Are hand sanitizers and alcohol effective against coronavirus? Narito ang sagot ng mga eksperto.
Are hand sanitizers and alcohol effective against coronavirus?
Simula ng magkaroon ng kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa Pilipinas ay mabilis na naubos ang mga alcohol at hand sanitizers sa pamilihan. Halos nag-triple pa nga ang presyo nito online dahil sa sobrang in demand nito sa mga mamimili. Ito ay dahil ayon sa mga health experts ang paglilinis ng kamay ang isa sa mga paraan upang makaiwas sa kumakalat na sakit. Ngunit gaano nga ba ka-epektibo ang paggamit ng mga hand sanitizers at alcohol laban sa coronavirus disease? Sapat na ba ang proktesyon ang naibibigay ng hand sanitizer at alcohol na gamit mo laban sa sakit?
Ayon sa CDC, ang pangunahing paraan upang ma-proteksyonan ang iyong sarili laban sa sakit ay ang madalas na paghuhugas ng kamay. Ito ay dapat gawin gamit ang sabon at tubig ng hindi bababa sa 20 segundo. Lalo na matapos manggaling sa pampublikong lugar o kaya naman ay matapos umatsing o umubo. Ngunit sa oras na hindi maaring mag-hugas ng kamay ay maari namang gumamit ng hand sanitizer basta’t ito ay may taglay na 60% alcohol.
Alcohol-based vs alcohol-free sanitizers
Dahil ayon kay Manal Mohammed, lecturer ng Medical Microbiology sa University of Westminster, London, ay may dalawang uri ng hand sanitizers. Ito ay alcohol-based at alcohol-free. Ang mga alcohol-based sanitizers ay nagtataglay ng 60%-90% alcohol. Habang ang mga alcohol-free sanitizers naman ay nagtataglay ng quarternary ammonium compounds tulad ng benzalkonium chloride. Pareho umanong naglilinis ng kamay ang dalawang uri ng sanitizers. Pero mas inirerekumenda ang mga alcohol-based dahil sa kakayanin nitong patayin ang lahat ng uri ng germs at bacteria. Hindi tulad ng mga alcohol-free sanitizers na less effective kumpara sa alcohol na binabawasan lang ang microbes na nasa ating kamay.
Sinuportahan naman ito ng pahayag ni Emily Landon, isang infectious diseases specialist mula sa University of Chicago Medicine. Ayon kay Landon, ang mga alcohol-free sanitizers ay hindi nagbibigay ng proteksyon ng tulad ng mga alcohol-based sanitizers. Kahit na ba nakasulat sa packaging ng sanitizer na kaya nitong pumatay ng germs ng 99.9%.
“A sanitizer with benzalkonium chloride as the active ingredient is “not as good,” because we don’t know as much about it.”
Ito ang pahayag ni Landon na sinabing “first choice” para sa kaniya ang mga alcohol-based products sa bilang hand sanitizer.
Ito rin ang natuklasan ng isang 2020 study. Ayon sa pag-aaral ang mga alcohol-based hand sanitizers na may 60%-95% alcohol ay effective sa pagpatay ng germs sa kamay. Basta’t ito ay i-apply ng hindi bababa sa 2.4 milliliters sa kamay sa loob ng 25-30 segundo.
Dagdag naman ni Mohammed, maliban sa napapatay ng alcohol-based sanitizers ang maraming uri ng bacteria tulad ng MRSA at E.coli, epektibo rin ito laban sa marami ring viruses. Tulad nalang ng influenza A virus, rhinovirus, hepatitis A virus, HIV, at Middle East respiratory syndrome coronavirus o MERS-CoV.
Isopropyl vs Ethyl alcohol
Ganito rin ang nabibigay na epekto sa paggamit ng isopropyl at ethyl alcohol solution. Ang dalawang uri ng alcohol ang pangunahing ingredient ng mga alcohol-based sanitizers. Ito ay ayon sa public health expert na si Troy Gepte sa isang panayam niya sa programang Salamat Dok sa ABS-CBN.
“Itong ethyl alcohol [and] isopropyl, they’re about the same. Except itong ethyl alcohol, medyo mas nakaka-dry lang siya pero ‘yong iba naglalagay ng mga moisturizer sa solutions nila.”
Ito ang paliwanag ni Gepte. Dagdag pa niya sa pagpili ng alcohol, mas mabuting gamitin ang mga 70% solution kumpara sa 40% solution. Dahil mas mataas umano ang effectivity ito sa paglilinis ng mga mikrobyo sa ating mga kamay.
Ilan nga sa mga brands na available sa bansa na gawa sa 70% solution ng alcohol ay ang Green Cross, Bioderm, Cleene, Doctor J, Family, Hygienix, Biogenic at Alco Plus.
Pinakamainam parin ang paghuhugas ng kamay
Pero paalala ni Gepte, kumpara sa paggamit ng alcohol at sanitizers ay pinakamabuting paraan parin ang paghuhugas ng kamay para makaiwas sa virus.
“Yong frequent handwashing talaga ang talagang makakatulong sa atin. ‘Yong maliit na bagay na paghuhugas ng kamay, malaki ang epekto niya na matatanggal ang mikrobyo sa kamay natin.”
Ito ang paliwanag ni Gepte. Dagdag pa niya, kahit anong sabon ay makakatanggal na ng mikrobyo sa kamay, ma-antibacterial man ito o hindi. Ang mahalaga ay nasasabunan at nababanlawan ng maayos ang kamay.
Ayon parin kay Gepte, mas dapat ugaliin ang paghuhugas ng kamay sa tuwing nakakahawak ng mga bagay na maaring may dala ng virus at mikrobyo. Tulad nalang ng perang papel o barya na kung sino-sinong tao muna ang humahawak bago makarating sayo. O kaya naman ay laging mag-baon ng alcohol-based sanitizers o 70% alcohol solution na epektibo rin sa pagpatay ng mga mikrobyo at virus sa mga kamay mo.
SOURCE: ABS-CBN News, MotherJones, The Conversation, NBCI
BASAHIN: ATM at iba pang mga bagay kung saan maaaring mahawa ng COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!