Alyas Minda, ito ang naging bansag sa yayang nangidnap umano ng kaniyang alaga na naging usap-usapan sa social media kahapon. Ngunit, ayon sa yaya, hindi niya kinidnap ang kaniyang alaga, ipinasyal niya lang daw ito. At natakot lang siyang lumabas at ibalik ito sa mga magulang ng bata matapos makatanggap ng banta mula sa mga netizens.
Kahapon sa tulong ng programang Wanted Sa Radyo ni Raffy Tulfo ay naibalik na sa kaniyang mga magulang si Baby Taylor. Siya ang 5-buwang gulang na sanggol na kinidnap umano ng kaniyang yaya na kumalat sa social media nitong nagdaang dalawang araw.
Kuwento ng mga magulang ng sanggol na sina Princess Perrin at Jeric Victoriano, natulog lang daw sila noong Miyerkules ng umaga at pag-gising nila ng tanghali ay wala na ang anak nila pati na ang nasabing yaya. Parehong pang-gabi ang trabaho ng mag-asawa dahil sila ay nagtratrabaho sa isang bar.
Sinubukan daw nilang tawagan ang yayang si alyas Minda ngunit patay na ang cellphone nito. Nang i-check nila ang Facebook account ng yaya na naging paraan para makilala nila ito, ang account ay deactivated na.
Dito na nila naisip na kinidnap ng yaya niya ang anak nila. Ang yaya ay nakilala lang nila sa isang Facebook group na nagrerekumenda ng mga yaya at kasambahay na naghahanap ng trabaho. Si alyas Minda ay 34-anyos mula sa San Mateo, Rizal.
Image screenshot from Wanted Sa Radyo video
Sagot ng yayang si alyas Minda
Kahapon sa programang Wanted Sa Radyo ay itinanggi ng yayang binansagang si “Alyas Minda” ang paratang na kinidnap niya ang sanggol. Isinama niya lang daw itong lumabas para kumuha ng padala sa kaniyang pera. Ngunit napatagal sila dahil nawili siya sa labas habang ipinapasyal ang kaniyang alaga. At wala naman daw siyang intensyon na hindi ito ibalik sa mga magulang niya.
“E, natutulog po sila Maam noon, e. Kukuha po sana ako ng padala kaya po isinama ko po siya [baby]. After one hour po, nagpost po silang kinidnap ko daw po. Nag-panic po ako, natakot.”
“Noong gabi, uuwi po sana kami ng Taguig kaso marami na pong nag-cha-chat sakin, nagbabanta.”
Ito ang pahayag ng yayang si alyas Minda na natakot lang daw sa mga banta ng mga netizen na nagcha-chat sa kaniya. Lalo pa’t baka daw sa paglabas niya ay saktan siya ng mga ito at madamay ang kaniyang alaga.
Humingi naman ng tawad ang yaya sa kaniyang nagawa. Dahil siya din ay isang magulang at alam niya kung gaano kasakit ang nagawa niya.
“Sorry po talaga. Kahit sa nagchat po humihingi ako ng sorry. Hindi ko intensyon na kunin ang anak nila dahil kahit po ako may mga anak ako at hirap po akong buhayin ang mga anak ko.”
Dagdag nito, “Kahit po ako kagabi di ako nakatulog kakaisip paano ko isasauli yung bata. Paano po paglabas ko po may mananakit sa amin madadamay po siya.”
Ngunit, humingi man ng tawad ang yaya, desidido ang mga magulang ng kaniyang alaga na sampahan siya ng kaso bilang leskyon sa ginawa niya.
Panoorin ang interview kay Alyas Minda dito.
Source: Wanted Sa Radyo
Basahin: Sanggol na tinangay ng yaya, naibalik na sa kaniyang mga magulang
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!