14 day old baby COVID-19 positive sa Bataan, ang pinakabatang biktima ng sakit sa probinsya. Sa ngayon ay hindi pa tukoy kung paano niya nakuha ang sakit.
14 day old baby COVID 19 positive
Isa sa pinakabagong biktima ng COVID-19 sa Bataan ay isang 14-day-old baby boy. Ito ay ayon sa Facebook post ni Bataan Governor Abet Garcia. Sa ngayon ay hindi pa tukoy kung paano nakuha ng sanggol ang sakit. Kaya naman patuloy na humihiling ang gobernador ng kooperasyon ng kaniyang mga nasasakupan sa pagsunod sa patakaran ng enhanced community quarantine o ECQ. Ito ay upang ma-kontrol ang pagtuloy na pagkalat ng sakit.
“Patuloy ko pong hinihiling ang inyong kooperasyon at pagsunod sa patakaran ng ECQ na manatili sa ating mga tahanan at kung may mahalagang dahilan ang paglabas ng tahanan, gawin ang social distancing.”
“Sa ating pagtutulungan, pagmamalasakitan, pag-uunawaan at sa awa at gabay ng ating Panginoon, mapagtatagumpayan natin ang mabigat na pagsubok na ito.”
Ito ang pahayag ni Garcia. Matatandaan nitong April 5 ay may isang buwang sanggol rin ang naiulat na nag-positibo sa sakit sa probinsya. Siya ay nagmula sa Mariveles na pang-21 kumpirmadong kaso ng sakit sa Bataan. Hanggang ngayon ay hindi parin natutukoy kung paano siya nahawa sa sakit.
Samantala sa kasulukuyan base sa pinakalatest update mula kay Gov. Garcia, umabot na sa 81 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa Bataan. Ang pinakabagong kasong naitala ay isang 52-anyos na lalaki mula sa Orani. Habang sa nasabing bilang ng kumpirmadong kaso ay 42 sa mga ito ang doktor, nurse at nursing attendant.
Dagdag pa ng gobernador sa ngayon ay may labinglima sa nag-positibo sa sakit ang naka-recover na. Habang may apat sa mga na-kumpirmang kaso ay pumanaw na.
Mga sanggol na nag-positibo sa sakit
Ang naiulat na 14 day old baby COVID 19 positive ay isa lamang sa pinakabatang biktima ng sakit sa bansa. Noong April 13, sa pamamagitan rin ng isang Facebook post ay ibinalita ni Lipa City, Batangas Mayor Eric Africa na may isang 10-day-old na sanggol ang nag-positibo sa COVID-19 mula sa kanilang siyudad. Ang sanggol ay mula sa Brgy. Tipakan. Hindi parin natutukoy kung paano nakuha ng sanggol ang sakit. Lalo pa’t ang kaniyang ina ay nag-negatibo sa virus.
Ang sanggol ang pangalawa sa pinakabatang na-infect ng sakit sa Lipa City. Matatandaang nitong April 9 ay naiulat ang pagkasawi ng isang 23-day-old na sanggol ng dahil sa COVID-19. Bagamat nalaman na positibo sa sakit ang sanggol noong ito ay patay na.
Ayon sa pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang sanggol ay nasawi dahil sa late-onset sepsis. Ito ay isang blood infection na dulot ng severe pneumonia na kaniyang naranasan.
Dagdag pa ni Vergeire, ang sanggol ay itinakbo sa ospital amtapos makaranas ng hirap sa paghinga.
Paalala ng mga health experts sa mga inang buntis
Dahil sa dumaraming kaso ng newborn baby na nagpopositibo sa sakit muling pinaalalahanan ng mga health experts ang mga babaeng buntis na mag-doble ingat upang makaiwas sa virus. Sa ngayon ay tinitingnan parin ang posibilidad na maaring nakuha ng mga sanggol ang virus habang sila ay nasa sinapupunan palang. Bagamat nauna ng ipinahayag ng CDC na hindi naihahawa ng buntis ang sakit sa kaniyang dinadala. Dahil walang nakitang traces ng virus sa amniotic fluid nito, pati na sa kaniyang breastmilk.
“This reminds us to pay attention to mother-to-child being a possible route of coronavirus transmission.”
Ito ang pahayag ng chief physician ng Wuhan Children Hospital’s neonatal medicine department na si Dr. Zeng Lingkong.
Pero mataas rin umano ang posibilidad na nakuha ng sanggol ang sakit matapos maipanganak. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng close contact sa taong infected ng virus. Maaring ang kaniyang ina, kaanak o mga taong nakalapit sa kaniya habang siya ay nasa ospital.
“It’s quite possible that the baby picked it up very conventionally – by inhaling virus droplets that came from the mother coughing.”
Ito ang pahayag ni Dr. Stephen Morse, isang epidemiologist mula sa Mailman School of Public Health sa Columbia University.
Sintomas ng COVID-19 sa baby
Sa kasalukuyan, base sa bilang ng kaso ng sakit sa buong mundo, ang mga baby at mga bata ang hindi pinaka-apektado ng sakit na COVID-19. Dahil karamihan sa mga tinamaan ng sakit ay mga matatandang 60-anyos pataas at ang iba pang may iniinda ng karamdaman o mahina na ang immune system.
Ayon nga sa isang pahayag ng CDC sa kanilang website ay sinabi nilang bagamat may mga naitalang kaso ng mga sanggol at batang nag-positibo sa coronavirus ay hindi naman daw nakaranas ang mga ito ng mga malalang sintomas kumpara sa mga matatandang tinamaan ng sakit.
Bagamat dagdag nila ay hindi naman naiiba ang nararanasang sintomas ng COVID 19 sa baby at matanda. Ang mga sanggol na nag-positibo sa sakit ay naiulat na nahihirapang makahinga, may ubo, lagnat at nagsusuka.
Pag-iingat at pag-iwas sa mga sanggol sa sakit
Kaya naman paalala ng ahensya maging maingat sa pangangalaga ng bagong silang na sanggol. Kung maari ay agad na iiwas siya sa mataong lugar lalo na sa mga taong may sakit. Kung papasusuin ay siguradong malinis ang mga kamay bago hawakan si baby. Maghugas gamit ang tubig at sabon o kaya gumamit ng hand sanitizer na may taglay na 70% alcohol.
Para sa mga inang positibo sa sakit mas mabuting mag-suot ng mask at gloves kung magpapasuso. O kaya naman mas maiging mag-pump nalang ng gatas at saka ipadede kay baby. Basta’t siguraduhin lang na ang bote na paglalagyan ng gatas ng ina ay malinis at properly disinfected.
Source:
Philippine Star, BBC
Basahin:
Antibodies sa breastmilk, maaaring gamiting panlaban sa COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!