Hindi biro ang hirap ng mga working moms. Dahil bukod sa pag-aalaga sa kanilang mga anak, responsibilidad rin nilang magtrabaho upang masuportahan ang kanilang mga pamilya.
Kaya ganun na lang ang naging galit ng mga netizen nang mag-viral ang post ng isang Christian blogger na si The Transformed Wife dahil sa kaniyang post sa Facebook kung saan sinabi niyang hindi dapat magtrabaho ang mga ina.
Ano ba ang sinabi niya tungkol sa working moms?
Ang Christian blogger na si The Transformed Wife ay isang konserbatibong ina na mayroon nang 4 na matatandang anak, at mga apo. Madalas siyang nagbabahagi ng kaniyang mga saloobin sa social media, sa pamamagitan ng mga mensahe na nakasulat sa isang notebook.
Karamihan ng kaniyang mga post ay tungkol sa kaniyang karanasan bilang ina, at kung paano maging isang mabuting asawa. Kasama rin dito ang mga quotes sa Bibliya, at ilang mga tips kung paano rin maging mabuting Kristiyano.
Ngunit naging kakaiba ang tono ng kaniyang pinost na mensahe sa Facebook. Ito ay dahil parang pinaparating niya na hindi maganda ang pagiging isang working mom. Bagkus, mas mabuti raw sa pamilya at sa mga anak ang pagiging isang full-time na stay-at-home mom.
Hindi natuwa ang mga netizen sa kaniyang mensahe
Umani ng batikos ang kaniyang post, at maraming ina ang naglabas ng kanilang saloobin tungkol dito. Ayon sa kanila, hindi naman sukatan ng pagiging ina kung siya ay stay-at-home, o nagtatrabaho.
Ito ay dahil hindi naman lahat ng ina ay may kakayanan upang mag-alaga lang ng bata sa bahay. Ang iba ay kinakailangan talagang magtrabaho upang masustentuhan ang kanilang pamilya.
Dagdag pa nila, desisyon ng isang babae kung gusto niyang magkaroon ng career kahit na may anak at pamilya na siya. Hindi ito kabawasan sa kaniyang pagiging ina, at ang mahalaga ay naaalagaan nila ang kanilang mga pamilya.
Ayon pa sa ibang netizen, parang minamaliit daw ni The Transformed Wife ang ilang mga ina, lalo na ang mga single moms na palaging pagod dahil nagsisikap sila sa kanilang mga anak. Kung tutuusin, mas nakakabilib pa nga raw ang mga working moms dahil nababalense nila ang pagiging asawa, ina, at ang pagkakaroon ng career.
Heto ang kaniyang post:
Hindi dapat minamaliit ang mga ina
Hindi madali ang maging isang ina. Napakaraming responsibilidad ang kailangan nilang akuin, at madalas nga ay nakakalimutan na nilang maglaan ng oras para sa kanilang sarili. Lalo nang mahirap ang pagiging isang working mom, dahil bukod sa responsibilidad mo bilang isang ina, may responsibilidad ka rin sa iyong trabaho.
Kaya’t hinding-hindi dapat minamaliit o kaya pinapahiya ang mga ina. Lahat ng ina ay nagsisikap na mapalaki ng maayos ang kanilang mga anak, at bawat ina ay may sari-sariling mga hamon sa buhay. Mayroon mga pamilya na kinakailangang magtrabaho ang ama at ina upang magkaroon sila ng pagkain sa pang araw-araw. Ang mahalaga ay nagagampanan nila ang kanilang mga responsibilidad bilang ina, at naaalagaan nila ang kanilang pamilya.
Mas mabuti kung magtulungan na lang ang lahat ng mga ina kaysa maghatakan pababa. Dahil hindi naman nakakabuti sa kanila ang paninira, pang-aaway, o pangmamaliit ng kapwa.
Kaya’t importante ang pagkakaroon ng respeto sa ibang mga ina, at ang pagiging sensitibo, at pagkakaroon ng pag-unawa sa bawat tao.
Source: Yahoo
Basahin: Mariel Rodriguez on becoming a working mom: ‘Nahihirapan ako’