Viy Cortez malapit nang manganak at masilayan ang kanilang baby ni Cong TV. Sa TikTok video ni Viy Cortez, binahagi niya ang kaniyang pregnancy journey at inilahad ang dahilan kung bakit niya pinili ang magpa-CS delivery.
Mababasa mo sa artikulo na ito ang mga sumusunod:
- Desisyon ni Viy na sumalang sa C-section
- Pinakabagong ultrasound scan sa pregnancy ni Viy Cortez
Desisyon ni Viy na sumalang sa C-section
Nasa ikawalong buwan na ng kaniyang pregnancy si Viy Cortez, isang vlogger at negosyante. Marami sa mga tagahanga at tagasuporta ang nakaantabay sa kanilang mga videos at updates ukol sa pagdadalang-tao ni Viy, at maging ang plano para sa magiging anak nila ni Cong TV.
Sa isang Tiktok post ni Viy Cortez, ipinaliwanag niya ang kanilang desisyon kung bakit napili nilang magpa-caesarean section delivery para sa kaniyang panganganak kay Kidlat. Banggit ni Viy, ang unang-una niyang rason kung bakit siya magpapa-CS ay dahil sa kondisyon ng kaniyang placenta.
“Maraming nagtatanong sa akin bakit ako Caesarean ‘no. So, ang una diyan na rason is Low-Lying placenta ako.”
Nabanggit din ni Viy ang isa pang rason kung bakit niya piniling magpa-CS. Wika niya, sa karanasan ng kaniyang ina ay lahat silang magkakapatid ay naipanganak via Caesarian section.
“Pangalawa, ang mama ko, tatlo kaming magkakapatid, Caesarean. So nung nanghihingi ako ng advice, syempre kanino ako manghihingi ng advice, sa nanay ko naman ‘no. So, sabi niya, okay lang naman daw ma-CS, kasi kaming tatlo CS kami sa kaniya.”
Ayon pa kay Viy ay tila lumakas ang kaniyang loob dahil daw sa naranasan ito ng kaniyang mama. Dagdag pa niya, nagdesisyon din sila ni Cong dahil din sa takot na mag-normal delivery pero sa huli ay nauuwi din Caesarean delivery.
“Nag-decide kami ni Cong na ‘yon nga, mag-CS na lang kami kasi natatakot ako na mag-normal. Gawa na ang dami kong nakikita na nagno-normal sila pero ang ending nagiging emergency CS din.”
Marami rin daw ang nagbigay ng payo kay Viy na kung nararamdaman niyang hindi niya kaya ang mag-normal ay mag-CS na lang siya.
Ayon din kay Viy, nagpa-schedule na sila ng kaniyang delivery sa unang linggo ng Hulyo. Kaya alam na nila ang kaarawan ni Kidlat dahil sa naka-schedule na ang panganganak niya.
Dagdag pa niya, sa June 25 ang huling ultrasound ni Kidlat. Doon daw titignan ang timbang ni Kidlat at kung pupwede na itong ilabas sa kanilang napiling araw sa unang linggo ng Hulyo.
Kaugnay nito, ikinuwento pa ni Viy na sa tingin niya ay kakayanin nang lumabas ni Kidlat dahil sa mga nakaraang ultrasound ay sobra naman daw ang timbang ni kidlat sa kaniyang weeks.
“Based on my ultrasound sa mga dati pa, ang timbang ni Kidlat ay sobrang sakto. Hindi man pala sakto, sobra sa kaniyang weeks. So feeling ko kayang-kaya na niyang lumabas. Kasi sa first week ng July, 38 weeks ako.”
BASAHIN:
Vien Iligan naluha sa big surprise para kay Junnie Boy: “Mother of two na ako.”
Pinakabagong ultrasound scan sa pregnancy ni Viy Cortez
Sa kaniya namang Instagram account, ibinahagi ni Viy ang litrato ng kaniyang ultrasound. Makikita ang mukha ng kanilang anak ni Cong TV, kung saan may hirit si Viy.
“Mukhang kailangan pa namin magsikap ng daddy mo anak. Mukhang iiyak ka pag wala tayong mga nakatagong pagkain sa ref hahahaha. Love you anak, see you soon.”
Maliban sa caption na ito ni Viy Cortez, may ilan pang mga tagasuporta ang nagsabing kahawig daw ni Mommy Viy si Kidlat.
“Kamukha mo mhieee Wahhh iniintay ka namin Kidlat, sana successful I love you Team Payaman!”
“Little Viy boy version. Cute mo Kidlat.”
“Nakuha ni kidlat yung lips ni Ms. Viy.”
“Feeling ko mas kamukha mo ate Viy. Congratulations advance po.”
Marami rin ang nagpahayag na na-e-excite na silang makita si Kidlat. Ang ilan din sa mga komento ay nagsabing ang cute raw nito at hawig ng kaniyang mommy na si Viy.
Gayunpaman, mayroon pa ring nagsasabi na kamukha rin daw ni kidlat ang kaniyang daddy Cong. Bukod sa ganitong mga comment, mayroon ding nagpaabot ng kanilang panalangin para sa maayos at ligtas na panganganak ni Viy.
Muli, pagbati sa inyo, Viy Cortez at Cong TV!