Narinig mo na ba ang phrase na ‘depressed vagina?’ Malamang ay hindi pa.
Pero kung ikaw ay nakapanood ng palabas na Sex and the City noon ay maaari mong maalala ang isang episode kung saan ang isa sa mga karakter ay nagkaroon ng sakit na vulvodynia o depressed vagina.
Ano nga ba ang depressed vagina at paano nagkakaroon nito ang mga kababaihan?
Vulvodynia: Ano ito at bakit tinawag itong depressed vagina?
Ang vulvodynia ay isang uri ng seryosong kondisyon kung saan ang panlabas na parte ng ari ng babae o external genitalia ay nakakaramdam ng napakatinding kirot, pamamaga at iritasyon.
Ito ay hindi basta-basta nawawala dahil isa itong chronic pain na nararanasan ng milyun-milyong kababaihan sa buong mundo.
Ang mga babaeng may vulvodynia ay nakararanas ng matinding kirot sa tuwing sumisiping, o kahit sa simpleng paglalagay lamang ng tampons o sanitary napkin kapag may buwanang dalaw. May mga pagkakataon din na hindi makaupo nang maayos ang isang babae o mas malala ay nararatay sila sa higaan dahil dito.
Tinawag itong depressed vagina dahil sa tindi ng discomfort na nararamdaman ng mga babaeng mayroon nito.
Una itong napagkakamalang yeast infection o UTI ngunit sa masusing pagsusuri lamang nalalaman kung ang isang babae ay may depressed vagina.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring pinag-aaralan ng mga researchers at mga doktor ang tunay na dahilan ng pagkakaroon nito.
Uri ng Vulvodynia
Naaapektuhan ng kondisyong vulvodynia ang halos buong parte ng external genitalia ng isang babae: vulva, labia, clitoris at ang mismong vaginal opening ng ari.
May dalawang uri ng vulvodynia—generalized at localized. Ang generalized vulvodynia ay ang pagkakaroon ng kirot sa iba’t-ibang parte ng vulva ng babae. Maaari itong maramdaman ng paulit-ulit o minsanan lang.
Ang localized vulvodynia naman ay ang pagkakaroon ng kirot sa ispesipikong parte lamang ng vulva. Madalas itong maramdaman kapag nakikipagsiping o matagal na pagkakaupo.
Sanhi ng pagkakaroon ng depressed vagina
Hindi pa nadidiskubre ng mga doktor ang tunay na sanhi ng halos lahat ng form ng vulvodynia at wala pang ebidensiya na makapagtuturo na may kinalaman ang Sexually Transmitted Disease (STD) dito. Subalit may ilang bagay na maaaring maging sanhi nito.
- Nerve injury sa ari ng babae
- Abnormal na tugon ng vulvar cells sa isang impeksyon o trauma
- Genetic factors
- Hypersensitivity sa yeast infection
- Muscle spasm
- Allergies o iritasyon dulot ng mga kemikal
- Pagbabago sa hormones
- Seksuwal na pang-aabuso
- Pag-inom ng mga antibiotics
Sintomas ng depressed vagina
- Matinding kirot na tila “binabalatan ka ng buhay”
- Hapding hindi nawawala
- Pananakit ng buo o ispesipikong parte ng vulva area
- Pangangati
- Pamamaga o pamumula
Mga paraan ng paggamot sa vulvodynia
- Gumamit ng mga dermatologically-approved na sabong panlaba at huwag gamitan ng fabric softener ang mga underwear.
- Gumamit ng mga unscented na tissue at iwasan ang paggamit ng wet wipes.
- Pumili ng mga underwear, tampons, at sanitary pads na 100% cotton.
- Huwag gumamit ng mga scented na sabon, feminine wash, contraceptive creams at spermicide.
- Iwasan ang pagligo sa mga pampublikong swimming pools o hot tubs na may chlorine.
- Magsuot ng kumportable at maluluwag na pang-ibaba at iwasan ang pagsusuot ng thong at iba pang lingerie.
- Ugaliing magbanlaw ng malamig na tubig pagkatapos umihi o sumiping.
- Iwasan ang mga pagkaing maaaring makapagpatapang sa ihi gaya ng kape, softdrinks, tsokolate, nuts at berries.
- Iwasan ang mga aktibidad na maaaring makapagpalala sa depressed vagina gaya ng pagbibisikleta, pagmomotor, pagsakay sa mga rides na nangangailangan ng pagsusuot ng harness at horseback riding.
- Kung makikipagsiping, gumamit ng mga water-soluble lubricants upang maibsan ang pananakit.
Huwag mag-atubiling komunsulta agad sa iyong OB Gyne kung nakararanas ng alinmang sintomas ng depressed vagina.
Source: The Mirror, WebMD, The Independent, National Vulvodynia Association
Images: Shutterstock
BASAHIN: Vulvar cancer: A type of cancer you might not have heard of, but need to know about
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!