Working mom guilt, mayroon ba sa inyong nakakaramdam rin nito?
Buhay working mom
Dear anak,
Maaga na naman akong nagising kasi kailangan kong pumasok sa trabaho. Habang ikaw anak ay mahimbing pang natutulog. Kagabi gusto ko mang sabayan yung energy mo, hindi ko na kaya kasi pagod na ko sa mag-hapong trabaho. Trabahong ginagawa ko para sayo, para sa kinabukasan mo.
Habang nag-aayos ako papasok, magigising ka. Pupunta ka akin, magpapakarga. Pero male-late na si Mama anak. Kaya ibababa na muna kita, bibigyan ng cellphone, paglalaruin, aaliwin. Habang ako naman ay magmamadali ng umalis. Hahalikan ka at tatanungin kung anong gusto mong pasalubong sa pag-uwi. Lagi mong isisigaw ice cream! Ice cream! Nagtatalon ka pa sa excitement at masayang magsasabing Ba-bye Ma! Iyon lamang ang paraan na alam ko para hindi ka maghabol sa akin.
Napakaraming trabaho ni Mama anak sa buong araw. Minsan nga sa tuwing tatawag ako sa bahay para i-check kung kumusta ka maririnig ko na inaagaw mo yung cellphone para makausap ako. Ramdam ko yung tuwa mo anak habang naririnig yung boses ko sa telepono. Alam ko sa sobrang tuwa mo napapatalon ka naman habang kausap ako. Pero hindi pwede mag-telebabad si Mama anak, marami akong trabaho. May mga deadlines akong hinahabol. Kaya magpapaalam si Mama sasabihin ko, “Sige na ba-bye na may ginagawa pa si Mama.” Binaba ko na yung telepono, pero habang nagpapatuloy ako sa ginagawa ko naririnig ko yung boses mo sa kabilang linya. Tinatawag mo parin ako, nagsasalita ka parin at natutuwa dahil narinig mo ang boses ko. Pero anak kailangan kong patayin na ang telepono at tapusin muna ang ginagawa ko.
Akala ko ito ang kailangan mo..
Excited ako anak kapag malapit ng mag-alas singko kasi makakauwi na ko. Makikita na kita. Pero maliban doon nagmamadali akong umuwi kasi gagawin ko pa yung raket ko. Raket na ginagawa ko para sayo, para sa kinabukasan mo.
Bago ako umuwi, maghahanap muna ko ng ipapasalubong sayo. Kasi alam ko anak magiging masaya ka kapag pinagbigyan ko ang request mo.
Malayo pa ako sa pinto ng bahay pero tinatanaw mo na ako. Tinatawag mo na ako. Alam mo ba anak ang sarap sa pakiramdam sa tuwing makikita ko yung mukha mong nagliliwanag kapag nakikita ako. Pakiramdam ko ako yung pinaka-magandang babae sa buong mundo. Dahil sa tamis ng ngiti mo at excitement na makita ako. Pero syempre mas mai-excite ka kapag sinabi kong may dala akong pasalubong sayo. Lalo na kung ito ay iyong paborito mo.
Habang busy ka sa pagkain ng pasalubong ko sayo, ito ako gagawa na muna ng mga gawaing bahay. Maghahanda para sa hapunan natin.
Hahayaan na muna kitang maging busy sa pagkain habang nanonood ng TV. Sa ganiyang paraan nakakakilos ako sa loob ng bahay na minamadali kong gawin dahil may itutuloy pa kong trabaho.
Pero saglit na muna akong uupo para magpahinga. Doon ay pupunta ka sa akin, magpapakarga. Ang sarap ng yakap mo anak at parang ayaw mong umalis sa kandungan ni Mama. Kaso tutunog yung telepono ko kailangan kong sagutin. Habang may kausap ako, aagawin mo yung telepono. Magagalit ako. Kasi anak importante yung tawag, trabaho ito. Para sayo, para sa kinabukasan mo.
Ibaba na kita, pakakainin na. Para pagtapos mong kumain, lilinisan kita at bibihisan. Excited ka noong sinuotan na kita ng damit pangtulog kasi akala mo matutulog na tayo, makakatabi mo na si Mama.
Hindi ko alam na ang gusto mo lang pala ay makatabi ako..
Kaso kukunin ko yung laptop ko at bubuksan. May kailangan kasi akong tapusin na trabaho anak. Trabaho na para sayo, para sa kinabukasan mo.
Habang nakaharap ako sa laptop, magpapakarga ka naman sa akin. Kung hindi ka makikipindot, isasara mo yung laptop ko. Makukulitan ako sayo, magagalit. Dahil may hinahabol akong deadline na kailangan kong gawin para sa trabaho. Trabaho na ginagawa ko para sayo, para sa kinabukasan mo.
Habang may ginagawa ako, nakikita kita sa tabi na kahit inaantok ka na e ayaw mo pang matulog. Pagsasabihan kita pero titingin ka lang sakin. Hahatakin mo ang mga kamay ko kaya tatabihan na muna kita. Maya-maya tulog ka na. Ako lang pala hinihintay mo. Gusto mo lang palang makatabi at mayakap ako sa pagtulog mo.
Sa araw-araw anak ganito lang ang ginagawa ko. Maliban nalang sa weekends na kung saan hindi ako umaalis ng bahay para pumasok sa trabaho. Pero sa dami ng niraraket ko na trabaho para maibigay ang pangangailangan mo, busy parin ako. Akala ko kasi anak, ito talaga yung kailangan mo.
Hanggang sa may mangyari sayo..
Working mom guilt na nga ba itong nadarama ko?
Anak kakatalikod ko lang para tingnan kung sinong nag-text sa cellphone ko. Pero may biglang kumalabog, nalaglag ka na sa kinauupuan mo.
Ang lakas ng kalabog, napasigaw ako at lalong nataranta sa pag-iyak mo. Kinarga agad kita, napayakap ka sakin. Wala namang dugo, pero ang laki ng bukol mo, mas lalo akong nataranta.
Mababaw kung iisipin ng iba. Pero bilang isang ina sobra kong nag-alala. Paano kung nabasag yung bungo mo? Paano kung may pag-durugo na sa utak mo? At paano kung dahil sa saglit na kapabayaan ko bigla kang mawala sa akin?
Anak, habang nilalagyan ko ng yelo ang ulo mo, nakikipag-usap ako sa Diyos. Sana huwag ka niyang pabayaan at mapatawad mo ako dahil sa kapabayaan ko nasaktan ka. Ganito rin ang pakiramdam ko, sa tuwing nagkakasakit ka. Sinisisi ko yung sarili ko dahil dapat ako ang nag-aalalaga sayo. Pero kailangan kong magtrabaho, para sayo, para sa kinabukasan mo.
Pero habang nakikipag-usap ako sa Diyos na panatilihin kang ligtas at hindi maging seryoso ang lagay mo may mga bagay akong napagtanto.
Marami akong na-realize anak..
Paano kung maging seryoso yung nangyari sayo? Paano kung mawala ka sa akin? Anak, balewala yung pagtratrabaho ko at iniipon ko sa kinabukasan mo.
Na-realize ko rin anak ito yung pinakamatagal na pagkakayakap mo sakin. At kahit may masakit sayo, tumatahan ka at nakikinig kay Mama. Nakayakap ka lang at kalmado na. Ramdam ko anak na ayaw mong bumitaw. Na kahit may sakit kang iniinda ay masaya ka na nakayakap ka kay Mama. Anak ako rin! Araw-araw kitang kasama pero parang ngayon ko lang nagawa ito. Ngayon lang kita nayakap ng matagal at ganito kahigpit. Napakasarap sa pakiramdam. Naisip ko bakit pinapaglagpas ko ito sa araw-araw na kasama kita? Tiningnan ko yung mukha mo at pinahilig ka pahiga sa braso ko. Ang tamis ng ngiti mo anak habang nakatingin sa mukha ko. Parang ang saya-saya mo pa sa kabila ng nangyari sayo. Lalo pa noong sinabi mong Thank you Ma, I love you Ma.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig at nagising ako sa katotohanan. Ngayon lang kita nahawakan ng ganito katagal at naalagaan. Ngayon lang ako nagkaoras sayo na walang cellphone na hawak sa isa kong kamay. Tanging ngayon lang nangyari na ikaw lang ang inaasikaso ko at nakatutok lang ako sayo. Gusto mo pala ito anak? Ito pala talaga ang kailangan mo, ang tunay na magpapasaya sayo.
Pangako sayo anak, babawi ako..
Kaya pala inaagaw mo yung cellphone sa tuwing ginagamit ko, kasi gusto mo ikaw lang asikasuhin ko. Ganoon rin sa tuwing nagbubukas ako ng laptop. Kaya pala pilit mong sinasara dahil gusto mong hindi muna ako mag-trabaho. Dahil gusto mong makipaglaro lang ako sayo.
Hindi rin pala sapat yung mga pasalubong na dinadala ko sayo. Dahil kahit wala naman akong dala excited ka parin na makita ako. Kasi anak ako pala talaga yung gusto mo. Yung oras ko pala talaga ang magpapasaya sayo.
Anak, dahil dito gusto kong humingi ng tawad sa lahat ng oras at araw na lumipas na puro trabaho lang ang nasa isip ko. May mas mahalaga pa pala sa kinabukasan. Ito ay yung ngayon. Yung ngayon na hindi na maibabalik kapag lumipas na. Yung ngayon na habang bata ka pa, na nayayakap ko pa at nakakarga. Ngayon na puwede pa tayong maglaro. Yung ngayon na hindi matutumbasan ng kahit gaano kalaking halaga. Ngayon na may anak akong tulad mo na dahilan kung bakit nabubuhay si Mama.
Sorry anak. Hayaan mo mula ngayon magbabago lahat ito. Mahal na mahal kita anak. At hindi lang ang kinabukasan mo ang sisiguraduhin kong magiging malinawag. Pati ang kabataan mo ay pupunuin natin ng maraming masayang ala-ala na magkasama at buo bilang isang pamilya.
BASAHIN: Open letter para sa anak ko, sa oras na hindi mo na ako kailangan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!