Hindi na lingid sa kaalaman ng mga magulang na mahalagang bantayan ang kanilang mga anak, lalo na kapag nanonood ng mga videos online. Bahagi na ng pagiging isang modernong magulang ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa YouTube safety.
Gayunpaman, nakakabahala na mayroon pa ring ilang mga videos na makakasama sa mga bata ang matatagpuan online. Tulad na lamang ng isang video kung saan mayroon daw mensahe na tinuturuan kung paano magpakamatay ang mga bata. At ang mas nakababahala pa rito ay ang video ay nahanap mismo sa YouTube Kids.
YouTube safety, hindi dapat balewalain
Si Free Hess ay isang pediatrician at nanay na nakatira sa Florida, USA. Ayon sa kaniya, mayroon raw isang concerned na nanay na nagpadala ng link sa isang video sa YouTube Kids. Sa unang tingin ay tila wala namang problemang makikita sa video.
Ngunit kapag pinanood ng mabuti ang video, makikitang mayroong maigsing clip dito kung saan may lalakeng nagtuturo sa mga bata kung paano magpakamatay. Dahil dito, naalarma si Free, at humingi ng tulong mula sa iba’t-ibang grupo ng mga magulang upang ipatanggal sa YouTube ang video. Inabot raw ng isang linggo bago ito tinanggal ng YouTube.
Matapos ang ilang buwan, nagulat si Free nang makitang buhay nanaman ang video. Humingi ulit siya ng tulong, at sa pagkakataong ito, tinanggal ulit ng YouTube ang video matapos ang ilang araw.
Bilang isang pediatrician, napapansin raw niya na tumataas ang kaso ng mga batang sinasaktan ang kanilang sarili, o kaya ay suicidal. Para sa kaniya, malaki ang kinalaman ng social media sa pagtaas ng ganitong mga problema sa mga kabataan.
Nagtingin-tingin siya ng mga videos sa YouTube Kids
Pero hindi pa rin dito natapos ang mga problema ng videos sa YouTube Kids. Naghanap-hanap pa raw si Free ng ilang mga videos, at nakakita ng napakaraming video tungkol sa suicide, pang-aabuso, sex, mga baril, atbp.
Aniya, kinakailangan raw na maging mas mahigpit ang YouTube pagdating sa mga videos na inilalagay nito sa kanilang website.
Ayon naman sa YouTube, paiigtingin raw nila ang seguridad sa kanilang website. Bukod dito, sisiguraduhin nilang mas nababanatayan ang mga videos na nau-upload, upang mabilis nilang matanggal ang mga offensive at hindi child-friendly na videos.
Para naman kay Free, mahalaga raw ang papel ng mga magulang pagdating sa YouTube safety. Kailangan raw na maging mapanuri rin ang mga magulang, at bantayan kung anu-ano ang mga videos na pinapanood ng kanilang mga anak. Kailangan rin daw magtulong-tulong ng mga magulang upang masiguradong ligtas ang mga napapanood ng kanilang anak hindi lang sa YouTube, kundi pati na rin sa buong internet.
YouTube safety tips na dapat alamin ng mga magulang
Heto ang ilang mga mahahalagang tips para sa mga magulang pagdating sa panonood ng videos online:
- Buksan ang parental controls sa mga website na pinupuntahan ng iyong anak upang ma-filter kung ano ang mga videos na puwedeng panoorin ng iyong anak.
- Payagan lamang pumunta ang iyong anak sa mga websites na pambata tulad ng YouTube Kids, PBS Kids, National Geographic Kids etc.
- Huwag silang payagan na magkaroon ng sariling Facebook account dahil bukod sa masyado pa silang bata, hindi rin akma ang mga bagay sa Facebook para sa kanila.
- Bigyan sila ng time limit sa paggamit ng gadgets at ng internet.
- Tutukan ang kanilang paggamit ng internet, at hangga’t maaari ay huwag silang hayaan mag-isa.
- Gamitin ang safety features ng mga sites tulad ng YouTube Kids upang masiguradong ligtas ang mga pinapanood na videos ng iyong anak.
Source: CNN
Basahin: 7-anyos, naimpluwensiyahang mag-suicide dahil sa Youtube at Roblox
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!