Kailan ba naririnig ang heartbeat ng baby? Matapos ang pregnancy test, at sunod naman na ginagawa natin ay alamin na kung may heartbeat si baby. Siyempre isa ito sa mga pinaka-exciting part ng pagbubuntis ng isang ina, ang marining ang tibok ng puso ni baby.
Alamin kung kailan naririnig ang heartbeat ng baby, paano kung walang heartbeat ang baby sa tiyan? Bakit namamatay ang baby sa loob ng tiyan? Ano ang ibig sabihin nito?
Kailan naririnig ang heartbeat ng baby
Paano malalaman ang heartbeat ng baby?
Ang fetal heartbeat ay unang maririnig o makikita sa 5 ½ hanggang 6 weeks ito ang mga linggo kung saan naririnig ang heartbeat ng baby sa pamamagitan ng vaginal ultrasound.Ito ay kung saan ang fetal pole ay maaari nang makitaan ng pag-develop ng embryo.
Sa pagitan ng 6 ½ hanggang 7 weeks ng gastation palang maaaaring matasa ang heartbeat ng baby.
Ang heartbeat ng baby ay dapat nasa pagitan lamang ng 90-120 beats per minute (bpm) sa ika-6 hanggang 7 na linggo. Samantala, sa ika-9 na linggo ay aabot na ng 140-170 ang heartbeat ng baby.
Anong mga aparato ang ginagamit para malaman kung paano malalaman o marinig ang heartbeat ng baby?
Sa unang ultrasound, ginagamit ng doktor ang transvaginal ultrasound o 2D o 3D abdominal ultrasound upang marinig ang heartbeat.
Ang transvaginal ultrasound ay ginagamit sa early pregnancy upang makita nang maayos ang embryo. Ang 3D ultrasound naman ay ginagamit ng mga doktor upang makita nang maayos ang width, length, at depth ng fetus at ng iyong mga organs.
Mayroon na ring tinatawag na fetal doppler na maaaring gamitin kahit nasa bahay upang mapakinggan ang heartbeat ni baby. Ito ay gumagamit ng sound waves upang masuri ang heartbeat ng baby. Mainam na gamitin lamang ito kapag ikaw ay nasa second trimester na ng pagbubuntis.
Mahirap maghanap ng fetal heartbeat gamit ang tenga ng tao. Pero ayon sa ilang na mga expecting mothers, naririnig nila ang heartbeat ng kanilang baby sa kanilang tiyan. Maaari lamang ito kung papakinggan ito sa tahimik na lugar, at sa second to third trimester lamang.
Ang mga pagbabago sa heartbeat ng baby throughout pregnancy
Patuloy na nagde-develop ang heartbeat ng iyong baby habang tumatagal. Ang fetal heartbeat ay nagsisimula sa pagitan ng 90-110 bpm sa unang mga linggo ng pagbubuntis. Tumataas ito hanggang sa 9-10 weeks, sa pagitan ng 140-170 bpm.
Matapos nito, ang normal na fetal heartbeat ay kinokonsidera na sa pagitan ng 110-160 bpm sa second at third trimester. Tandaan na maaaring magbago ang heartbeat ng baby sa loob ng iying pagbubuntis at tuwing prenatal appointment.
Mahalaga ang fetal heart rate monitoring lalo na sa mga high-risk pregnancy. High-risk ang pregnancy kung ikaw ay may diabetes o high blood pressure. High risk din kung ang iyong baby ay hindi lumalaki o nagdedevelop nang tama.
Kailan naririnig ang heartbeat ng baby?: Mga posibleng rason kung bakit hindi agad ito nade-detect
Paano malalaman ang heartbeat ng baby? | Image from Freepik
Huwag kaagad mag-panic o mabahala kung sa pre-natal check-up ay walang heartbeat ang baby sa tiyan na makita o marinig. May mga kadahilanan kung bakit nangyayari ito. Hindi agad ibig sabihin na nalaglag na ang bata o may problema sa pagbubuntis.
1. Siguraduhing tama ang pagbilang sa pagbubuntis.
Importante na alam ni mommy kung kailan ang unang araw ng kaniyang huling regla. Sa petsang ito kasi magbabase ang doktor upang ma-calculate kung gaano na kalaki si baby.
Pati kung kailan ang estimated na panganganak ni mommy. Kahit ilang araw lang ang mali, ay malaki ang pwedeng maging pagkakaiba ng resulta ng ultrasound.
2. Maaaring masyado pang maaga para makita o marinig ang heartbeat.
Kung wala pang 7 na linggo ang pagbubuntis, maaaring wala pang makita na fetal heartbeat. Ikalawang ultrasound ang karaniwang rekomendasyon ng mga duktor kung walang ibang sintomas ng pagkalaglag.
Mas accurate daw ang transvaginal ultrasound—kung saan may ipinapasok na ultrasound wand sa puwerta—lalo kung bago pa mag ika-8 na linggo ang pagbubuntis. Pero mas mabuti kung hihintayin ang ika-12 linggo bago magpa-ultrasound.
3. Kapag unang trimester pa lang, hindi 100% na maaasahan ang Doppler para marinig ang heartbeat.
Kapag routine pre-natal check-up ni Mommy, naipaparinig ng OB GYN ang fetal heartbeat sa unang pagkakataon. Karaniwang gamit ang fetal Doppler sa unang trimester ng pagbubuntis.
Ang fetal Doppler ay parang mic na itinatapat sa tiyan para marinig sa speaker ang heartbeat ni baby. Kung wala pang marinig dito, kadalasan ay papayuhan ng doktor ang pasyente na bumalik sa susunod na linggo para makakuha ng mas malinaw na resulta.
4. Minsan ay nakakaapekto ang posisyon ng baby.
Image from Freepik
Kuwento ni Mommy Carrie, normal lang na walang heartbeat na marinig kahit 16 weeks na. “Minsan kasi mahirap marinig dahil na din sa posisyon ng bata, katulad ng nangyari sa akin at sa baby ko. Minsan akala mo ay sa baby, pero mas malakas pala ang tibok ng puso mo (ng mommy).”
Sinabi raw ng doktor niya na walang dapat ikabahala. Bumalik siya sa ika-17 linggo at gumamit ng makabagong ultrasound machine, at doon pa lang nila narinig ang heartbeat ni baby. May printout pa ng unang picture ni baby!
Sabi naman ni Mommy Rachel, wala ring heartbeat na marinig noong nagpa-check up siya gamit ang doppler, kahit 17 linggo na. Pero ayon sa doktor niya, walang dapat ikabahala.
“Mayroon daw akong malalim na pelvis kaya siguro nakapuwesto ng komportable ang baby ko, at ayaw pang magpakita,” kuwento niya. Pinabalik daw siya matapos ang 2 linggo at ayun, nagpakita at nagparinig din ang kaniyang supling.
5. May pagkakataon din na wala naman pala talagang embryo.
Ang empty pregnancy sac ay tinatawag na blighted ovum. Makikita ito sa pamamagitan ng ultrasound.
Bakit namamatay ang baby sa loob ng tiyan?
Image from Freepik
Kapag naririnig ang kuwento ng ilang kakilala, o di kaya ay napapanuod sa news sa TV, parang karaniwang na ang mga kuwentong miscarriage. Pero bakit namamatay ang baby sa loob ng tiyan? Kapag nangyari na sa iyo, dun pa lang mararamdaman ang realidad ng sitwasyon na ito.
Kung may miscarriage bago pa makumpleto ang 12 linggo ng gestation, may mga maaaring rekomendasyon ang doktor. May mga kusa nang nalalaglag, may mga binibigyan ng medikasyon para sa induced labor.
Mayroon ding nangangailangan ng D&C o dilation and curettage (raspa sa Tagalog), kung pagkatapos ng first-trimester ang miscarriage. Dilation ang tawag sa pagbukas ng cervix, at curettage ang pagtanggal ng laman ng uterus (vacuum aspiration).
Huwag mag-atubiling kumuha ng second opinion mula sa ibang doktor o espesyalista. Hindi lang dahil sa mahirap tanggapin ang pagkawala ng iyong inalagaang sanggol sa sinapupunan.
Kundi dahil gusto mong makasiguro na miscarriage na nga ang diagnosis. Isa itong paraan ng pag-aalaga sa sarili. Magtanong at huwag mahiyang suriin at makuha ang lahat ng sagot.
Ano ang miscarriage?
Ang miscarriage ay ang pagkalaglag o pagkamatay ng fetus sa sinapupunan bago ang 20th week ng pagbubuntis. Nasa 10%-20% ang pagbubuntis na nauuwi sa miscarriage.
Pero maaaring mas mataas pa ang bilang dahil may mga miscarriage na nangyayari bago pa man matuklasan na nagdadalang-tao ang isang babae.
Ang miscarriage ay nangyayari dahil ang isang fetus ay hindi nagdedevelop nang maayos.
Kadalasang nangyayari ang miscarriage bago pa man dumating ang 12th week ng pagbubuntis.
Ilan sa mga sintomas nito ay:
- Vaginal spotting o pagdurugo
- Pananakit o cramps sa iyong abdomen o lower back
- Paglabas ng likido o tissue sa iyong vagina
Karamihan sa mga nagbubuntis ay nagkakaroon ng vaginal spotting sa unang trimester pero nagtutuloy sa successful pregnancy.
Risk factors at komplikasyon sa miscarriage
May mga factors na nakakapagpataas ng risk ng miscarriage. Ilan sa mga ito ay:
- Edad. Ang mga kababaihan na nasa edad 35 o higit pa ay mas mataas ang risk ng pagkakaroon ng miscarriage at tumataas din ang risk sa pagdagdag ng edad.
- Dati nang nakaranas ng miscarriage. Ang kababaihan na nakaranas na ng miscarriage ng dalawang beses o higit pa ay mataas ang risk na makaranas ulit.
- Chronic conditions. Tulad na lamang ng hindi nakontrol na diabetes.
- Uterine o cervical problems.
- Paninigarilyo, alcohol, at illicit drugs. Ang mga kababaihan na naninigarilyo habang buntis ay mas mataas ang risk ng miscarriage.
- Timbang.
- Invasive prenatal tests.
Ilan sa mga kababaihan na nagkakaroon ng miscarriage ay nagkakaroong ng impeksyon sa uterus. Tinatawag din itong septic miscarriage. Ilan sa mga sintomas nito ay:
- Lagnat
- Panginginig
- Lower abdominal tenderness
- Hindi kaaya-ayang amoy ng vaginal discharge
Tandaan na hindi ibig sabihin na hindi ninyo agad narinig ang hearbeat ni baby ay nalaglag na siya. Sadyang sa ilang pagkakataon ay maaaring napaaga ang pagpapatingin niyo sa kaniyang heartbeat.
Karagdagang ulat mula kay Shena Macapañas
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!