Bakit mahalagang pangalagaan ang sarili kapag buntis? Basahin rito ang tungkol sa kondisyong anencephaly sa mga sanggol at kung paano maiiwasan ito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang ancephaly at mga posibleng sanhi nito?
- Paano nada-diagnose ang ancephaly?
- Paano makakaiwas si baby sa sakit na ito?
Lahat ng nanay na nagbubuntis ay gustong lumabas na ligtas at malusog ang kanilang sanggol. Umiinom tayo ng mga prenatal vitamins at iniingatan ang sarili nang maigi. Para makaiwas sa mga komplikasyon at sakit si baby.
Isa sa mga pinakamatinding sakit na maaring makuha ng isang sanggol ay ang anencephaly.
Ang anencephaly ay isang birth defect kung saan ang utak at mga buto sa bungo ay hindi tuluyang nabubuo habang ang sanggol ay nasa sinapupunan.
Dahil rito, ang utak ng sanggol, partikular na ang kaniyang cerebellum, ay bahagya lamang nade-develop. Ang cerebellum ang parte ng utak na responsable sa pag-iisip, paggalaw, at senses kabilang na ang panghawak, paningin, at pandinig.
Itinuturing ang kundisyon na ito na neural tube defect (NTD). Ang neural tube ay isang makipot na tubong kadalasang nagsasara habang nadedevelop ang fetus. Ito ang bumubuo sa utak at spinal cord. Kadalasan ay nagsasara ito sa ika-apat na linggo ng pagbubuntis. Kapag hindi ito nagsara, maaaring magresulta sa anencephaly.
Sa kasamaang palad, walang gamot ang kondisyon na ito. Nasa 75 porsiyento ng mga naipapanganak na may anencephaly sa Amerika ay nagiging stillborn. Ang nabubuhay naman ay tumatagal lamang ng ilang oras o araw ang buhay.
Maraming kaso rin ang pagbubuntis na may neural tube defect ang nauuwi sa miscarriage.
Sanhi ng anencephaly
Wala pang tiyak na sanhi ng anencephaly.
Sa ilang sanggol, ang sanhi ay maaaring may kinalaman sa pagbabago sa gene o chromosome. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga magulang ng sanggol na mayroon nito ay walang family history ng kundisyon na ito.
Ang exposure ng ina sa partikular na environmental toxins, gamot, o kahit pagkain o inumin ay pwede ring magkaroon ng kinalaman sa pagkakaroon ng anencephaly. Subalit wala pang sapat na kaalaman ang mga eksperto ukol sa mga potential risk factors na ito. Upang sila ay makapaglabas ng babala o guidelines.
Ang exposure sa matataas na temperatura, gaya ng sa sauna, hot tub, o mula sa mataas na lagnat, ay maaaring makadagdag sa tiyansa ng pagkakaroon ng neural tube defect.
Ayon sa The Cleveland Clinic sa Amerika, may ilang prescription drugs. Kabilang na ang mga gamot sa diabetes, ay maaaring makadagdag sa posibilidad ng pagkakaroon ng anencephaly.
Ang mga buntis na may mga kondisyong gaya ng diabetes at obesity ay may mas mataas na posibilidad na magsilang nga mga batang may neural tube defects at anencephaly.
Isang importanteng risk factor din na may kinalaman sa anencephaly ay ang kakulangan sa folic acid. Hindi lang ito, maaari ring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng ibang neural tube defects gaya ng spina bifida.
Kung mayroon ka nang anak na may anencephaly, ang tiyansang magkakaroon din ang susunod mong anak nito. O maaaring ibang neural tube defect ay tumataas ng apat hanggang 10 porsiyento. At kung dalawang beses ka nang nagkaanak ng may anencephaly, tataas pa ang tyansa ng 10 hanggang 13 porsiyento.
Paano nada-diagnose ang anencephaly?
Kabilang sa prenatal tests para sa anencephaly ang mga sumusunod:
- Blood test
- Amniocentesis – kukuha ng amniotic fluid at susuriin ito para sa abnormal development. Ang mataas na levels ng alpha-fetoprotein at acetylcholinesterase ay naiuugnay sa neural tube defects.
- Ultrasound
- Fetal MRI scan
Ayon sa Cleveland Clinic, and fetal MRI scan ay maaaring gawin sa anumang bahagi ng pagbubuntis, samantalang ang prenatal testing naman ay dapat gawin sa pagitan ng ika-14 at ika-18 linggo ng pagbubuntis.
Sa ilang kaso, maaring hindi agad ma-detect na mayroon anencephaly ang sanggol hanggang sa ipanganak na siya. Makikita naman ito pagkasilang dahil sa kakaibang hugis ng ulo ng bata.
Ang pinakahalatang tanda ng anencephaly ay ang kulang na bahagi ng bungo. Kadalasan ay nasa likurang bahagi ng ulo. Ang ilang buto sa harap ng gilid ng bungo ay maaari ring kulang o hindi nabuo nang mabuti.
Hindi rin nabuoo ng maayos ang kanilang utak. Kung walang malusog na cerebellum, hindi mabubuhay ang sanggol.
Ang iba pang tanda ay nakatuping tenga, cleft palate o bingot, at mahinang reflexes. Ang ibang sanggol na may anencephaly ay mayroon ding problema sa puso.
Lunas para sa anencephaly
Sa kasamaang palad, wala pang nadidiskubreng gamot sa anencephaly. Kadalasang tumatagal lamang ng ilang oras o ilang araw ang mga sanggol na naipapanganak na may anencephaly.
Subalit sa Orlando, Florida, mayroong isang batang ipinanganak nang may anencephaly, at nagtagal ang kaniyang buhay ng limang taon.
Ipinanganak si Jaxon Buell noong August 27, 2014 na may ganitong kondisyon kung saan 80 porsyento ng kaniyang utak ay hindi nag-develop. Pagkasilang sa kaniya, nanatili si Jaxon sa neonatal intensive care unit ng tatlong linggo bago siya iuwi ng kaniyang mga magulang, dahil ayon sa mga doktor, wala na silang magagawa pa para sa sanggol.
Subalit nagtagal pa ng ilang taon ang buhay ng sanggol. Binawian ng buhay si Jaxon noong April 2020.
BASAHIN:
5 best folic acid brands para sa buntis at mga gabay sa tamang pagpili nito
#AskDok: Paano mabuntis ang mataba? Alamin kung ano ang epekto ng timbang sa pagbubuntis
Paano maiiwasan ang anencephaly?
Bagamat hindi nakakasigurong maiiwasan mo ang anencephaly, mayroong mga bagay na maari mong gawin para mabawasan ang posibilidad na magkaroon nito ang iyong anak.
-
Uminom ng maraming folic acid
Ayon sa Cleveland Clinic, makakatulong ang pag-inom ng 400 mcg ng folic acid araw-araw, kahit hindi ka pa buntis at nagbabalak pa lang magbuntis.
Ang mga neural tube defects ay maaring mangyari sa unang buwan ng pagbubuntis. Ang folic acid ang pangunahing micronutrient na may kinalaman sa brain development ng isang sanggol. Kaya naman napakahalaga sa isang ina na uminom ng folic acid sa unang trimester ng pagbubuntis o kahit bago pa siya mabuntis.
Kung nagkaroon ka na ng sanggol na nagkaroon ng anencephaly o NTD noon, kumonsulta sa iyong doktor kung dapat mo bang taasan sa mahigit 400 mcg ang folic acid na iyong iniinom.
-
Umiwas sa mga ibang gamot
Ang mga opioids na gamot para sa seizures, migraines at bipolar disorder ay maari ring magsanhi ng NTD sa isang sanggol sa sinapupunan. Kung ikaw ay buntis o may balak kang magbuntis, tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga gamot na iniinom mo, at sumubok na lang ng mga mas ligtas na alternatibo.
-
Umiwas sa maiinit na lugar
Para maiwasan ang masyadong pagtaas ng iyong body temperature, huwag pumunta sa mga sauna o gumamit ng hot tub kapag ikaw ay nagdadalang-tao o sinususpetsa mong buntis ka. Tanungin rin ang iyong doktor tungkol sa pag-inom ng gamot na acetaminophen kapag mataas ang iyong temperature.
-
Panatiliing malusog ang iyong katawan.
Isa sa mga nagdudulot ng komplikasyon sa sanggol ay kapag mayroong diabetes o kaya masyadong malaki ang timbang ng kaniyang ina habang ipinagbubuntis siya.
Hangga’t maari, panatiliing malusog ang iyong katawan at iwasan ang pagdagdag ng sobrang timbang habang nagbubuntis at kung nagpaplano kang magbuntis.
Iwasan rin ang mga pagkaing sobra sa asukal at magkaroon ng healthy lifestyle para hindi magkaroon ng diabetes. Kung mayroon ka nang diabetes bago ka pa man magbuntis, ipaalam ito sa iyong OB-GYN para malaman niyo kung paano niyo gagamutin ito habang nagbubuntis.
Tandaan mommies, nakasalalay ang kaligtasan at kalusugan ng iyong sanggol sa iyong mga kamay. Kaya alagaan ang iyong sarili sa sandaling malaman mong magiging mommy ka na at bago ka pa man magbuntis.
Kung mayroon kang katanungan sa iyong pagbubuntis at kaligtasan ni baby sa iyong sinapupunan, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa iyong doktor.
Source: Healthline, Clevand Clinic , CDC
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.