Ngayon-ngayon lang ay nag-viral ang kuwento ng isang sanggol na tinangay ng kaniyang yaya. At sa pamamagitan ng isang palabas, ay naibalik na ang kinidnap na sanggol sa kaniyang mga magulang.
Kinidnap na sanggol, naibalik na sa mga magulang
Siguradong lahat ng mga magulang ay kinilabutan at nangamba matapos mabalitaan ang isang yaya na siya mismong nangidnap ng kaniyang inaalagaang sanggol.
Ayon sa initial na mga imbestigasyon at kuha sa CCTV, inilabas raw ng yaya ang sanggol habang natutulog ang mga magulang nito. Nais raw sanang tabihan ng mga magulang ang sanggol, ngunit nag-presenta raw ang yaya na siya na lang ang magbabantay sa bata.
Ngunit di nila akalain na mayroon pala itong intensyon na tangayin ang kanilang 5-buwang gulang na anak. Sinubukan pa raw nilang hanapin ang yaya, ngunit tila mailap ito, kaya’t ipinakalat na lang nila ang pangalan at larawan ng yaya pati na ng kanilang baby, upang baka sakali ay mayroong makakita rito.
Humingi sila ng tulong kay Raffy Tulfo
Dahil sa pagiging desperado, naisip ng mga magulang ng bata na dumulog sa isang sikat na palabas, ang Wanted Sa Radyo. At sa kabutihang palad ay nakatulong ang host na si Raffy Tulfo upang maibalik ang sanggol sa kaniyang mga magulang.
Sa palabas ay kuwento ng yaya na sinabi raw ng lolo ng sanggol na puwede raw siyang lumabas at pumunta sa mall kasama ang sanggol. Ngunit agad naman itong pinasaringan ng lolo, at nilinaw na pumayag siya, basta’t kasama siya ng yaya at ng sanggol.
Kuwento pa ng lolo ay napakalaki raw ng kaniyang pagsisisi, dahil siya ang nagrekomenda sa yaya na magtrabaho upang alagaan ang kaniyang kaisa-isang apo.
Ayon sa yaya, na si “Minda,” hindi pa rin daw niya maipaliwanag ang dahilan kung bakit niya dinakip ang bata. Aniya, hindi raw niya itinakas ang bata at natakot lang raw siya kaya’t hindi naibalik ang sanggol.
Naidagdag pa ni Tulfo na malaki raw ang naitulong ng mga netizen sa pagbabalik ng sanggol sa kaniyang mga magulang, dahil pinaliit raw nila ang mundo ng yaya.
Ano man ang dahilan, ang mahalaga ay naibalik na ang sanggol, at sana ay magsilbi itong aral sa mga magulang na maging mas mapanuri sa kanilang kinukuha na mga yaya.
Source: Wanted Sa Radyo
Basahin: 5-buwang sanggol kinidnap ng kaniyang yaya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!