Bilang first time mom ay sobrang saya ni Viy Cortez sa kaniyang family. Ito ang kaniyang ibinahagi sa latest vlog nila ni Cong TV.
Mababasa sa artikulong ito:
- Viy Cortez, Cong TV maraming binitawan para sa kaniyang family
- Pangalan ni Kidlat inspired sa vlogger na si Emman
Viy Cortez, Cong TV maraming binitawan para sa kaniyang family
Ibinahagi ni Viy Cortez sa kaniyang latest vlog ang kanilang nararamdaman ngayon ni Cong TV tungkol sa kanilang family.
Ngayon nga raw na nariyan na si Kidlat ay malaki ang pinagbago ng family ni Viy Cortez. Nang tanungin si Viy Cortez ng fan kung ano ang mga binago ng motherhood sa kaniya, agad niya itong sinagot. Mas naging responsable umano siya simula nang maging isang ina.
“Mas naging responsable. Alam mo kasing meron nang buhay na nakaasa sa’yo e. So, syempre mas tinitingnan mon a ‘yong future na ‘yon,” saad ni Viy Cortez.
Segunda naman ni Cong Tv, ang pagiging magulang umano ay pang habambuhay na commitment sa anak.
“Lifetime commitment ba, hindi lang siya ngayon. Kumbaga ‘yong pagiging nanay at tatay hindi ‘yan natatapos sa one-year old siya.”
Dagdag pa ni Viy Cortez, kung noong wala pa si Kidlat sa kanilang family, puwede umano siyang kumalma sa buhay. Ngayon ay gusto niyang lahat ng plano niya ay kongkreto.
“Dati kasi pwede ka pang magpa-easy easy. ‘Yong, bahala na, kung ano na lang. Ngayon mas gusto mong concrete ‘yong plan mo. Kung anong direksyon mo sa buhay mas gusto mong tama na.”
Sa ngayon nga raw ay mas ginagalingan nya sa lahat ng ginagawa para mas tumagal kung ano ang meron sila ngayon. Aniya, ginagawa niya ang mga ito para matiyak na mapapakinabangan ni Kidlat sa future ang kanilang mga pinaghihirapan.
Salaysay pa nga nina Cong TV at Viy Cortez, na bilang mga magulang ay marami rin silang mga binitawan. Paliwanag ni Viy Cortez ay hindi naman niya ito pinagsisisihan dahil para naman ito kay Kidlat at sa kanilang family.
Masaya naman daw si Viy Cortez sa pagiging isang mommy. Aniya, pakiramdam daw niya ay parang Mothers’ Day araw-araw. Gustong-gusto raw ng vlogger ang pakiramdam na palagi siyang tinatawag at kinakailangan ng kaniyang anak.
“Alam mo ‘yong masaya ako na parang meron na akong best friend, meron na akong kakambal hanggang tumanda ako,” pahayag nito.
Kahit nariyan naman daw ang kaniyang asawa ay iba pa rin ang pakiramdam ng pagiging isang ina.
“Although nandiyan naman si Cong pero meron pa akong isang tao na hindi ako iiwan hanggang tumanda ako,” saad ni Viy.
Pangalan ni Kidlat, inspired sa yumaong vlogger na si Emman
Kinuwento rin ni Cong TV kung saan nanggaling ang pangalan ni Kidlat na Zeus Emmanuel. Aniya, ang Zeus daw ay dahil nga binigyan ng kapatid niyang si Junnie Boy ang kaniyang anak ng palayaw na Kidlat. Samantala ang Emmanuel naman ay mula sa malapit na kaibigan nina Cong at Viy na si Emman Nimedez.
Isa ring vlogger si Emman Nimedez na pumanaw noong 2020 dahil sa sakit na cancer.
Kuwento ni Cong TV, nang masawi ang kaniyang kaibigan dahil sa sakit ay binulungan niya umano ito. Aniya, ilapit sana ng kaibigan ang kaniyang kahilingan sa Diyos. Ang panalangin ni Cong Tv ay magkaroon na nga raw sila ng anak ni Viy Cortez na limang taon na niyang partner nang panahong iyon.
Bago umano ang “pagbulong” niya kay Emman ay ilang beses na rin nilang sinubukan ni Viy na makabuo pero palagi silang bigo. Matapos ang ilang buwan mula nang pumanaw si Emman ay nabuntis nga si Viy Cortez.
Kaya lamang ay ilang araw lang mula nang malaman ni Viy na siya ay nagdadalantao ay nakunan din agad ang vlogger. Pero makalipas ang ilan pang buwan ay nabuo na nga si Zeus Emmanuel.
Napagkasunduan nila Viy Cortez at Cong Tv na kapag lalaki umano ang kanilang anak ay si Cong TV ang dapat na magpangalan dito.
Bilang pag-alala sa kaibigang si Emman ay isinunod nila ang pangalan ng anak na si Kidlat dito. At bilang pag-alala rin sa stillborn child nila ay sinunod din nila ang palayaw na Kidlat na una ngang ibinigay sa anak nila noong nagka-miscarriage si Viy.
Samantala, ipinakita rin sa vlog ang one-month milestone photoshoot ni Kidlat na may temang Michael Jackson. Kuwento ni Viy, nakakaaninag na ang mata ng anak at labis ang tuwa nila nang minsan itong tumitig sa laruan nito.
Ani Viy Cortez, ang sarap daw sa pakiramdam na kada buwan ay may aabangan silang changes sa development ng bata.
+Source