Madalas nating maririnig ang katagang “Noong panahon namin…” mula sa mga nakatatanda, sa pagbabalik-tanaw ng panahon bago pa tuluyang nanalo ang hi-tech o teknolohiya.
Kasunod na dito ang puna na ang mga bata ngayon ay “spoiled” at “privileged, dahil daw lahat ay madali na para sa kanila. At kapag hindi nasusunod ang gusto, o nahihirapan ng kaunti, umaangal na ng parang kinawawa sila.
Nasa magulang din ang bahagi ng sisi. Marami kasing mga bata ngayon ang nakukuha ang lahat ng gusto nila. “Overindulgence” ay tawag ng mga experts sa ganito.
Karamihan sa mga magulang, ibinibigay ang gusto o hilig ng mga anak na walang hinihintay na kapalit, o hindi bilang incentive o rewards sa nagawang mabuti o mahusay ng mga anak.
Kapag nagkalat, magulang ang nagliligpit. Kapag ayaw kumilos o tumulong sa nahay, magbubuwisit, kaya’t hahayaan na lang ng magulang. Mas madali kasi—para wala nang away.
Pero ano nga ba ang sinasabi nito sa mga bata?
Overindulgence: Kapag nakukuha ang gusto, too much, too soon
Ayon kay David J. Bredehoft, Ph.D., CFLE propesor ng Psychology at Family Studies, at may akda ng librong How Much is Enough?, “Overindulgence is doing or having so much of something that it does active harm, or at least prevents a person from developing and deprives that person of achieving his or her full potential”.
Sinabi ni Bredehoft na ang overindulgence ay isang uri ng child neglect, kung titingnan, dahil nakakahadlang ito sa pagtuturo sa bata ng mga mahalagang aral sa buhay, tulad ng value ng pagtatrabaho o hard work.
Ayon sa mga eksperto, kapag nakukuha ng mga bata ang gusto nila, hindi nila natututunan na kailangang pagtrabahuhan ang isang bagay, bago ito makuha. Kapag nakukuha na nila ang mga ang mga gusto nila nang walang kahirap-hirap, ang mga bata ay nagiging mahina, spoiled, at overly dependent sa mga nakatatanda o magulang nila.
Dahil hindi nila kailangang paghirapan ang kahit anong bagay, lalaki silang umaasa na lahat ng bagay ay ihahain lang sa kanila, at lahat ng bagay ay gagawin sa kanila ng mga tao sa paligid nila. Kaya naman pagdating sa ekwelahan o trabaho, nahihirapan na silang tanggapin kapag hindi nila nakukuha ang gusto nila. Kundi aangal nang walang katapusan, susuko na lang kapag nahirapan.
Paano maituturo ang kahalagahan ng pagtatrabaho?
Bilang isang magulang, nais nating iwan sa ating mga anak ang mahahalagang aral sa buhay na magtuturo sa kanila na maging mabuti, marangal, masipag at may respeto sa kapwa. Lahat ng ito ay magsisimula sa pagbibigay halaga sa pagtatrabaho at maituro sa kanila ang halaga ng pinaghirapan ang isang bagay. Pero paano natin sisimulang ang pagtuturo nito sa kanila? Narito ang ilang importanteng bagay na maaaring sabihin sa mga kabataan ngayon.
1. Walang libre sa mundong ito, kaya’t dapat nang magsimula na pagtrabahuhan ang gusto mo.
Bigyan sila ng trabaho sa bahay, sa kuwarto nila, kahit bata pa. Sina Gigi at Alfred Carling ay sinanay ang mga anak nilang si Makaio, 12 and Kekoa, 7, na magtrabaho sa bahay. PInapaliwanag nila na si Mommy at Daddy ay nagtatrabaho para kumita ng pera, para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Binibigyan namin sila ng mga chores sa bahay,” kuwento ni Gigi. Sa kanilang edad, pwede na silang maghugas ng pinggan, magligpit sa kani-kanilang kuwarto, magligpit ng pinagkainan at tumulong sa pag-aayos ng mga labada. Alam ng mga bata na “sweldo” nila kapag Biyernes. Nakakakuha sila ng pera para sa bawat gawain na natapos nila sa bahay. Kapag weekend, dadalhin sila ng mga magulang sa mall para mag-shopping, o ibinibigay sa kanila ang cash, para sila ang magdesisyon kung ano ang gagawin dito.
Unti-unti, sa ganitong paraan, masisimulan nilang maintindihan ang halaga ng pagtatrabaho para sa gusto nila. Nakikita din nila na mahalaga ang maglinis at panatilihing maayos ang bahay na tinitirhan nila, at walang ibang gagawa nito kundi sila—nang tulong-tulong.
Ang panganay kong anak na si Amos, 24 taong gulang, ay hindi nasanay na humingi ng pera para bumili ng gusto niyang laruan o gamit sa eskwela. Marami na siyang nakilalang iba’t ibang tao na nagpapa-drawing o nagpapagawa ng artwork sa kaniya, kaya’t natuto siyang kumita ng pera sa kaniyang sariling pagsisikap.
Pinaghihirapan niya ang bawat gawang artwork kaya’t hindi niya basta basta ginagasta sa kung anu-anong bagay lang ang perang kinita. Nang kinailangan niya ng bagong computer para sa mga trabahong ginagawa niya, tumanggap siya ng freelance job sa isang publishing company para makabili nito.
2. Walang “pure luck” o suwerte lamang. Lahat ay kailangang pagtrabahuhan. At kapag pinaghirapan mo, ma-eenjoy mo ang perks nito pagdating ng tamang panahon.
Pero kailangan pa ring maintindihan na patuloy ang pagpapabuti ng angking talino at pag-aaral ng bagong skills, o karagdagang kaalaman, para maging mas magaling pa kaysa dati.
Lumaki si Amos na naririnig sa marami na siya ay “gifted” o napakagaling sa art, at suwerte daw siya. Ang itinuro namin sa kaniya na kahit gaano pa kagaling ang isang tao, kung hindi niya ipagpapatuloy ang paghinang ng kaalaman at patuloy na pag-aaral, wala ring mararating na malayo ang angking talino. Kahit magaling ka na, kailangan pa ring magsanay, mag-aral ng bagong technique at alamin kung ano pa ang pwedeng gawin para magamit ang talino at galing, para na rin makatulong sa iba.
3. Mas maraming magagawa kung marunong magtrabaho kasama ang iba.
You do not work for yourself or by yourself only, ito ang natutunan ko sa paaralan. Mahalaga pa rin ang kooperasyon at team work para matapos ang isang gawain, lalo na’t isang malaking adhikain o proyekto.
4. Hindi ka nagtatrabaho para lang sa pera.
Mahalaga ang mabigyan ng reward ang mga bata kapag may ginawang mabuti o “exceptional”. Tandaan lang na hindi lang pera at mamahaling bagay ang pwedeng maging incentive o reward para sa nagawang mabuti. Respeto ng kapwa at sa kapwa, at pride para sa sarili o sa nagawa ang ilang mahalagang benepisyo ng hard work. Ituro sa mga anak na ang suporta ng isang magulang ay hindi lang pinansiyal, kundi pati emosyonal at pati na rin ispiritwal. Imbis na abutan sila palagi ng P500, dahil puro matataas ang grade sa Report Card, ilabas sila at ipasyal sa park, mag-bike nang magkasama, pag-picnic nang magkakasama ang buong pamilya.
5. Kahit ano pa ang gagawin, gawin ang lahat ng makakaya—give your best.
Kung gagawin mo ang isang bagay, siguraduhing ibibigay mo ang lahat ng makakaya mo, at hindi mediocre lamang. Naalala ko ang dating sinasabi ng Lola ko: Hindi pwedeng ‘pwede na’, dapat ay ‘pwedeng pwede’. Laging ipaalala na ibigay ang 100% sa lahat ng gagawin. Kung meron kang gustong gawin, makakakita ka ng paraan; pero kung ayaw mong gawin, lagi ka talagang may dahilan.
Ang tagumpay o “success” ay nakukuha ng mga taong naghihirap na mag-invest ng oras, effort at talino. Ipaalala na dahil mahal natin sila, gusto nating silang maging mabuting tao, at pinakamabuting bersiyon ng kanilang sarili.
6. Tapusin ang sinimulan.
Darating ang punto na mawawalan sila ng interes, o di kaya’y mauubusan sila ng pasensiya dahil humihirap na ang ginagawa. Ayaw na nilang ituloy o tapusin dahil wala nang gana o pagod na. “Pagod na ko, ikaw na tumapos nito,” ay hindi dapat masabi.
Huwag hayaang mabinbin o hindi tapusin ang isang gawain na sinimulan na. Turuan silang magplano ng maayos, at gamitin ang oras ng productive. Lalong huwag gawin ang trabaho ng anak para lang matapos na. Ang sinumulan ay dapat tapusin—at hindi ipinapasa sa ibang tao, kahit pa handang gawin ito ni Mommy at Daddy. Pwede naman silang tulungan, pero huwag akuin nang buo. Sa totoong buhay, walang gagawa ng trabaho nila para sa kanila, at walang tatapos nito kundi sila rin.
7. Mag-set ng goal—isang reasonable at achievable na goal.
Turuan sila na hindi naman masamang gustuhin ang isang mamahaling bagay tulad ng damit, sapatos o gadgets, basta’t naiintindihan nilang kailangang pagtrabahuhan ito at hindi basta nakukuha, lalong hindi kayo ang bibili para sa kaniya. Ipakita sa kanila kung paano kikita nang ganitong halaga para makabili ng isang iPad, halimbawa, at pag-usapan kung anong klaseng gawain o trabaho ang pwedeng gawin para kitain ang pera. Turuan silang mag-ipon ng pera na nakuha kung birthday nila bilang regalo, o kaya ay kung pasko.
Kinailangan ng pangalawang anak kong si Alden ng laptop noong nagsimula siya sa college. At dahil alam niyang mahal ang tuition fee niya sa unibersidad, hindi siya humingi ng bago at sarili niyang laptop. Nanghihiram siya sa kapatid at sa Tatay niya noon.
Pero nung nalaman niyang kapag mataas ang grades niya, ay pwede siyang maging scholar, at hindi magbabayad ng tuition fee. Sinikap niyang mag-aral at gawin ang lahat para makuha ang grades na kailangan. Sa ikalawang semester pa lang ng unang taon niya sa kolehiyo, nagawaran na siya ng full scholarship dahil sa mataas na grado, kaya’t libre na ang susunod na semester niya. Kinausap niya ako at tinanong kung maaaring ang perang nakalaan para sa tuition fee niya, ay gamitin namin para makabili na siya ng sariling laptop, dahil kailangan na niya ito para sa trabaho sa eskwelahan.
Ang role nating mga magulang
Ang “success rate” at tagumpay ng itinuturo natin sa ating mga anak ay nakasalalay sa kung paano natin ginagawa ang itinuturo natin. “Walk the talk,” ika nga. Tayo ang role models nila sa lahat ng oras. Napakaraming impluwensiya sa labas na nakikilala nila at nakakasalamuha, at marami dito ay hindi palaging positibo. Tayo ang pangunahing impluwensiya sa ating mga anak. To teach them about hard work, for example, we need to work hard ourselves.
Palagi kong sinasabi sa mga bata na hindi kami mayaman, at lahat ng tinatamasa nilang kaluwagan tulad ng gamit, pagkain, gadgets, at pati ang pag-aaral sa magandang paaralan ay galing sa hirap at pawis ng kanilang magulang. Alam ng mga anak ko na bukod pa sa pagiging guro, tumatanggap ako ng iba pang trabaho para kumita ng extra pa. Nahihinang ko ang sariling galing at talino, at kumikita rin ng higit para may maitustos sa tatlong anak at sarili. Kapag nakikita ng mga bata na nagtatrabaho ang kanilang magulang ng mabuti at higit sa ordinaryo, nakikita nila ang value o halaga nito.
Huwag ding kalimutan na purihin at paringgan ng mabuting salita o praise ang bawat mabuti at mahusay na nagagawa ng anak. Pasalamatan din sila para sa mga bagay na ginagawa, lalo kapag tumutulong sa magulang o pamilya. Dito maipapakita na pinapahalagahan ninyo hindi lang ang kahalagahan ng pagtatrabaho, kundi pati ang pagpapasalamat.
Ang mga bata ay palaging nakikita ang ginagawa at naririnig ang sinasabi ng mga magulang nila. Sa madaling salita, ang mga magulang ay dapat lang na patuloy na gawin ang tama at gawin ang lahat para maging mabuting tao at mamamayan—dahil tayo ang unang guro ng ating mga anak.
BASAHIN: Potty Training: Kailan ba dapat simulan?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!