Namatay ang 10-buwang-gulang na baby na si Nevaeh Marie Landell dahil sa water intoxication matapos siyang paulit-ulit na painumin ng kaniyang mga magulang ng breastmilk na may tubig. Ang pagpapalabnaw sa breastmilk gamit ang tubig ay nagresulta sa pagbaba ng lebel ng mga electrolyte at sodium sa katawan ni Nevaeh na siyang nagpamaga sa kanyang utak.
Ayon sa mga piskal, tumanggi diumano sina Herbert George Landell at Lauren Heather Fristed na ipagamot ang anak noong siya ay nagkasakit dahil sa mga relihiyosong paniniwala. Nang sa wakas ay nagpasya silang dalhin ito sa sa ospital, huli na ang lahat.
Kinasuhan si Landell ng felony murder at aggravated battery by depriving. Kinasuhan si Fristed ng aggravated battery by depriving, first degree cruelty to children, at second degree cruelty to children. Ayon sa mga ulat ng balita sa US, sila ay nakakulong nang walang pyansa.
Isang trahedya ang makarinig ng mga ganitong kuwento, lalo na kapag malinaw namang buhay pa sana si Nevaeh kung naging mas maalam lang ang kaniyang mga magulang tungkol sa pag-aalaga at pagpapakain ng sanggol.
Ano ang mga patakaran pagdating sa pagbibigay ng tubig sa pinapasusong sanggol na wala pang anim na buwan? Kailangan ba ng sanggol na ganito kabata ang breastmilk na may tubig? Nagbibigay ba ng sapat na hydration ang breastmilk?
Kailangan ba ng tubig ng mga pinapasusong sanggol?
Ang mga eksperto ng lactation na galing sa mga organisasyon tulad ng World Health Organization (WHO) at La Leche League International (LLLI) ay sumasang-ayon na ang mga sanggol na eksklusibong pinapasuso ay hindi nangangailangan ng dagdag na tubig. Ito ay dahil sa ang breastmilk ay binubuo ng 88% na tubig—lalo na ang “foremilk” na kasama kada pasuso—kaya pinupunan nito ang lahat ng pangangailangan sa hydration ni baby.
Bakit hindi dapat bigyan ang pinapasusong sanggol na wala pang anim na buwan ng tubig
Payo ng mga eksperto sa World Health Organization, Academy of Breastfeeding Medicine, American Academy of Pediatrics, at KellyMom.com ang mga sumusunod na katotohanan tungkol sa mga panganib na dulot ng pagbibigay ng tubig sa isang sanggol na wala pang anim na buwan na eksklusibong pinapasuso:
- Ang pagbibigay ng tubig ay maaaring makaantala sa normal na kadalasan ng pagpapasuso at magdulot ng nipple confusion kapag ang tubig ay pinainom gamit ang tsupon.
- Ang pagbibigay ng supplement gaya ng tubig o tubig na may asukal sa isang bagong-silang ay maglalagay sa kanya sa panganib ng pagtaas ng bilirubin (na maaaring maging sanhi ng jaundice) at mas matagal na paglagi sa ospital.
- Maaari itong magdulot ng water intoxication, na ang mga sintomas ay pagkahilo, pagkatuliro, pagkaantok, pagkibot, at pag-atake ng seizure. Ayon sa mga medikal na propesyonal, ang labis na tubig lalo na sa mga batang wala pang isang taong gulang ay maaaring makapagpababa sa normal na lebel ng sodium ni baby at magdulot ng mga seizure, coma, pinsala sa utak, at pagkamatay.
- Walang calories ang tubig, kaya ang pagsuplemento nito sa iyong sanggol ay makabubusog sa kanya nang walang karagdagang calories. Maaari itong magdulot ng alanganing pagdagdag ng timbang o pati na rin pangangayayat.
Dapat bang bigyan ang pinapasusong sanggol ng tubig tuwing mainit ang panahon?
Kahit sobrang init sa labas, ang mga sanggol na eksklusibong pinapasuso ay hindi pa rin kailangan ng karagdagang tubig. Pero kailangan mong dalasan ang pagpapasuso para masiguradong laging hydrated si baby.
Kailan okay bigyan ng tubig si baby?
Kapag ang iyong anim-na-buwang-gulang sanggol ay natututong gumamit ng baso, payo ng mga eksperto na bigyan siya ng ilang sipsip ng tubig ilang beses kada araw, nang hindi hihigit sa dalawang ounces sa loob ng 24 na oras. Kapag si baby ay nagsimula nang kumain ng solid na pagkain, payo ng mga propesyonal na bigyan siya ng kaunting mga sipsip ng nailabas na gatas o tubig kasabay ng kanyang solids para malabanan ang pagtitibe.
Pagdating sa mga mas nakatatandang sanggol at toddler, maaaring ipagpatuloy ang pagpapasuso at pagpapainom ng tubig nang katamtaman. Kung ipagpapatuloy mo ang pagpapasuso matapos ang isang taon, tandaan na magbibigay pa rin ito ng hydration sa iyong anak kaya maaari pa rin siyang sumuso nang walang limit.
Basahin ang gabay na ito tungkol sa pagbibigay ng tubig sa baby. Kumonsulta sa duktor kapag may kakaibang epekto sa bata ang pagbibigay ng tubig dito.
References:
Almroth S, Bidinger PD. No need for water supplementation for exclusively breast-fed infants under hot and arid conditions. Trans R Soc Trop Med Hyg. 1990;84:602-604.
Ashraf RN, Jalil F, Aperia A, Lindblad BS. Additional water is not needed for healthy breast-fed babies in a hot climate. Acta Paediatr. 1993 Dec; 82(12): 1007-11.
Sachdev HP, Krishna J, Puri RK, Satyanarayana L, Kumar S. Water supplementation in exclusively breastfed infants during summer in the tropics. Lancet. 1991 Apr 20; 337(8747): 929-33.
Ang artikulong ito ay unang inilathala sa the AsianParent at isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez.