Working mom guilt at iba pang nararanasang challenges ng isang nagtatrabahong ina ang tampok sa artikulong ito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Common issues na hinaharap ng mga working moms.
- Paano haharapin ang mga issues at challenges na ito ng isang working mom.
Working mom guilt: common issues na hinaharap ng mga working moms
Dito sa Pilipinas, ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng National Economic and Development Authority noong 2020, nasa 46% ng labor force ng bansa ay binubuo ng kababaihan.
Karamihan sa mga kababaihang ito ay may anak na o mga nagtatrabahong ina. Patunay ito na marami na sa kababaihan ang nagtratrabaho, hindi lang para tuparin ang pangarap nila. Kung hindi pati na rin upang itaguyod ang kanilang pamilya.
Pero hindi tulad ng mga ama, ang mga nagtatrabahong ina o working moms ay maraming challenges o issues na kinakaharap mapagsabay lang ang pagtatrabaho at pag-aalaga sa kanilang pamilya.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Better Health Channel website, ang challenges o working mom guilt na nararanasan ng mga nagtatrabahong ina ay ang sumusunod.
Kung working mom ka, malamang ay agad kang makaka-relate sa mga ito. Kung ikaw ay isang ina at nagbabalak magtrabaho, ito ang ilan sa mga bagay na dapat ay paghandaan mo.
1. Mapagkakatiwalaang mag-aalaga sa iyong anak.
Ang una sa madalas na problemang kinahaharap ng mga working moms ay ang kung sino ang mapagkakatiwalaang mag-aalaga sa anak niya kapag siya ay wala.
Isa ito sa pinaka-challenging part ng pagiging working mom. Ang pagsisiguro na naibibigay ang pangangalaga na kailangan ng anak mo habang ikaw ay nagtatrabaho.
Dito sa Pilipinas, marami sa mga working mom ang umaasa sa tulong ng ibang miyembro ng kanilang pamilya. Maaaring ang ina nila na lola ng mga bata o kaya naman ay ang kapatid nilang kaya ng bantayan at alagaan ang anak nila.
Ako bilang isang working mom ay hiningi ang pahintulot ng aking asawa na magpalit muna kami ng posisyon. Ako ang nagtatrabaho habang siya ang nagbabantay sa mga bata na nagpapanatag sa loob ko.
Isang praktikal na move din ito. Sapagkat sa ganitong paraan, imbis na kumuha ng babayarang mag-aalaga sa kanila ay nakamenos ka sa gastos habang tiwala ka na nasa mabuting kamay ang mga anak mo habang ikaw ay wala.
2. Mataas ang stress level na mararanasan mo.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
Hindi biro ang maging working mom. Lalo na kapag nagsabay ang mga deadlines sa trabaho at ang mga problema sa pamilya. Nandyan na maaari ka ng mawalan ng oras sa mga anak mo, habang sinisiguro na magagawa on time ang iyong mga trabaho.
Ayon nga sa isang pag-aaral na inilathala sa journal na sociology, 40% more stress ang mga working moms kumpara sa ibang tao. Ito man ay kahit naka-flexitime o work at home sila.
Ang pangunahing dahilan ng stress ng mga working mom ay ang work-family conflict o kung paano matagumpay na maibabalanse ang trabaho sa kanilang pamilya. Ang isyu na ito ay madalas na nararanasan ng mga ina na may maliliit na anak pa.
“Work-family conflict is associated with increased psychological strain, with higher levels of stress and lower levels of wellbeing. Parents of young children are at particular risk of work-family conflict. Working conditions that are not flexible to these family demands, such as long working hours, could adversely impact on a person’s stress reactions.”
Ito ang pahayag ni Professor Tarani Chandola ng Manchester University na bahagi ng ginawang pag-aaral. Dagdag pa niya, isa sa nakita nilang solusyon para mabawasan ang stress level ng isang ina ay mabawasan ang working load o hours niya.
3. Kailangan mong pagsabayin ang responsibilidad mo sa loob ng bahay at sa trabaho.
Hindi porket nagtatrabaho ka ibig sabihin ay ligtas ka na sa gawaing-bahay. Tayong mga babae, lalo na tayong mga ina ay may certain standards sa pag-aalaga sa ating mga anak.
Kahit pag-aayos ng ating bahay na hindi natin gusto na basta-basta ipagkatiwala sa iba. Idagdag pa na ito ay isang tungkulin na hindi natin basta matatalikuran.
Ito ay isang malaking challenge sa mga working mom. Sapagkat imbis na magpahinga ka pagkatapos ng trabaho ay kailangan mong sunod na harapin ang mga gawaing-bahay.
Base nga sa resulta ng isang pag-aaral, 28% na mas mataas ang tiyansa na makaranas ng burnout ang mga working moms kumpara sa mga nagtatrabahong ama. Sapagkat sa unequal demand sa bahay at trabaho nila.
Para mabawasan ang tiyansa na makaranas ng burn-out ay humingi ng tulong o support sa iba tulad ng iyong asawa. Magkaroon ng routine para maayos mong magawa ang mga dapat mong gawin.
Kung maari ay itigil ang pagmumulti-task. Sa halip ay mag-focus sa isang bagay o one task at a time. Ayon sa licensed clinical social worker at parenting coach na si Mercedes Samudio, biggest contributor ito para makaranas ng burnout ang isang tao.
BASAHIN:
STUDY: Hirap na pinagdadaanan ng mga working mom dumoble ngayong may pandemic
4. Nakakaranas ka ng working mom guilt feeling sa tuwing magkakasakit ang iyong anak.
Working mom guilt/ People photo created by lifeforstock – www.freepik.com
Sa mga pagkakataong ito ay mas tumataas ang level ng working mom guilt. Sapagkat maliban sa pag-aalala sa may sakit na anak ay sinisi mo rin bilang isang ina ang iyong sarili kung bakit ito nangyayari sa kaniya.
Dito mo sasabihin na hindi sana ito mangyayari kung ikaw ang nag-aalaga sa iyong anak. Isang bagay na hindi mo nga matutukang gawin dahil sa nagtatrabaho ka.
Kaya naman kung nagnanais maging isang working mom, mahalaga na may mapagiiwanan ka sa iyong anak na marunong talagang mag-aalaga ng isang bata.
5. Nawawalan ka na rin ng oras sa iyong significant other o sa iyong sexual relationship.
Tulad ng pagkawala ng oras sa iyong anak, sa labis na pagkapagod o sa dami ng trabaho ay naapektuhan din ng pagiging working mom mo ang iyong sexual relationship.
Dahil minsan imbis na mag-make love kay mister ay mas pipiliin mong magpahinga nalang. Isang bagay na maaaring pagsimulan ng problema sa pagsasama ninyo ni mister na kung hindi ninyo agad na ma-address ay maaaring mauwi sa mas malalim na problema.
6. Hindi nakakakuha ng sapat na nutritional requirements ang mga working moms.
Para magawa lahat ng mga kailangang gawin sa bahay at trabaho madalas ay hindi na nakakain ng tama at masustansiya ang mga working moms. Dito mas tumataas ang tiyansa na siya ay makaranas ng mental at emotional stress. Pati na rin obesity, blood pressure at fatigue.
Pahayag ni Dr. Anindita Bhateja, isang consultant physician sa Sita Bhateja Specialty Hospital sa India,
“Young working mothers today suffer from chronic fatigue and also sometimes guilt of not spending enough time with the child. If they take a sabbatical from their work they feel guilty about their work. Also, they may gain weight as they become unmindful of their own diet.”
Ayon naman sa prenatal yoga therapist na si Arpitha Shankar, maliban sa mga nabanggit na health conditions, ang chronic migraine, acidity, at thyroid disorders ang 3 pang common health issues na nararanasan ng mga working moms. Ito ay dulot ng hindi nila pagkain sa tamang oras at sobrang caffeine na iniinom nila habang nag-tatrabaho.
Food photo created by tirachardz – www.freepik.com
Dagdag pa ni Dr. Bhateja, ang unmindful eating habit na ito ng mga working moms ay daan rin para sila ay maging anemic o magkaroon ng low-calcium sa katawan.
Payo niya para maiwasan ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng balanced diet hanggat maaari. Ganoon din ang pag-exercise ng 20-30 minutes ng hindi bababa sa 5 beses sa isang linggo.
Ilan lamang ito sa mga issues na nararanasan ng mga working moms. Kaya kung isang working mom na tulad ko, mas tatagan mo pa ang iyong loob dahil maraming proud at sumusuporta sa ‘yo. Kung nagbabalak maging working mom, mabuting paghandaan na ng maigi ang mga common issues na ito.
Source:
Manila Times, The Guardian, CNBC, Your Story, NCBI