga gawain para sa ikabubuti ng sariling pakiramdam. Iniuuri ang ganitong nararanasang sakit ng ulo bilang chronic daily headaches. Narito ang mga maaaring sanhi ng sakit ng ulo na ito:
- pagpupuyat
- pagkabalisa o pagkabahala
- labis na pag-iisip at pag-aalala
- pagkapagod mula sa mabigat o isang buong araw na gawain
- kakulangan sa pahinga
- pamamaga ng sinus
- pagkakaroon ng sipon
- problema sa panunaw
- pagkain ng panis o sirang pagkain
- maling tindig at postura ng katawan
- pag-inom ng alak
- paninigarilyo
- pagkakaroon ng buwanang dalaw (para sa mga babae)
- pabago-bagong klima
- gutom
- labis na pag-eehersisyo
- kakulangan ng dumadaloy na tubig sa katawan
- pangingilo
- kakulangan ng bitaminang gaya ng magnesium at pangkat ng B vitamins
Gamot para sa sakit ng ulo | Image from Freepik
Mga uri ng sakit ng ulo
Ito naman ang mga posibleng dahilan kung bakit sumasakit ang ulo, ito ay ang mga sumusunod:
1. Tension-type
Nararanasan sa magkabilang panig ng ulo ang pananakit, maihahalintulad ang kirot sa tila may pumipigang goma o tali sa iyong ulo, minsang kaakibat ang pananakit sa mga kalamnan ng panga, leeg, anit, at balikat, at minsan ding pagkairita sa liwanag o kaya’y sa ingay;
2. Migraine
Isang uri ng pananakit ng ulong tripleng beses na umaatake sa kababaihan kaysa kalalakihan, na nagdudulot ng pagpintig o pagtibok sa ilang tiyak na bahagi ng ulo, pagduruwal at pagsusuka, matinding pagkairita sa ingay o liwanag, at nakararanas ng paglala oras na ikilos ang katawan paakyat sa kung saan-saan gaya ng hagdan, upuan, at iba pa;
3. Rebound
Labis na pag-inom ng mismo ring mga gamot sa sakit ng ulo, na nakapagdudulot ng pananakit ng leeg, pagod, pakiramdam ng baradong ilong, at balisang pagtulog;
4. Cluster
Karaniwang tumatagal nang labinlimang minuto hanggang tatlong oras, umaatake nang biglaan ang matinding pananakit sa isang bahagi lamang ng ulo at tumatagos o pumapalibot hanggang sa mata ng pasyente, at nagdudulot ng pamumula o pamamaga sa bahaging sumasakit at pagbagsak ng talukap ng mata
5. Thunderclap
Sa loob ng kulang isang minuto hanggang lima umaatake ang uring ito ng pananakit ng ulo, sobrang tindi, at madalas na sintomas ng iba pang seryosong karamdaman tulad ng intracerebral hemorrhage, cerebral venous thrombosis, aneurysms, meningitis, hypertension, stroke, problema sa hormones, at tumor sa utak.
Samantala, posible ring kaugnay ng pagbabago ng grado ng mata ang nararanasang pananakit ng ulo, at baka kailangan nang magsuot ng salamin ng pasyente.
Maaari itong maikonsidera kung ang pananakit ng ulo ay nasasabayan ng panlalabo ng mata, pakiramdam ng pagsusuka tuwing nagbabasa lalo na ng malalayong letra, at kahirapan sa paggamit ng paningin kung pabago-bago ang antas ng liwanag sa paligid. Mangyaring ikonsulta lamang ito agad sa isang optometrist upang masiguro ang kalusugan ng paningin.
BASAHIN:
Migraine: Sintomas at lunas para sa matinding sakit ng ulo
Hindi makatulog si baby? Alamin kung paano sosolusyunan ang childhood insomnia
Stiff neck o masakit na leeg: Gamot, sanhi at sintomas
Ano ang gamot sa sakit ng ulo?
Mayroong mga nabibiling over-the-counter o iyong hindi na kinakailangan ng doctor’s prescription na gamot para sa sakit ng ulo. Gayunpaman, kailangan pa ring maging maingat sa pagpili ng gamot na iinumin, batay sa uri, sintomas, at posibleng sanhi ng nararanasang sakit ng ulo.
Narito ang ilang gamot na maaaring inumin para sa tension-type na sakit ng ulo at kung minsa’y pati sa migraine.
- Aspirin
- Ibuprofen (Advil, Motrin IB)
- Acetaminophen (Tylenol)
Para sa sakit ng ulong dulot ng matinding migraine, karaniwang inireresetang gamot ang triptan, kabilang ang sumatriptan (Imitrex) at zolmitriptan (Zomig). Para sa prevention, inirereseta karaniwan ang metroprolol (Lopressor), propanolol (Innopran, Inderal), amitriptyline, divalproex (Depakote), topiramate (Qudexy XR, Trokendi XR, Topamax), o erenumab-aooe (Aimovig).
Ano ang gamot sa sakit ng ulo home remedy
Gamot para sa sakit ng ulo | Image from Freepik
Para sa mga alinlangang uminom ng mga sintetikong gamot na nabibili sa botika, may mga gamot sa sakit ng ulo home remedy din tayong maaaring subukin para maibsan ang sakit na nararanasan.
Karaniwang matatagpuan ang mga ito sa mismo nating mga kusina, sa paligid ng bakuran, o sa mga kapitbahay. Bukod sa mura, o maaaring libre pa nga, ligtas din naman ang mga ito sapagkat karaniwan namang sangkap ang mga ito sa ating lutuin.
- Luya – Maari itong pakuluan sa tubig na parang salabat, at maaari rin namang ibabad lamang ang ginayat o hiniwa-hiwang luya sa maligamgam na tubig. Iniinom ito upang maibsan ang pananakit ng ulo na maaaring dulot ng pamamaga sa mga uga at pagkakaroon ng virus, fungus, at bakterya sa katawan.
- Kape – Siyempre, kapag sinabi nating kape, hangga’t maaari, ang ikonsumo ng pasyente ay hindi iyong instant kundi tunay na beans ng kape, na maaaring durog na o bahagya pang butil-butil. Dahil may kakayahang makapagpaalis ng sakit ng ulo ang taglay nitong caffeine.
- Patatas – Ginagamit dito ang hilaw at pinira-pirasong patatas na ipinapatong sa ulo ng pasyente. Maaaring ibalot sa tela o maaari namang direkta sa paligid ng noo at iba pang bahagi ng mukha.
- Langis ng pandan – Ang pagpapahid nito sa paligid ng sentido at ituktok ng ulo ay makabubuti upang maibsan ang karamdaman. Malaking tulong din ito para sa maayos na pagdaloy ng dugo sa loob ng katawan.
- Honey – May kakayahan itong patayin ang masasama at dayuhang mikrobyo sa katawan, na posibleng sanhi rin ng pananakit ng ulo.
Alternatibong paraan ng pagpapawala ng sakit ng ulo
Gayundin, maaaring gawin ang iba pang alternatibong paraan ng pagpapawala ng sakit ng ulo tulad ng sumusunod. Ito rin ay mga gamot sa sakit ng ulo home remedy.
- maglagay ng ice-pack sa masakit na bahagi ng ulo, at maaari rin sa noo, sentido, o batok;
- maligo nang mainit-init na tubig;
- hilutin ang paligid ng bahaging sumasakit sa loob ng kada 15 segundo at tumigil sa pagitan ng bawat 15 segundong paghihilot; at
- iba’t ibang uri ng therapy gaya ng acupuncture, cognitive behavior therapy, hypnosis, at meditation.
Mga dapat isaalang-alang tuwing nakararanas ng pananakit ng ulo
Gamot para sa sakit ng ulo | Image from Freepik
Gaya ng nasabi, mahalagang naoobserbahan ang sarili at ang mga iniindang karamdaman sa araw-araw na dumaraan. Ang pananakit ng ulo.
Bagama’t likas na indikasyon ng reaksyon tuwing may mga pagbabagong na-encounter o nagaganap sa ating katawan, ay hindi dapat ipagsawalang-bahala. Lalo na kung higit na tumitindi at dumadalas kumpara sa dati ang mga pag-atake.
Para sa mga hindi tukoy ang sanhi ng nararanasang pagsakit ng ulo, mahalagang maikonsulta muna ito sa doktor para sa mga karampatang medikal na pagsusulit. Ang sumusunod na pagsusuri ay maaaring ipagawa para sa mas malinaw at tumpak na pagkalinga sa kalagayan ng pasyente.
- CBC (complete blood count), glucose, C-reactive protein, at erythrocyte sedimentation rate (ESR) para sa pamamaga o komplikasyon sa sistemang nerbiyos
- Cervical spine at facial x-rays
- CT scans o MRI para masuri kung may pagdurugo, stroke, o tumor, partikular na sa ulong bahagi ng katawan
- lumbar puncture (spinal tap) para malaman kung may impeksiyon, pagdurugo, o meningitis
Anumang uri ng iniindang karamdaman sa katawan, gaya na lamang ng sakit ng ulong hindi naman talaga binibigyang-pansin sa ating mga sarili, ay hindi dapat ipagsawalang-bahala lamang.
Lalo na kung hindi na biro ang nagiging abala nito sa pagiging produktibo natin sa mga gawaing bahay, trabaho sa opisina. Kasama na ang pangkalahatang kalagayan natin sa aspetong emosyon, mental, at pisikal.
Huwag nang hintayin pang lumala ang anumang sakit na nararanasan. Kung hindi makapagpakonsulta sa doktor o mga hospital, huwag mangiming magtungo sa mga barangay health center at isangguni sa health worker ang inyong mga nararanasan.
Kailan dapat agad na sumangguni sa doktor
Pumunta sa emergency room ng ospital o tumawag sa 911 o sa iyong lokal na emergency number kung nakakaranas ka ng pinakamatinding sakit ng ulo na sinamahan ng:
- Pagkalito o problema sa pag-unawa sa pagsasalita
- Nanghihina
- Mataas na lagnat, higit sa 102 F hanggang 104 F (39 C hanggang 40 C)
- Pamamanhid, panghihina o paralisis sa isang bahagi ng iyong katawan
- Paninigas ng leeg
- Problema sa nakikita
- Nakakaramdam ng problema sa pagsasalita
- Problema sa paglalakad
- Pagduduwal o pagsusuka (kung hindi malinaw na nauugnay sa trangkaso o hangover)
Magpatingin sa doktor kung nakakaranas ka ng pananakit ng ulo na:
- Nangyayari nang mas madalas kaysa karaniwan
- Mas malala kaysa karaniwan
- Lumalala o hindi bumuti kahit pagkatapos uminom ng gamot
- Pinipigilan ka sa pagtatrabaho, pagtulog o pagsali sa mga normal na aktibidad
- Nagdudulot sa iyo ng pagkabalisa, at gusto mong makahanap ng mga opsyon sa paggamot na magbibigay-daan sa iyo upang makontrol ang mga ito nang mas mahusay
Karagdagang ulat mula kay Margaux Dolores
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!