Andrew Schimmer masayang ibinahagi ang bagong update sa health condition ng wife niya. Malapit na umano itong umuwi.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Paano ipinapakita ng aktor na si Andrew Schimmer ang pagmamahal niya sa wife niyang si Jho Rovero.
- Update ni Andrew Schimmer tungkol sa heath status ng misis niyang si Jho Rovero.
Paano ipinapakita ng aktor na si Andrew Schimmer ang pagmamahal niya sa wife niyang si Jho Rovero
Maraming naantig sa pinapakitang pagmamahal ng aktor na si Andrew Schimmer sa misis niyang si Jorhomy ‘Jho’ Rovero. Ito ay kasalukuyang nakaratay sa intensive care unit ng St. Lukes Medical Center dahil sa severe hypoxia.
Kuwento ni Andrew sa isa niyang Facebook post nakaranas ng matinding asthma attack ang misis niya na nag-resulta sa cardiac arrest at brain hypoxia. Ang tagpong ito ay naganap noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nitong Marso, ibinahagi ni Andrew ang kaniyang nararamdaman para sa asawang hanggang ngayon ay nasa ospital pa. Sabi ng aktor miss na miss niya na ang misis at ang mga oras na nagkakausap pa sila.
“The pain of being without you is too much to bear sometimes. I miss all of our daily conversations about life, God and everything. Nothing makes a room emptier than wishing that you were in it.”
Ito ang bahagi ng mensahe ni Andrew para sa kaniyang misis.
Kuwento ng pagmamahal at pag-asa ni Andrew
Larawan mula sa Facebook account ni Andrew Schimmer
Nitong namang unang linggo ng Agosto ay nakapanayam si Andrew ni Ogie Diaz sa kaniyang vlog. Doon ay mas ibinahagi ng aktor ang kaniyang nararamdaman sa pinagdadaanan ng misis niyang si Jorhomy. Kuwento ni Andrew noon napakasakit na makita ang misis niya sa kalagayan nito. Pero wala na siyang magagawa kung manatiling malakas para sa misis.
“Bestfriend ko siya kaya masakit pag nakikita ko siyang ganun. Kaya parang ang nararamdaman ko unfair na okay ako, siya ganun. Kaya minsan kahit hindi tinatawid ko. Dinadasal ko sa Diyos bigyan niya ako ng lakas, wag niyang hayaang bumigay yung katawan ko. Kasi kailangan ako nung tao.”
Ito ang pahayag ni Andrew.
Maliban sa pag-aalala sa kalagayan ng misis, pasakit din daw para kay Andrew ang gastos sa pagpapagamot ng misis at sa pagkaka-confine nito sa ospital. Kuwento niya nasa higit 3 milyon na ang bill nila sa ospital.
Pero sa kabila nito hindi siya sumusuko at ginagawa ang lahat para masigurong magiging maayos ang kondisyon ng misis. Hindi lang para sa kaniya kung hindi para sa mga anak niya.
“Ayokong tanggalin yung hope sa kanila kasi alam ko yung pakiramdam. Kasi namatay yung mother ko ng 10 years old ako. Nag-iwan siya ng hole sa puso ko na hindi niya napunan. I know the feeling kaya as much as possible ayokong ma-experience ng mga anak ko.”
“Kung totoong mahal mo kahit hopeless ilalaban mo ‘yan e. Kahit sa hundred percent na hope ang natitira na lang 1, ilalaban mo yan.”
Ito ang sabi pa ni Andrew na paulit-ulit na sinasabing ang mga anak ang numero unong dahilan kung bakit hindi parin siya nawawalan ng pag-asa na magiging maayos rin ang kalagayan ng kaniyang misis.
Larawan mula sa Facebook account ni Andrew Schimmer
Ang kuwento ni Andrew ng pakikipaglaban at pag-asa sa kalagayan ng kaniyang asawa ay umantig sa puso ng marami. Matapos ang pagbabahagi niya ng kaniyang kuwento ay bumuhos ang tulong para sa misis niyang si Johromy. Ito ay labis na ikinatuwa ng aktor at naging malaking tulong sa pagpapagamot ng kaniyang asawa.
Update ni Andrew Schimmer tungkol sa heath status ng misis niyang si Jho Rovero
Kahapon sa Facebook account ni Andrew ay ibinahagi niya ang pinakamagandang balitang natanggap niya umano sa nakalipas ng walong buwan. Ito ay ang unti-unti ng umaayos ang kondisyon ng misis at kung magpatuloy ito ay maari na itong makauwi.
“Kapag maganda yung result ng kaniyang mga laboratory test hopefully by the end of the month, maiuwi na natin siya.”
Ito ang masayang pagbabahagi ni Andrew sa kaniyang Facebook account sa pamamagitan ng isang video.
Ipinapakita niya rin sa isang video ang misis niyang si Jorhomy na mahimbing ang pagkakatulog. Mukha daw naghahanda ito sa nalalapit niyang pag-uwi.
“Sarap ng tulog nag-iipon siya ng energy, alam niya malapit na siyang umuwi.”
Ito ang masaya pang pagbabahagi ng aktor.
Hindi rin ito nakalimot na magpasalamat sa mga taong tumulong sa kaniyang asawa at pamilya.
“Mga kapatid thank you very much. Maraming maraming salamat sa inyong lahat.”
Ang bunso nitong anak na lalaking si Xander matagal ng nagtatanong at naguguluhan sa kondisyon ng kaniyang ina ay nagpasalamat rin sa lahat ng tumulong sa kanila.
“Thank you everybody so much,” sabi pa nito.
Higit walong buwan rin ng ma-confine sa ospital ang misis ni Andrew Schimmer. Kaya naman ngayon ng malaman niyang malapit na nila itong maiuwi, wala ngang mapaglagyan ang kasiyahan niya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!