12 year old nag-enroll online gamit ang pisonet. Larawan ng bata nag-trending sa social media na tumanggap na iba’t-ibang reaksyon mula sa mga netizens.
12 year old nag-enroll online gamit ang pisonet
Trending ngayon sa social media ang larawan ng isang batang lalaki na makikitang sumasagot ng learner and enrollment form ng DepEd para sa darating na pasukan.
Ang pagfifill-up ginagawa ng bata sa isang pisonet o computer shop na hinuhulugan ng papiso-pisong barya para magamit at maka-connect sa internet.
Ayon sa netizen na si Peter Salire De Guzman na nag-post ng larawan ng 12 year old nag-enroll online gamit ang pisonet, nakita niya ang bata sa computer shop sa harap ng kanilang bahay bandang 8;30 na ng gabi.
Noong una akala niya ay naroon ito para maglaro ng computer games. Pero laking gulat niya ng makita itong sumasagot ng enrollment form online ng mag-isa. Kaya naman nilapitan niya ang bata na kitang-kita umanong nahihirapan sa sinasagutang form at paubos narin ang oras sa inuupang pisonet. Nag-magandang loob ito na bigyan ng P5 barya ang bata para makapagpatuloy sa kaniyang ginagawa at tulungan narin siya sa pagsagot ng enrollment form. Dito nga natuklasan ng netizen na maliban sa kalbaryo ng pag-eenroll ay malaki rin ang hinaharap na problema ng bata ngayong darating na pasukan. Dahil base sa enrollment na sinagutan nito ay walang budget ang kanilang pamilya para sa internet at data allowance. Wala rin siyang magagamit na cellphone, tablet o computer. At higit sa lahat, walang trabaho ang kaniyang ama dahil sa ipinatutupad na quarantine.
Reaksyon ng mga netizens
Ang larawan ng batang ito ay nakatanggap ng iba’t-ibang komento mula sa mga netizen. May ilang hinangaan ang pagpupursige ng bata, may ibang nais magpaabot ng tulong. Habang may iba namang nagsabi na ang bata ay isa lang sa marami pang batang dumadaan rin sa parehong sitwasyon.
“Salamat at my naipost na ganitong sitwasyon madami kasi di makapag enrol na walang gadget sa bahay or walang idea ang parents tungkol sa enrolment .. sna may makatulong sa bata na makapag patuloy ng pag aaral kasi mukang pursigido sya.”
“Kid! I know you can do this and the world can offer you way better than this! Just continue the good job and work hard for your dreams. I know every child deserves a better place to live in with wonderful opportunites. And thank you for the owner of the piso net shop, laking tulong mo po sa batang ito. And sana wag po tayong tumigil na tumulong lalo na sa mga kabataan. Our children don’t deserve this kind of life and I know the world can offer more, and way better than this. Sana malayo pa marating mo Kid!”
“Bata, kahit ipagkait na ng mundo ang edukasyon sa’yo, ipaglaban mo. Wag kang titigil, wag kang mapapagod. Lahat ng hirap ay may kapalit na ginhawa. Magpatuloy ka, magtatagumpay ka!”
“Kung tayo naawa. siguro mas nalulungkot yung mga magulang ng batang ito na di man lang nila masamhan yung anak nila sa pag fill up ng form. baka yung parents di marunong sa social media 🙁 Gustong gusto kong tumulong sa mga kapos palad ang kaso wala din akong maitulong 🙁 godbless po sa nag upload sana matulungan si babyboy ❤”
Sinaluduhan at hinangaan rin naman ang ginawang kabutihan ng mga netizen sa nasabing bata.
Pangarap ng bata
Base naman sa isang ulat tungkol sa bata na nailabas sa telebisyon siya ay si Jhonel Agner Adaryan. Siya ay isang Grade 7 student na nakatira sa Camarin, Caloocan City. Hiwalay na ang kaniyang mga magulang at siya ay naninirahan kasama ang kaniyang ama. Ito ay isang construction worker na nawalan ng trabaho dahil sa ipinatutupad na quarantine.
Ayon sa panayam sa ama ng bata, hindi niya rin naiintindihan kung paano ang paggawa o pag-ienroll sa kaniyang anak online. Kaya bagamat naawa sa kaniyang anak ay hindi niya alam kung paano ito tutulungan.
“Naawa ho ako sa anak ko. Kasi syempre ‘yung iba na ano niya di ko naman maintindihan eh. Kaya sabi ko, ‘Nak, ikaw na lang mag-ano sa sarili mo basta ako nandito lang ako, suporta lang ako sa iyo.”
Ito ang pahayag ng ama ng bata.
Samantala, ayon naman sa batang si Jhonel, alam niyang napaka-halaga ng edukasyon. Kaya naman nagpupursige siyang makapagtapos. Lalo pa’t pangarap niya sa kaniyang paglaki ay maging isang pulis. Ito ay upang makatulong sa paglutas ng mga krimen at maipagtanggol ang mga naaapi.
“Kahit ganito lang buhay namin, kaya ko pong mag-aral ng mabuti.”
Ito ang pahayag ni Jhonel.
Sa ngayon ay marami na sa mga netizens ang nagpakita ng interes na matulungan ang bata. Habang ayon naman sa netizen na nagpost ng kaniyang larawan, siya ay kasalukuyan lang na naghihintay na makabitan ng internet sa kanilang bahay. Ito ay kaniyang libreng bubuksan para sa mga estudyante sa kanilang lugar para maka-connect at magamit nila ngayong darating na pasukan.
Modes of learning ngayong pasukan
Ayon sa DepEd, maliban sa isinusulong na online learning ay may iba pang paraan upang makapag-aral ang mga bata ngayong pasukan. Ito ay sa pamamagitan ng modular learning o printed modules. Ang mga modules ay maari nilang kunin sa paaralan na kanilang pinag-enrollan o i-deliver sa kanilang bahay kung kinakailangan. Maari ring mag-aral sila sa pamamagitan ng radio at TV education. Sa mode of learning na ito, ang mga printed modules ay i-coconvert sa material na kanilang mapapanood o mapakikinggan.
Source:
GMA News
Basahin:
DepEd, nagbigay ng minimum specs para sa laptops at desktop na gagamitin sa distance learning
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!