Madalas na sinasabing ang iyong araw ng kasal ay isa sa mga pinakamasayang alaala sa iyong buhay. Ngunit paano kung ang araw na pinakainaabangan, ay biglang araw na gusto mo nang kalimutan?
Ayan ang nangyari matapos di umano, lokohin ng wedding coordinator ang kaniyang kliyente na bagong kasal. Paano ito nangyari, at paano makakaiwas sa ganitong panloloko?
Bagong kasal, naloko di umano ng wedding coordinator
Ibinahagi ng Facebook user na si Yhang Yhang ang kalunos-lunos na pangyayari. Ayon kay Yhang, siya daw ay nagsilbing translator sa kasal, dahil Taiwanese ang pamilya ng lalake.
Pagdating pa lang daw nila ay naghinala na sila sa coordinator. Ito ay dahil kulang kulang raw ang dekorasyon sa simbahan kung saan ikinasal ang mag-asawa.
Dagdag pa ni Yhang, matapos daw ang kasal ay dumeretso ang mag-asawa sa presinto upang ireklamo ang coordinator. Nakapagbayad na rin ng 140 thousand pesos ang bride sa coordinator, ngunit kulang kulang ang dekorasyon sa reception at simbahan, at wala rin daw nakahain na pagkain para sa mga bisita.
Manok ng Andok’s raw ang inihandang pagkain sa bisita
Pagdating daw sa reception ay 2 manok ng Andok’s lang daw ang nahanda para sa mahigit 200 na bisita. Dagdag pa niya, bumili pa raw sila ng pagkain galing sa karinderia dahil wala silang maihain. Kahit raw tubig ay walang naihanda.
Siya pa daw mismo ang naging waitress sa mga bisita at naghain ng pagkain sa kanila. Bukod dito, ang cake daw na dapat 2 layers ay isang layer lang, at ang pangalawang layer ay gawa lang sa styrofoam.
Source: Facebook
Nanakawan daw ang coordinator
Ayon sa wedding coordinator, nangyari daw yun dahil ninakawan siya ng 50 thousand ng kaniyang business partner. Bukod dito, hindi pa raw nabayaran ang reception sa hotel, na inakala ng mag-asawa ay matagal nang inasikaso ng coordinator.
Base sa video na kasama sa post, sinabi ng bride na nag back out ang make up artist, lights and sounds, pati na ang host. Ngunit hindi daw niya inaway o pinagalitan ang coordinator. Dagdag pa niya, tinulungan pa raw niya itong humanap ng kapalit.
Nang makahanap na ng kapalit ang coordinator, sinabi nito na kailangan pa raw niya ng additional payment para sa mga kapalit.
Hiyang-hiya daw ang pamilya ng babae sa nangyaring insidente, lalo na at lumipad pa raw galing Taiwan ang pamilya ng kaniyang mapapangasawa. Sa halip na tuwa ay galit ang naramdaman ng bagong kasal, at kuha rin sa video na iyak ng iyak ang bride dahil sa sama ng loob sa nangyari.
Heto ang ilang video ng insidente:
Dito naman makikitang nakaposas ang wedding coordinator, at base sa post, mukhang nakulong siya dahil sa nangyari.
Sinubukan naming hingin ang panig ng wedding coordinator, ngunit wala pa kaming nakukuhang sagot. Bukas ang theAsianparent upang marinig ang panig ng wedding coordinator.
Paano makakaiwas sa ganitong insidente?
Heto ang ilang tips para masiguradong legit ang iyong wedding coordinator:
- Humingi ng rekomendasyon mula sa kakilalang nagamit na ang serbisyo ng coordinator.
- Kung maaari, magsagawa ng background check at alamin kung rehistrado ba ang negosyo, at magtingin sa social media kung maganda ang kaniyang reputasyon.
- Siguraduhing humingi ng resibo sa lahat ng babayaran, at huwag basta-bastang magbigay ng pera.
- Mabuting umiwas sa mga sobrang murang offer ng ibang coordinator, dahil kadalasan ay scam ang mga ganitong promo.
- Kilalanin ang mga magiging supplier sa iyong kasal. Huwag hayaang ang coordinator lang ang kumausap sa kanila.
- Mabuti nang gumastos ng malaki-laki sa iyong kasal, basta siguradong hindi ka lolokohin, at makukuha mo ang value para sa ibinayad mo.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!