Karaniwang tanong kung totoo nga ba na masama ang painkiller sa buntis. Mayroon kasing nagsasabi na ang Alaxan FR pampalaglag na gamot sa dinadalang bata. Alamin ang sagot ng duktor tungkol dito.
Bukod sa isang malaking biyaya, isang malaki at mabigat na responsibilidad ang pagbubuntis para sa isang ina. Masaya, mahirap, sakripisyo, mga pagbabago sa pangangatawang pisikal, mental at emosyonal, at iba’t ibang sakit na natural na indikasyon ng pagbubuntis ang karaniwan sa listahan ng mga karanasan.
Tuwina, hindi rin nawawala ang mga pangambang baka may gawin, makain, o mainom na maaaari palang pampalaglag ng baby sa sinapupunan. Dahil nga sa mga pagbabagong pisikal na nagaganap sa pangangatawan, hindi madali para sa isang buntis na makapag-adapt sa mga pagbabagong ito.
Halimbawa na ang paglobo ng timbang, pagmamanas, pagbigat ng katawan, madalas na pananakit ng ibabang likod pababa ng balakang hanggang binti. May mga pagkakataon pang nakararanas ng pagkahilo, pananakit ng ulo, o ang pinakamahirap ay ‘yung pakiramdam ng hindi maipaliwanag na sakit sa hindi rin matukoy na bahagi ng katawan.
Isa sa mga takbuhan ng pasyenteng buntis ang mga painkiller sa mga ganitong pagkakataon, lalo na’t nabibili ang karamihan sa mga ito nang over-the-counter. Ngunit batid ba ng mga expecting moms nating malaki ang tiyansang makaapekto ang ganitong uri ng mga gamot kung hindi maayos na nagabayan ng doktor ang inyong pag-inom? Isang halimbawa, ang Alaxan FR pampalaglag umano ng bata lalo na kung hindi maisasaalang-alang ang edad ng pagbubuntis ng ina at ang haba ng panahong iinom siya nito.
Mga painkiller, maaaring pampalaglag
Hindi unusual sa mga buntis ang makaranas ng mga pananakit sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Minsan, dahil kulang sa hustong kaalaman at gawa ng kinasanayan, hindi na gawi ang kumonsulta muna sa doktor bago bumili at uminom ng mga painkiller lalo na’t karamihan sa mga ito ay over-the-counter lamang nabibili sa mga drugstore.
Pero alam n’yo bang ang pag-inom ng mga painkiller ay nakapagpapataas ng posibilidad ng miscarriage sa isang ina?
Ayon sa isang partikular na pag-aaral ng mga doktor mula sa Universtiy of Montreal, malaki ang posibilidad ng pagkakaugnay ng miscarriage cases ng kababaihan sa Canada dulot ng pag-inom ng mga non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) na gaya ng ibuprofen, naprozen, at Diflofenac.
Batay sa paglalathalang ito ng Canadian Medical Association Journal, malaking panganib ang dulot sa mga buntis ng pag-inom ng mga nasabing uri ng gamot sa first 20 weeks at huling trimester ng kanilang pagbubuntis. Habang kung hindi maiiwasan ang pag-inom, apat na beses pang doble ang tiyansang malaglag ang bata sa sinapupunan kung iinom ng mga ito sa loob ng apat na araw o higit pa nang tuloy-tuloy.
Kaakibat din ng pag-inom ng mga NSAID na gamot sa huling trimester ng pagbubuntis ang pagkakaroon ng depekto, abnormalities, o maldevelopment sa organs at physical features ng baby hanggang sa maipanganak ito.
Ganito rin ang lumabas sa isang pag-aaral na isinagawa ng Danish researchers, na nailathala sa The BMJ noong 2001, lumalabas na tatlong ulit na mapahamak ang pag-inom ng mga NSAID na gamot para sa mga buntis, na delikadong magdulot ng pagka-abort ng bata sa tiyan ng ina.
Alaxan FR
Sa atin dito sa Pilipinas, isa sa mga inaasahang gamot ang Alaxan FR bilang painkiller. Ngunit kung iuugnay sa pagbubuntis, pinaniniwalaang ang Alaxan FR pampalaglag umano ng bata.
Kung pagbabatayan ang sinasabi ng mga pag-aaral at eksperto, maaari nga ito lalo na kung magkakaroon ng pag-abuso sa pag-inom ng nasabing gamot. Kaya’t mainam na iwasan ang gamot na ito kung buntis.
Kombinasyon ng ibuprofen at paracetamol ang Alaxan FR. Tulad din ng iba pang mga painkiller na mabibili sa mga drugstore, karaniwang composed ng ibuprofen ang mga ito. Malinaw na kabilang ang ibuprofen sa mga uri ng gamot na NSAID.
Kaya naman, hangga’t maaari, sa loob ng siyam na buwang journey ng ating mga mom-to-be:
Huwag uminom ng ganitong uri ng mga gamot nang makaiwas sa anumang komplikasyon lalo na ang makunan. May posibilidad din na magkaroon ng birth defects ang baby dahil sa pag-inom ng mga gamot na kutad nito.
Ito din ang paalala ni Dr. Kristen Cruz-Canlas, isang OB-GYNE, “Bawal ang Alaxan FR during pregnancy. FDA Category B siya. Some studies say it could increase the risk of miscarriage during the first trimester.”
Mga alternatibong lunas sa pananakit na nararanasan ng buntis
Mahalaga ang buwanang check-up ng isang buntis sa kaniyang doktor, mula man sa pampribado o pampublikong klinika. Sa pagkakataong ito ibinabahagi ng buntis ang mga update sa kaniyang mga nararanasang pagbabago sa pisikal na katawan at maging sa kondisyon ng kaniyang pag-iisip.
Sinasamantala ito lalo na kung may mga specific at frequent encounters ang moms-to-be natin ng pagkahilo, pananakit ng mga kasukasuan, o hindi maipaliwanag na karamdamang pisikal sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa panayam namin kay Dr. Maria Carla Esquivias-Chua, na isang expert at highly trained Ob/Gyn, may iba’t ibang paraan naman at solusyon upang makaiwas ang mga pasyenteng buntis sa pag-inom ng painkillers.
“Ako usually paracetamol talaga ‘yung ibinibigay ko na pain reliever,” aniya.
“Pero kung nagkakaro’n pa rin ng constant pain, tapos, ‘yon na ang ina-address ko. Baka kasi mamaya ‘yung cause ng pain, baka masakit ang singit-singit, so, alamin mo. Ipa-blood test and urine test mo.”
Tinitignan daw niya ang iba’t ibang posibleng dahilan ng pananakit.
“Pag may UTI, gamutin mo nang safe sa buntis. So, aalamin mo rin ‘yung cause ‘no. Kung may sprain, muscle spasms, pupuwede naman ipa-massage nang kaunti, o bigyan ng warm compress. Kaya puwede kang magdagdag ng iba, hindi lang puro gamot. Puwede kang magdagdag ng ibang regimen, para ma-relieve at ma-release ‘yung nagka-cause ng pain.”
Ibig sabihin, hindi kinakailangang sa lahat ng oras, magse-self medicate na lamang ang mga buntis. Para sa kapakanan ng sarili at kalusugan ng dinadalang baby, regular na kumonsulta sa doktor. Humingi ng pahintulot sa mga aktibidad, pagkain, o inuming nais subukin, at alamin kung maglalagay ito ng panganib sa inyong mag-ina.
MAHALAGANG PAALALA: Hindi layon ng artikulo ang maghatol ng anumang opisyal na medical advice kundi ito ay para makapagbahagi lamang ng mga gabay na impormasyon sa ating mga mambabasa.
Sources: The Guardian, WebMD, NCBI, Alaxan FR
Basahin: #AskDok: Totoo ba na malalaglag ang baby kapag uminom ng cortal at coke?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!