Isang 11-taong gulang na bata ang namatay matapos niyang makaamoy ng nilulutong isda. Di umano’y may matinding allergy sa isda ang bata naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Bata namatay dahil sa allergy sa isda
Hindi lubos akalain ng pamilya ng 11-taong gulang na si Camron Jean-Pierre na ang isdang kakainin sana nila sa bagong taon ay magiging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ito ay dahil noong bisperas ng bagong taon ay nagluluto raw ng isda ang kaniyang pamilya na kanilang kakainin para sa hapunan. Ngunit nang malanghap ng bata ang amoy ng nilulutong isda, bigla na lang raw itong nawalan ng malay.
Nang makita ng kaniyang pamilya ang nangyari, ikinabit daw nila si Camron sa isang machine na makakatulong upang magamot ang kaniyang allergy. Dali-dali ring tumawag sa 911 ang kaniyang ama upang humingi ng tulong.
Ngunit nang madala na si Camron sa ospital, namatay na pala siya.
Alam raw ng pamilya ni Camron na mayroon siyang matinding allergy sa isda. Ngunit hindi nila inakalang kahit sa amoy ng nilulutong isda ay magkakaroon siya ng allergic reaction.
Isang only-child daw si Camron.
Ano ang dapat gawin sa allergy attack?
Hindi biro ang pagkakaroon ng allergy. Bagama’t para sa ibang mga tao, simpleng pangangati o pagbahing lamang ang epekto nito, para sa iba ito ay nakamamatay.
Ito ay dahil kapag nagkaroon ng severe allergic reaction ang isang tao, puwedeng makaranas ng tinatawag na anaphylactic shock ang kaniyang katawan. Heto ang ilan sa mga dapat alaming sintomas ng anaphylactic shock:
- pag-ubo, at paninikip ng dibdib.
- pagkahilo, pagkalito, o pagkahimatay.
- pagkakaroon ng mga rashes o pangangati sa balat.
- makating bibig o labi at dila.
- pagsusuka, diarrhea, o cramps.
- mahinang pulso, pamumutla.
- paninikip ng lalamunan, at nahihirapang huminga.
Kapag mayroong ganitong sintomas ang iyong anak ay dapat agad mo siyang dalhin sa doktor. Ito ay dahil kapag pinatagal pa, posibleng maging nakamamatay ang anaphylactic shock.
Sa ibang bansa, mayroong tinatawag na epi-pen, o isang gamot na tinutusok sa dibdib at nakakatulong na magpawala ng epekto ng anaphylactic shock. Ngunit hindi pa available ang ganitong gamot sa Pilipinas, kaya’t mahalagang dalhin kaagad sa doktor ang inaatake ng anaphylactic shock.
Mahalaga rin na ipa allergy test ang iyong anak upang malaman kung anu-ano ang kaniyang mga allergy. Makakatulong ito upang maiwasan ang exposure niya sa mga allergens at makaiwas sa mga komplikasyon dahil sa pagkakaroon ng allergy.
Source: NY Post
Basahin: Babae naging ganito ang mukha dahil sa severe allergy sa hair dye
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!