Walang pasok Coronavirus: Noong February 12, naglabas na ng Official Guidelines ang Department of Education (DepEd) sa tamang pagtataas ng class suspension sa isang paaralan kung may kumpirmadong coronavirus disease (COVID-19) sa isang lugar.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Undersecretary for Administration (OUA) Alain Del B. Pascua, makasisigurado ang mga mag-aaral na mas lalo pang pagtitibayin ng DepEd ang kanilang pamantayan sa nakamamatay na novel coronavirus.
“Mahalaga kayo sa DepEd. Alam namin na your dreams cannot wait. Kung kaya, ang paghubog sa inyong mga kakayanan must continue. May DepEd memorandum No.15 dahil ayaw nating ma-delay ng anumang virus o sakuna ang trabaho nating ito,”
Ito ang mga binitawang salita ni Pascua nang bumisita siya sa Don Alejandro Roces Sr. Science-Technology High School In Quezon City.
Dagdag pa niya,
“Bawat isa sa inyo dito ngayon, asahan ninyo na prayoridad ng DepEd hindi lamang ang inyong kaligtasan, kundi ang inyong patuloy na pag-unlad sa pag-aaral,”
Guidelines sa pag-suspend ng klase dahil sa COVID-19, inilabas ng DepEd
Ang COVID-19 ay orihinal na nanggaling sa China at kasalukuyang may 45,000 katao ang nagamot samantalang nasa 1,100 naman ang namatay.
Walang pasok coronavirus: Kailan dapat mag suspinde ng klase ang isang paaralan?
Kumpirmado na sa ating bansa ang sakit na coronavirus. Kaya kailangan ng agarang pag-iingat ng bawat isa. Sa mga estudyanteng nangangamba sa kanilang kalusugan, narito ang dapat malaman kung kailan dapat suspendihin ng isang paaralan ang klase, ayon sa Department of Education.
- Maaaring magdeklara ang school head ng suspensyon kapag may kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa paaralan.
- Maaaring magdeklara ang mga schools division superintendent (SDS) ng suspensyon sa mga apektadong paaralan o sa buong lungsod/munisipalidad kapag may kumpirmadong kaso sa dalawa o higit pang paaralan.
- Pwedeng magdeklara ng suspensyon ang mga SDS ng suspensyon sa mga apektadong lungsod/munisipalidad o sa buong probinsya kapag may community level transmission sa isa o higit pang lungsod/munisipalidad.
- Maaaring magdeklara ang mga regional director (RD) ng suspensyon sa mga apektadong probinsya o sa buong rehiyon kapag may community level transmission sa dalawa o higit pang probinsya.
Kung sakali namang may kumpirmadong coronavirus sa loob at magkakansela ng pasok ang paaralan, required ang mga regional office at school division na ipag-bigay alam ito sa Disaster Risk Reduction and Management Office.
Samantala, sa pagbisita naman ni Usec. Pascua sa Don Alejandro Roces Sr. Science-Technology High School, pinaalalahanan niya ang mga studyante na ugaliin ang malinis na kapaligiran at katawan. Laging maghugas ng kamay at kung uubo, magtabon ng bibig. Iwasan din ang mga taong may senyales ng coronavirus at may kontak sa mga wild animals. Uminom ng sapat na tubig at lutuin ng mga pagkain.
Kung may nararamdaman namang sintomas ng coronavirus, mabuting agad na magpa konsulta sa doktor at isailalim ang sarili sa self-quarantine.
“Para maging successful tayo rito, kailangan ng DepEd ang inyong kooperasyon. Ginagawa ng DepEd personnel at ng mga teacher ninyo ang kanilang tungkulin para maprotektahan kayo,”
dagdag pa ni Usec. Pascua
Mga uri at sintomas ng coronavirus
Ang coronavirus ay isang malaking pamilya ng mga viruses na common sa mga mammals, mapa-hayop man o tao. Tinatawag ng mga scientist na “zoonotic” ang virus na ito. Dahil sa maari itong ma-transmit o maihawa mula sa hayop papunta sa tao.
Noong una ay may anim lang na uri ang coronavirus. Ang apat sa mga ito ay nagdudulot ng mild to moderate effect sa katawan ng tao. Ito ay ang 229E, NL63, OC43, at HKU1. Ang mga uri ng coronavirus na ito ang nagiging sanhi ng common colds o sipon na sinasabayan ng mga sumusunod pang sintomas ng coronavirus:
- runny nose
- sakit ng ulo
- ubo
- sore throat
- lagnat
- masamang pakiramdam
Kung mapabayaan ang mga sintomas na ito ay maaring lumala at maaring mauwi sa pneumonia at bronchitis.
Source: Department of Education
BASAHIN: Coronavirus: Sanhi, sintomas at paano ito iiwasan